Siopao (pangalan) [sio-pau] Isang pinasingawang tinapay na mayroong iba't ibang uri ng palaman. Asado o bola-bola, na maaaring gamitin ang baboy, manok, karne ng baka, hipon o itlog na maalat.
Saan ba nagmula ang siopao? Sigurado na tayong sa tsina nagmula ang pagkaing ito. Sa pangalan pa lang, intsik na intsik na ang dating. Ipinatikim siguro sa mga Pinoy, at ng ma-ibigan, isinama na ito sa palitan ng produkto (barter) noong taong 960 AD. At iyan siguro ang dahilan ng pagyaman ng intsik, Ginto palit siopao. Mga pagkaing Tsino na natanggap at natutuhang kainin ng mga pinoy tulad ng pansit, lugaw, siomai, kikyam, ampaw at iba pa, dami sigurong ginto at perlas ang nakalakal ng intsik sa meryenda pa lamang. Yan ang nangungunang katangian ng mga Pinoy, ang pagkahilig sa pagkain. Simple lamang ang pag-gawa ng siopao, kinakailangan lamang intindihin ang mga pamamaraan sa pagluluto. Unang una ay ang pagpapa-alsa ng masa, at ang pagpili ng nais na palaman. Ang pagkakaroon ng hangin sa masa ang isang dahilan ng pagdapa nang siopao, lolobo ito pag pinasisingawan at pag hinango, iimpis ito na parang lastiko ang kunat ng tinapay. Sa pag-gawa naman ng palaman, kinakailangang malapot ang salsa upang hindi magtubig. Sa pagpapasingaw, maa-aring sapnan ng tela ang ibabaw o alisin ang takip matapos mapasingawan. Hayaan ng ilang minuto upang maalis ang pamamasa at huwag kalimutang lagyan ng suka ang tubig sa pasingawan, upang maging maputi ang resulta. Sa mga nagna-nais magnegosyo, ito ang isa sa magandang pagkaka-kitaan. Maging mapag-isip lamang ng kaunting pamamaraan upang mabago ang lasa. Pag-iisip ng ibang uri ng palaman bukod sa bola bola o asado. Sa pag-gawa ng steam bun, maa-ari kang gumawa ng gulatarian o karnetarian. Maa-ari ka rin sigurong gumamit ng gulay sa siopao, subukan mo ang diningding, inabraw o pinakbet na siopao. Kung karne naman, sisig ng Kapangpangan o di kaya siopao kaldereta ng Ilokano. Kambing ang gamitin mo lakay, siguradong siopao na ang magiging national na pulutan.
Sa China town, sa Manila. Sa mga kainang intsik, makikita ang naglalakihang pasingawang kawayan o aluminyo, kung saan iniluluto ang siopao. Masarap ang siopao kung kakainin kasama ang mami o pansit. Nakaranas ka na bang kumain sa Ma Mon Luk sa Binondo? Kung hindi pa subukan mo, sila ang may pinakamasarap na siopao sa Pilipinas (yan ang sabi nila). Nakasubok na akong kumain, at maraming beses na, kahit may mga negatibong bagay akong naririnig. Hindi totoo ang mga iyon, hindi isasakripisyo ng isang tanyang na negosyante ang isang bagay na ikababagsak nito. Masarap ang kanilang siopao lalo na kung may Chicken mami, at ang napakasarap na salsa ng siopao ang isa sa aking nagustuhan ( mga mre at dre, walang bayad ang komentong ito). Ang hindi ko lang naibigan noon ay ang mga kababayan nating Intsik na kasabay kung kumakain, ang iingay nila. May hawak na baligtad na peryodiko at daldal ng daldal habang umiikot sa labi ang tutpik, ang isa naman ay halos nakasupalpal na sa bibig ang tasa ng mami, sumusubo gamit ang Chopstick. Daldal din ng daldal sa pagitan ng ng pagnguya, Para tuloy pinapatisan ng laway ang kinakain.
Sa Kabite sumikat din ang munting siopao. Medyo may kaliitan ang gawa sa Kabite, at isinisilbi ito sa mga sikat na kainang halo halo sa Digman Kabite. Sumikat din naman ang mga negosyong ito, at may mga prankisa na ring nabuksan sa mga mall. Napansin nyo ba? maa-ari itong itambal sa mami at halo halo, may nagsubok na bang itambal ito sa Hinebra o San Miguel? Kasabihan nga "lamnan mo muna ang iyong bituka, bago ka tumungga ng alak", bakit hindi na lang pagsabayin ang lamnan at ang tungga. Gumawa ng siopao na kasinlaki ng dimsum at palamanan ito ng ibat ibang uri ng mga putahing pampulutan, tulad ng sisig, kilawin, kaldereta, papaitan at dinakdakan. isisilbi mo ng mainit sa pasingawan ng dimsum kasama ang serbesa. Pag-uwi lamang ng bahay, huwag na huwag lamang uungol ng " see you pao", siguradong matataga ka ng asawa mo.Marami ang pamamaraan sa pag-gawa ng siopo, tulad ng may makinis at kulot ang ibabaw. Bakit nga ba may bilog na kulay ang siopao? Palatandaan daw ito kung asado o bola bola. Bakit sa mga Bombay, mayroon ba ring asado sa kanila, curry ang alam ko.
Dito sa aming kinalalagyan, matindi na rin ang kompetisyon sa pagnenegosyo ng siopao. Nariyan na ang mga Pinoy, Vietnamese, Thailand at Intsik ang ilan. Sinubukan ko ng lahat ang mga ito, sa mga pampalasang sangkap sa palaman ito nagkakatalo. Mayroong napakatapang ang lasa ng anise, toyo at nang iba pang sahog. IIsa lamang ang nakahuli sa panlasa ko at ng iba pang mga Pinoy, ito ang siopao ng Newtown bakery. Pangit lamang ang serbisyo ng kanilang branch sa aming lugar, ang mga empleyadong intsik ay laging nakasimangot, at parang laging galit kung iyong kinakausap. Kaya naman ng Pinoy sabayan ang mga ito, ang unang problema lamang ay takot sumugal. Ang laging nasa isip ay ang kikitain kaagad, at ang takot na malugi. Kung malakas naman ang loob magnegosyo, titipirin naman ang mga sangkap, at ang katuwiran ay " Mabili siya o hindi okey lang, maliit lamang naman ang puhunan, maliit din ang malulugi". Sa isang banda, napagiisip-isip nyo ba ang ibig kong sabihin. Isa ito sa ating pag-uugali sa pagnenegosyo, laging may takot. Bakit hindi natin gayahin ang Intsik at Bombay, isang sentimong tutubuin ay pinahahalagahan. Magpautang ka nga at maningil ng sampung piso araw araw, at minsan pang nahahabol ng taga. Ang mga Beho, nagtitiyagang magtinda ng lugaw at mami. Panay painit hanggang sa maubos, malimit pang lokohin ng kostumer. Lagyan ba naman ng ipis pag busog na, upang maka-iwas sa pagbabayad. Pero ano, tuloy pa rin ang ikot ng mundo nila. Marami na ring nagbukas at nagsarang Pinoy restorant dito sa aming lugar, kompetisyon na rin siguro ang dahilan kung bakit hindi sila tumatagal. Tatapatan ng mga intsik, sa laki ng karatula na " BUY 2 COMBO, FREE 1" mura na may libre pa. Isa ang mga lutuing pinoy na kailangan ang maraming sangkap sa pagluluto, hindi lang naman adobo ang dapat mong isilbi na toyo at suka lamang ang sangkap, kailangan din ng mga lutuing tulad nang kare-kare, murkon, embutido at mga lutuing gulay na may kamahalan ang mga sangkap. Pag-umorder ka sa restaurant, hindi pang-ulam ang dami, dahil sapat lamang pulutan para sa 2 bote ng serbesa. Natatandaan ko, may isang naglakas loob na nagtayo ng Pilipino Buffet. May kamahalan ang bayad ng bawat isa, at maghihintay ka sa haba ng pila. Pag na-late ka, piniritung tamban at ginataang laing na lamang ang babalik-balikan mo. Marami rin namang nakadisplay na ulam, pag-nagtanong ka, eto ang sagot " Hindi kasama yan, iba ang presyo ng mga iyan", ibang klase talaga si manang. Apat na putahi lamang ang isinisilbi sa buffet, tulad ng minsan ay may dinuguan, bopis, nilaga at menudo. Ibinibigay ito sa maliit na platitong kasinglaki ng lalagyan ng sawsawang suka, halos puro patatas ang menudo at labanos ang bopis. Pero sawa ka sa adobong kangkong, ginataang laing at piniritung tamban. Kahit siguro bikolano, matututong kumain ng saluyot pag nauya sa laing. Tinatanong nyo ako kung bukas pa iyon, wala na....... Nagsara na!
Mga Salawikaing Tunay :
Sa hapagkainan, habang kumakain ay huwag kukuyakoy.
Dahil magkakaroon ka ng maraming asawa.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan