Thursday, 9 May 2013

CASSAVA CAKE

Kung minsan, parang nasasabik masayaran ng matamis na kakanin ang ating bibig. Kahit abot langit na ang taas ng antas ng ating kolesterol, may pansarili pa ring katwiran na umiiral sa atin. Okey lang yan, paminsan-minsan lang naman. Kapirasong hiwa lang ang aking kakainin at sasabayan na lang ng ehersisyo. Alin ba ang nasunod? wala, dahil sa sarap, hindi na nakontrol ang sarili at sinabayan pa ng upo sa kompyuter habang hinihimas ang tiyan.

Ang nasasaad sa mga aklat kaalaman, ang kamoteng kahoy ay ikatlo sa buong mundo na napagkukunan ng karbohaydreyt. Parang hindi katanggap-tangap na maging ikatlo lamang, dahil ba hindi sosyal kung isasabay ang kamoteng kahoy sa steak o ano mang pangunahing pagkain. Hindi ba kayang pantayan nito ang kalidad ng masang patatas, kanin o mais. Para sa akin,  mas mainam ang kamoteng kahoy sa kamote. Asin o asukal lang ang katapat kung ito ay ilalaga, hindi ka pa kakabagan.

Ito ang napakasarap, makapuno.
Bago namin sinimulan ang pag-gawa ng keyk, marami ang pumapasok sa aming isipan. alin ba ang masarap na ilahok ? Keso, nata de coco, kinayod na buko o isang simpleng tradisyunal na pamamaraan na lamang. Hanggang sa napagkasunduan ng lahat ang makapuno. Ano nga ba ang lasa ng makapuno? Ito ay matabang kung kakainin ng hindi mamatamisan, mas masarap pa nga ang buko kahit paano may sabaw kang mahihigop.

Madali lamang ang proseso sa pag-gawa ng Keyk na kamoteng kahoy, mapapabilib mo pa ang sino mang makakatikim ng iyong luto. Para sa akin, kahit hindi ka marunong magluto ay kaya mo itong gawin. Apat na pamamaraan lamang ang kailangang sundin ; 
* Pagsama-samahin ang mga sangkap.
* Ilagay sa hurno at lutuin.
* Ilagay ang pang-ibabaw, at lutuing muli.
* Hiwain at kainin.
Alin ba ang mahirap diyan? Yung tatlong nauuna? Syempre yung huli ang pinakamadali. May sariling kadahilanan, kung kaya't pinagpipilitan nating hindi tayo marunong magluto. Tulad ba ng masunog o mahilaw , mapintasan ng ibang tao ang ating pagluluto. Sa kapipintas naubos naman yung ating niluto, humingi pa ng Coke. Ang pagluluto ay isang uri ng art (Culinary art baga) kailangang may dedikasyon. hindi dahil nagkamali ka ay susuko ka na, ang pagkakamaling iyon ang magtuturo sa iyo upang maging isang magaling na kusinera.
Kung may mamimintas sa iyo, ang dapat mong isagot ay ;
"Hindi ko niluto yan para sa iyo, pinatitikim lang kita."
Maniwala ka, ang isasagot niya sa yo ay :
"Ikaw naman, parang hindi ka na mabiro." 



Sa pang-ibabaw ng keyk, maaring simpleng gata, itlog at gatas lamang ang gamitin. Maa-aring magdag-dag ng keso o makapuno at huwag kalimutang bisitahin paminsan-minsan upang hindi masunugan. Kung nais mong mapuri ng biyenan mo, Cassava Cake ang lutuin mo.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .
CASSAVA CAKE




0 comments:

Post a Comment