Thursday, 24 October 2013

BEEF TAPA

Tapa ( tapà), Pangalan Isang pamamaraan ng pagpe-preserba ng ano mang karne, para sa pangmatagalang pag-iimbak

Tapsilog ( tapa sinangag itlog) kaugnay Isang klase ng paghahanda sa lutuing ito, Kung saan inihahanda na  kasama ang itlog, sinangag na may malutong na bawang at sawsawang tinimplahang suka, ketsap at siling maanghang.



Kahit naman siguro saang panig ng Pilipinas, kilala ang tapa. Nagkataon lamang na ito ang napagtuunang gawing negosyo sa Paranaque city, kung saan naghilera ang tapsihan sa kahabaan ng  Don Galo. Yan ang nakakatuwa sa ating bayan, kung gusto mong makilala ang iyong bayan. Magtayo kayo ng isang uri ng negosyo, tulad ng karinderya na ang pangunahing inihahanda ay adobo. Kanya kanyang pakulo, adobo sa gata, adobo sa suka, adobong siling labuyo ( labas ang almuranas), kalderobo (kalderetang adobo) o kahit na sinigang na adobo. Kahit walang lasa ang lutong adobo, feeling sikat kahit  limampung milya ang ibiniyahe, maipagyabang lang na kumain sa adobohan at ipo-post sa Facebook. Sosyal di ba ?


Bago tayo pumalaot, bibigyan muna natin ng kaunting pansin ang ating Tapa. Ang orihinal o unang pamamaraan sa pagta-tapa ay isang simpleng pagpepe-preserba ng karne. Sa kabundukan ng Quezon, kung saan marami pang mga katutubo, una kong nakita at natutunan ang pag-iimbak ng karne. Ang karne ng usa ay hinihiwang maninipis at isinu-suksok sa bumbong o kawayan na may maliit na tuluang butas sa ilalim. Ito ay pina-iibabawan ng maraming asin, tatakpan ang ibabaw at ibibitin. Ang dahan dahang patak ng asin ay kakagat sa karne at ito ang magsisibing preserbatibo sa tapa, Siguro kung may fridge sila, hindi nila ,mai-isip gawin ito. Ang isang pamamaraan na aking nagustuhan ay ang pagpapausok sa karne matapos asnan, smoked beef jerky ang dating ng lasa. Bakit tapang kabayo o kalabaw ang pinaka-espesyal na uri ng lutuing ito, at ating hanap-hanap. Sa aking pagkaka-alam, karne pa rin ng baka ang pinakamasarap na uri ng karne, katamtaman lamang ang laki ng hilatsa. Mentality lamang ang dahilan, yun bang palahanap sa wala. Kung ang pag-aangkat ng karne ng kabayo ay mas marami sa baka, siguradong baka ang ating hahanap-hanapin. Kung gusto mong makatikim ng tapang kalabaw, hintayin mong kumidlat ng malakas o di kaya may magbigting kalabaw, siguradong on sale at free delivery.


O paano mga kaibigan sisimulan ko nang pumalaot, babangka na si Pinoy. Tulad ng dati magsisimula tayo nang "nung bata pa ako". Sisimulan natin sa bolahan ; mahilig sa larong basketbol ang tropa, piso-piso ang pustahan nagkakabasagan na ng mukha. Kaya binago namin ang pustahan, dahil puro masisiba, ginawa naming pustahan ang tapa. Kung sinong grupo ang matatalo sa laro, ay siyang magbabayad sa tapahan. DCMV at Rosalis ang kilalang tapahan sa aming bayan, at siguro isa kami sa isang dahilan kaya pansamantalang nagsara ito (Huwag nyo ng itanong kung saan ito, baka ma-buro kayo sa haba ng babasahin nyo). Balik tayo sa pagkalugi ; may offer silang " one to sawa ang kanin" ibig sabihin libre balik sa kanin. Apat na malilit  tapa ang laman ng kada plato at ang kanin ay nasa isang malaking bandehado, kung saan ito ay paghahatian namin. Unang balik, mabilis ang dating ng serbidora, sa pangalawa at pangatlo ito ay unti-unting bumabagal (asar nga, nakakabitin) Sa pagsapit ng ika-apat at lima, lalong tumatagal ang paghihintay. Tatawagin ang serbidora at itatanong yung kanin, Pa-irap na sasagot ang iritadong serbidorang bakla " saglit  lang ho, nagsasaing pa" at pabulong na lalayo " siguro may mga buwaya sa tiyan ang mga ito".


Paano ba raw iniluluto ang tapa "syempre sa apoy". Marami ang pamamaraan sa pagluluto ng tapa, maa-aring prituhin lamang ito sa mantika, tuhugin at isalang sa ihawan o di kaya ay ilagay sa hurnohan. Sa pagta-tapa, maaring simpleng asin at paminta lamang ang sangkap. Ang malinamnam na sinangag at sawsawang ma-anghang na suka't ketsap ang naghahatid ng kaka-ibang lasa sa pagkaing ito. Marami ng klase ng tapa ang naglabasan, tulad ng pagsikat ng Pampangga sa pag-gawa ng tapa, ang Bulacan kung saan daw ito nagmula. Wala pa riyan and ibang bayan, na sila daw ang may pinakamasap na uri ng tapa. Ang paglalagay ng karagdagang sangkap upang mapaunlad ang negosyo, at kaii-ibigan ng mga mamimili. Sa mga tapahan naman, kanya kanya silang pakulo; nariyan na ang "famous at original", sa limang original, masisira pa yata muna ang ulo mo sa kai-iisip kung sino ang pinaka-original. Bakit hindi nila lagyan kung kailan sila nagsimula tulad ng "since 1940". Famous, sikat na ba sila, at paano nangyari yon. "Dong, ten thousand ang likes namin sa Facebook, kaya famous na kami". Kayo, sikat na ba kayo ?

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan. 
BEEF TAPA





0 comments:

Post a Comment