Sunday, 12 January 2014

SINUKMANI

SINUKMANI (Pangalan) [Biko sa ibang katawaganIto ay kilala rin sa tawag na biko sa iba pang mga lugar sa Pilipinas. Isang lutuing bibingka kung saan ito ay binubuo ng malagkit na bigas at minatamisang gata ng niyog, kadalasang pinai-ibabawan ng purong mani, hiniwang manggang hinog o kahit latik na kung saan ay ginawa mula sa gata ng niyog, para sa karagdagang lasa.

Tulad ng biko, marami ring pamamaraan ang pagluluto ng sinukmani. Nariyan na ang pag-gamit ng pirurutong na bigas, asukal na puti at paglalagay ng mga karagdagang lasa. nariyan na rin ang paghuhurno, o lutuin lamang ito sa gata. Sikat na kakanin o panghapunang meryenda sa mga lalawigan ng katimugang rehiyon ng Pilipinas. Laguna, Batangas, Bicol at iba pang lugar sa Calabarzon. Pangkaraniwan ding inihahanda  tuwing may mga piyesta o iba pang kasiyahan. Sa Batangas,  mayroong pagdiriwang na ginagawa taon taon. Ito ang sinukmani festival, ang mahabang talahanayan ng matamis at napakasarap na pagkain. inilatag at ibinabahagi sa mga lokal na residente. Huwag kalilimutan, alamin ang susunod na pagdiriwang sa taong ito at ating bisitahin ang Rosario Batangas, upang matikman ang kanilang ipinagmamalaking sinukmani. Kada tikim banggitin ang uhhmm sabay tango ng pino, para hindi halatang nakikikain lang.

Mayaman sa niyog ang ang mga bayan sa katimugan, kung kaya't hindi lang sa kakaning may gata ito kilala, maging sa pag-gawa ng inuming nakakahilo. Si Maria at si Clara ay hindi lang nakakabighani, nakakahilo rin pag nasosobrahan. Kahit noong sumisikat pa lamang ang bukal na paliguan sa mga bayang ito, kadikit na nito ang mga kakaning gawa sa niyog. Nagsulputan na parang kabuti ang mga tindahang Masapan, at ang mga buko pie. Tulad ng pagkain ng suman, masarap ito kung kape o tsaa ang iyong iinumin, at nakapag-aalis ito ng uya o tamis na madaling makabusog. Kung may mag-aayang maglibre sa inyo ng sinukmani at kola ang inumin, gusto agad niyang mabusog ka, lalo na pag alam niyang nagpapataob ka ng kaldero.


Ang pag-gawa ng minatamis na niyog o karamel sa pagluluto ng biko o sinukmani ang pinakamasarap na pamamaraan sa kakaning ito. Maa-ari itong ipa-ibabaw sa nilatag na biko sa hulmahan bago ihurno. Natatandaan ko ng uso pa ang tumbang preso, sabay sa oras ng paglalaro sa hapon, dumaraan ang tindera ng kakanin. Sa isang bilao, naroon na ang biko, sapin sapin, maja, kalamay at mga kakanin na nakabilot sa plastic tulad ng ginataang bilo-bilo at pansit. Tatambay ito sa sugalan, paligid ang mga inang kalong ang anak, hithit buga sa sigarilyong itim na  la dicha o titina. Naroon rin si ka petrang daldal ng daldal, nguya ng nguya sabay buga ng kulay pulang katas ng nga-nga. Sarap ibalik ala-ala ang mga ganitong eksena. Tulad ng kahit anong layo ni itay, pag sumipol na, ang ibig sabihin ay umuwi ka na. laki ng pagkaka-iba ngayon, ite-tex ka ni daddy o mommy para umuwi ka, wish mo lang maubos ang load para may extension ka.

Sa pagluluto ng sinukmani, nangangailangan ito ng isang matiyagang paghalo. lulutuin ito sa mahinang apoy na panay ang halo hanggang sa makamit ang nais na  pagkakabuo o kunat. Ito ang sikreto ng mga Batangueno sa pag-gawa. Hindi naman kahirapan ang paghahalo , kung ikukumpara sa pag-gawa ng kalamay o halaya. Siguro sa Bikol nagmula ang unang pag-gawa ng biko, dahil kahit ang cassava cake, biko ang tawag sa mga bayan ng Bikol. Mahina lang sa promosyon ng mga Bikolano sa biko, kung kaya't naungusan sila ng mga batangueno. Umasa na kasi sila sa imbento kong kasaysayan ng biko; Nung unang panahon ng nabubuhay pa si moy o ute, si Rizal ho ang ibig kong bang-gitin. May mga napadpad na kamag-anak si Padre Damaso o kastilang pari ang nagtanong sa tindera ng niliswag o minatamis na malagkit. Ang tanong, ano ang iyong itinitinda? sumagot ang tindera ng,,,, Bikol, dahil sa akalang  tinatanong kung anong lugar ito. Bumili ang mga kastila ng kakanin, at habang nginunguya, binabanggit ang mga katagang.....éste sabor bueno, me encanta comer biko, biko, biko. O sige tatagalugin ko na para hindi na kayo gumamit ng Google translate. Masarap ang pagkaing ito, gusto ko ito biko, biko biko. Ha, Ha, Ha. Ang maniwala, GUWAPO AT GUWAPA.




0 comments:

Post a Comment