Thursday, 23 January 2014

YEMA CAKE

Yema Cake ( pangalan) [ Yema keyk] Isang kakaning panghimagas na inihurno ng may pinagsamang keyk at pampalasang Yema, pinalamanan ang dalawang bahagi ng keyk at ibabaw, ito binu-budburan ng ginadgad na keso ang ibabaw.

Yema- isang panghimagas na kendi na gawa sa itlog, iniluto sa apoy hanggang sa maging makunat. maa-aring patulis o bilog na may saklob na malutong na karamel, ibinibilot sa makulay na papel o selopeyn.

Sa ating bayan, kapag naabutan kang nag-gagawa ng keyk. Ano kaagad ang tanong sa iyo, siguro alam nyo na. Ngunit kung hindi pa, eto iyon; Isang masorpresang katanungang, Sino ang may birthday? Bakit sa may birthday lang ba ang keyk, kahit nga pansit ganoon din ang katanungang maririnig mo. Bakit si Ti Godyang na may karenderya sa kanto, araw-araw ba birthday niya. Walang araw na hindi sya nagluluto ng pansit. Yan ang tipikal na Pilipino, minsan wala sa tugtog ang mga pinagsasabi. Ngunit yan ang pinakagusto ko, hindi mahirap intindihin. Noong ako ay bata pa, malimit akong mautusan. " Eto ang pamasahe sa Honda, at narito naman ang pera para sa pambili ng Band aid, Colgate at Aji No Moto. "Madali lang maintindahan di ba?" Paano ngayon yan, kung lahat ng Honda ay punuan, lubog na ang araw nasa kanto ka pa. 

Paano ba raw ang pag-gawa ng keyk, kung ikaw ay umu-uwi sa liblib na lugar, kung saan dito ay walang hurno? Ibinabalik ko rin ang tanong, paano ba gumawa ng bibingka. Ganoon lang kasimple yon, lutuin ito ng may baga sa ilalim at ibabaw. Ibinibigay ko ang tip na ito, sa mga kababayan nating umuuwi sa bulubunduking lugar, na  magdiriwang ng kaarawan. Imbes na bumaba ng bayan sakay ng paragas (sasakyang walang gulong na binabatak ng kalabaw) dalawang araw bago ang selebrasyon upang bumili lamang ng birthday cake, maa-ari na silang gumawa. Mayroon pa bang ganoong lugar sa Pilipinas, ang alam ko: ang mga mangyan at Igorot ay may Facebook na rin.  Share mo sila, may libre kang tapa ng usa.

Mabilis na rin ang pag-asenso ng ating bansa, sumasabay sa pagbulusok ng mga makabagong teknolohiya ng pagpapahayag ( computer lang ho iyan). Sa mga katulad kong nasa kalagitnaang idad, malaki ang pagkakaiba ng buhay noon. Ilan lamang ang sikat at kilalang keyk noong panahon na iyon, Merced at goldilocks ang ilan. Makakatikim ka lamang ng keyk kung may magbe-birthday o may darating na bisita, hindi kasi natin kinagisnan na kainin ito sa meryenda, mas gusto pa natin ang pandesal o pambonete na may pahid na margarina o isawsaw lamang sa mainit na kape. Mayroon din namang keyk na nabibili sa mga panaderya ng panahong iyon, tulad ng piyanono, inipit at mamon ang ilan. Ngunit wala pa sa ating kaalaman noon na ito ay mga klase keyk. Ang ating alam pag nabibili sa panaderya, ito ay tinapay. Ngayon tanungin mo ang mga Pinoy, magbigay ka ng tatlong klase ng keyk na gustong gusto mo? Ang mga isasagot sa iyo ay; chocolate ganache, mango tarte at tiramisu meltdown. Mga kababayan, katulad din iyan ng ating kinagisnang mga kakanin, nilandian at inartehan lamang ang pangalan ng mga nag-gagalingang chef para sa presentableng paghahanda. Ang ganache ay isa lamang salitang Franse na ang ibig sabihin ay pinalamanan ng krema. Pag may nagtanong sa iyo kung saan ka nag-snack, ang isagot mo ay " salle de bain", feeling rich di ba?. Pagdasal mo lang na wag i-google translate.


Isang magandang ideya ang nakaisip o nakatuklas ng kakaning ito, unang-una Pinoy na Pinoy ang dating, dahil walang Pinoy na hindi nakakakilala ng yema. Ang mga bansang banyaga ay mayroon din namang sariling pagtawag sa keyk na ito, ang custard cake. Hindi naman kahirapan ang pag-gawa, kinakailangan lang na matutunan ang proseso sa paghu-hurno ng keyk. Kung nakasubok ka nang gumawa ng keyk, at sa palagay mong masarap na para sa iyo ito, sundin mo ang mga sangkap at pamamaraan na iyong ginamit. Tayo ay may kanya-kanyang panlasa at pagkilatis sa pag-luluto, hindi nyo ba napapasin, hindi madali sa atin na makumbinsi agad na tangkilikin ang bagong lokal na kakanin. Marami tayong ikini-kunsidera; una ay ang lasa, pangalawa ang mga sangkap, pangatlo ito ay bago sa pandinig at ang laging huli ay ang ating kalusugan. Ngunit, kahit ipusta ko ang aking mga daliri, huwag lamang ang hinliliit, dahil wala akong panlinis ng kuweba. Kapag banyaga ang bagong sulpot na kakanin at napakagandang dalagang puti ang nasa patalastas, tumutulo na ang laway natin. Maging ang ating sariling aning kape, na pinangalanan ng banyagang produkto ito ay ating tatangkilikin. Kahit man magtatlong doble ang halaga nito, ipinangangalandakan natin ito sa kalsada. Ito ang tinatawag na makabanyagang mentalidad. Na-alaala ko tuloy yung patawa ng isang kaibigan, yun bang ini-inglis yung pangalan. Isang magandang ideya ito sa pag-papangalan sa restaurant, mala-banyaga ang dating sa mga kostumer. tulad PETER WETCHICKS Pub and Restaurant, si Pedrong Basang sisiw lang pala ang may-ari. Hay nakuuuu, hirap ng walang magawa.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
YEMA CAKE

Nilimbag Ng Pinoy Hapagkainan10:02

Sunday, 12 January 2014

SINUKMANI

SINUKMANI (Pangalan) [Biko sa ibang katawaganIto ay kilala rin sa tawag na biko sa iba pang mga lugar sa Pilipinas. Isang lutuing bibingka kung saan ito ay binubuo ng malagkit na bigas at minatamisang gata ng niyog, kadalasang pinai-ibabawan ng purong mani, hiniwang manggang hinog o kahit latik na kung saan ay ginawa mula sa gata ng niyog, para sa karagdagang lasa.

Tulad ng biko, marami ring pamamaraan ang pagluluto ng sinukmani. Nariyan na ang pag-gamit ng pirurutong na bigas, asukal na puti at paglalagay ng mga karagdagang lasa. nariyan na rin ang paghuhurno, o lutuin lamang ito sa gata. Sikat na kakanin o panghapunang meryenda sa mga lalawigan ng katimugang rehiyon ng Pilipinas. Laguna, Batangas, Bicol at iba pang lugar sa Calabarzon. Pangkaraniwan ding inihahanda  tuwing may mga piyesta o iba pang kasiyahan. Sa Batangas,  mayroong pagdiriwang na ginagawa taon taon. Ito ang sinukmani festival, ang mahabang talahanayan ng matamis at napakasarap na pagkain. inilatag at ibinabahagi sa mga lokal na residente. Huwag kalilimutan, alamin ang susunod na pagdiriwang sa taong ito at ating bisitahin ang Rosario Batangas, upang matikman ang kanilang ipinagmamalaking sinukmani. Kada tikim banggitin ang uhhmm sabay tango ng pino, para hindi halatang nakikikain lang.

Mayaman sa niyog ang ang mga bayan sa katimugan, kung kaya't hindi lang sa kakaning may gata ito kilala, maging sa pag-gawa ng inuming nakakahilo. Si Maria at si Clara ay hindi lang nakakabighani, nakakahilo rin pag nasosobrahan. Kahit noong sumisikat pa lamang ang bukal na paliguan sa mga bayang ito, kadikit na nito ang mga kakaning gawa sa niyog. Nagsulputan na parang kabuti ang mga tindahang Masapan, at ang mga buko pie. Tulad ng pagkain ng suman, masarap ito kung kape o tsaa ang iyong iinumin, at nakapag-aalis ito ng uya o tamis na madaling makabusog. Kung may mag-aayang maglibre sa inyo ng sinukmani at kola ang inumin, gusto agad niyang mabusog ka, lalo na pag alam niyang nagpapataob ka ng kaldero.


Ang pag-gawa ng minatamis na niyog o karamel sa pagluluto ng biko o sinukmani ang pinakamasarap na pamamaraan sa kakaning ito. Maa-ari itong ipa-ibabaw sa nilatag na biko sa hulmahan bago ihurno. Natatandaan ko ng uso pa ang tumbang preso, sabay sa oras ng paglalaro sa hapon, dumaraan ang tindera ng kakanin. Sa isang bilao, naroon na ang biko, sapin sapin, maja, kalamay at mga kakanin na nakabilot sa plastic tulad ng ginataang bilo-bilo at pansit. Tatambay ito sa sugalan, paligid ang mga inang kalong ang anak, hithit buga sa sigarilyong itim na  la dicha o titina. Naroon rin si ka petrang daldal ng daldal, nguya ng nguya sabay buga ng kulay pulang katas ng nga-nga. Sarap ibalik ala-ala ang mga ganitong eksena. Tulad ng kahit anong layo ni itay, pag sumipol na, ang ibig sabihin ay umuwi ka na. laki ng pagkaka-iba ngayon, ite-tex ka ni daddy o mommy para umuwi ka, wish mo lang maubos ang load para may extension ka.

Sa pagluluto ng sinukmani, nangangailangan ito ng isang matiyagang paghalo. lulutuin ito sa mahinang apoy na panay ang halo hanggang sa makamit ang nais na  pagkakabuo o kunat. Ito ang sikreto ng mga Batangueno sa pag-gawa. Hindi naman kahirapan ang paghahalo , kung ikukumpara sa pag-gawa ng kalamay o halaya. Siguro sa Bikol nagmula ang unang pag-gawa ng biko, dahil kahit ang cassava cake, biko ang tawag sa mga bayan ng Bikol. Mahina lang sa promosyon ng mga Bikolano sa biko, kung kaya't naungusan sila ng mga batangueno. Umasa na kasi sila sa imbento kong kasaysayan ng biko; Nung unang panahon ng nabubuhay pa si moy o ute, si Rizal ho ang ibig kong bang-gitin. May mga napadpad na kamag-anak si Padre Damaso o kastilang pari ang nagtanong sa tindera ng niliswag o minatamis na malagkit. Ang tanong, ano ang iyong itinitinda? sumagot ang tindera ng,,,, Bikol, dahil sa akalang  tinatanong kung anong lugar ito. Bumili ang mga kastila ng kakanin, at habang nginunguya, binabanggit ang mga katagang.....éste sabor bueno, me encanta comer biko, biko, biko. O sige tatagalugin ko na para hindi na kayo gumamit ng Google translate. Masarap ang pagkaing ito, gusto ko ito biko, biko biko. Ha, Ha, Ha. Ang maniwala, GUWAPO AT GUWAPA.




Nilimbag Ng Pinoy Hapagkainan00:40

Sunday, 5 January 2014

DENENGDENG

DENENGDENG ( pangalan ) [Inabraw sa ibang tawag] Isang tipikal na ulam o putahi na nagmula at kilala sa norte. Katulad ng pinakbet, ito ay nauuri bilang isang lutuing gulay sa bagoong. Ang pagkakaiba ng pinakbet sa dinengdeng, ito ay naglalaman ng mas kaunting gulay at iniluluto sa maraming sabaw na mula sa katas ng bagoong na isda.

Pagkalipas ng mga mamantika at mga nagtatamisang nocheng selebrasyon, ang hanap naman ng ating panlasa ay ang makaiwas muna sa pagbulusok ng antas ng kolesterol sa ating katawan. Pagkatapos ng mga gastusin, may kasabihan ang mga matatanda na "taling sinturon muna tayo" (tipid tipid muna). Sa may maluwag na bakuran, kung saan sagana pa sa mga gulay na panahog sa lutuing ito, bagoong at isda na lamang ang kailangan. May kasabihan nga sa norte ; Sa pagdating ng unos, tangayin na raw ang karsunsilyo wag lang ang bote ng bagoong at unang suhayan ang puno ng saluyot, bago ang bahay.

Natuto akong kumain ng saluyot sa edad na 13, Ipinagluto ako ng kapitbahay naming mula sa Abra. Nagmula ang lahat ng nagsisimula akong putulin ang mga talahib at mga punong ligaw sa looban, upang matamnan ng mais. Lumapit sa akin ang isang matanda, malimit ko syang makita sa looban na nana-nalbos sa mga punong ligaw. "Balong, maa-ari ka bang magtira ng ilang puno". Nabanggit niya sa akin na nilalakad pa niya mula sa kabilang baryo, makapamitas lamang ng talbos. Isa si lola sa maraming tao na pumupunta sa aming lugar, upang dayuhin ang pinagpalang puno. "Ano ho ba ang kahalagahan sa inyo ng mga talbos na yan, at dumarayo pa kayo rito, gamot rin ho ba yan tulad ng sambong?". "Saluyot ito balong at masarap itong igulay".Naitanong ko iyon sa kapitbahay naming taga Abra, dahil malimit ko rin siyang nakikitang nana-nalbos. Ipinagluto nya ako ng inabraw, at inihaw na tuyo ang kanyang isinahog. Bakit gustong-gusto nila ang gulay na ito, gayong parang  hindi mo maipaliwanag ang lasa na madulas sa bibig kung iyong isusubo." Ano ang mayroon ka, munting saluyot".

Sa paglipas ng panahon, natutunan ko ring kumain ng saluyot. Inihaw na isda ang aking isinasahog, at nagdaragdag ako ng bunga ng malunggay. Kung inihaw ang gagamitin, wala ni kahit katiting na langis sa pagluluto ng ulam na ito.  Bakit nga ba hindi isinama sa bahay kubo ang saluyot, upang natutunan ng lahat ang pagkain ng masusutansyang gulay na ito. Sa imbes na lingga na hindi naman gulay ay gawin na lamang; " sa paligid ligid ay puno ng saluyot". Tama ba mga lakay? 

Kilala rin ang norte sa pag-gawa ng bagoong, maging isda man o hipon, marami kang pagpipilian. Sabi ng iba, kaya raw mayaman ang mga taga ilokos sa ganitong mga pagkain, dahil matitipid sila. Sabihin na nating ganoon sila, ngunit sinong mas magaganda ang kalusugan. Yun bang katulad nilang matipid o bulagsak. na karne at baboy ang laman ng refrihadura. Sa mga taon na ako ay nagtrabaho sa hilagang bahagi, Pangasinanse at ilokano ang aking mga nakasama. minsan akong tumigil sa Bayambang, lahat na siguro ng lutong gulay ay natikman ko na. Malaki ang taniman nila, may punong kamansi sa tabing bahay at gumugubat ang ampalayang ligaw sa bakuran. Naghilera naman ang mga bote ng bagoong sa batalan, at ang hindi mabilang sa daliri na mga inahing manok. Sa loob ng isang linggo kong pagtigil, hindi man lamang ako nakatikim ng piniritung itlog sa almusal. Sa pagsapit ng linggo, doon kami ipinagluto ng tinolang dumalagang manok. Ang tanong ko sa sarili ko, bawal bang kumain ng manok sa pangasinan mula lunes hanggang sabado ?.....Hay naku.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
DENENGDENG










Nilimbag Ng Pinoy Hapagkainan18:03