Tuesday, 3 December 2013

KALAMAY

KALAMAY  (pangalan[kä-lah mäy] Ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagkatas ng gata mula sa kinayod na niyog, giniling na malagkit na bigas na kung tawagin ay galapong at asukal na pula. Panay na paghalo sa pagluluto ang ginagawa sa mahinang apoy, hanggang sa magpantay-pantay ang pagkunat.


Sa pagluluto ng kalamay, laging nauuna ang gata. Hindi dahil gawa ito sa gata, Batanggas at Bikol na naman ang sikat. Bigyan naman natin ng buhay ang norte, bago tayo dumako sa timog o hilaga. Kung ikaw ay patutungo sa norteng bahagi, halimbawa na ang Pangasinan o Ilokos sakay ng pambansang kuneho (Philippine Rabbit!!), siguradong titigil sa Rosales. Sa terminal ng bus, naroon na yata ang lahat ng produktong kakanin ng norte, hindi ka pa nakakarating sa patutunguhan matitikman mo na ang mga pinagmamalaking kakanin. Unang una na ang tatak Ilokano, ang makunat na makunat na kalamay na nakabilot sa dahong saging. 

Mga lakay, sakay muna tayo ng tren patungong Timog. Mula pa laang sa Tutuban, kalamay na ang iyong makikita. Sa Binang Laguna, kung saan sikat sa pag-gawa ng mga kakanin (dahil siguro may karugtong na Binan ang bawat pangalan ng kanilang produkto, tulad ng puto Binan at kalamay Binan ang ilan). Hindi rin patatalo ang mga uragon. Kung kaya nilang magpamaga ng almoranas, kaya rin nilang pahilabin ang tiyan sa sarap ng kanilang kalamay. Sa dami ba naman ng niyog at tubo sa Bikol, sigaradong kayang kaya nilang gumawa ng pinaka masarap na kalamay. Kung gusto mo, lalagyan pa nila ng CHILLI SPICE. 

May mga ilang bayan din ang kilala sa pag-gawa ng kalamay, tulad ng Mindoro, Iloilo , ang kalamay hati ng Bohol at sundot kulangot ng Baguio. Ano nga ba ang pagkakaiba sa mga kalamay na ito, ang marangyang sisidlan at presentasyon, mga pangalang madaling tumatak sa isipan at mga sangkap na hindi mo sukat maisip na maa-aring gamitin at humihila sa iyong tikman ito. Halimbawa na ang paglalagay ng peanut butter, ang unang iisipin mo ay, hindi  kaya magkalapugan ang iyong tiyan at dali-dali mong hahanapin ang silid pahingahan (Rest Room yan ha)? Kahit papaano ay susubukan mo pa rin. Ano nga ba ang kalamay? Sa pangkalahatang kasagutan, ito ay isang kakanin na gawa sa pinakunat na arinang malagkit, asukal at niyog. Kaya naging espesyal ang kakaning ito dahil pawis ang puhunan sa pag-gawa nito, wala pa riyan ang kulani sa kili-kili. Isang pakikibuno ng paghalo sa mahinang apoy, upang makamit ang kunat na nais. Kunat ang paga-aantas sa kalamay, primera klase ang pinakamakunat, Dahil sa matagal na proseso ng pagluluto. Hindi magandang negosyo ang kalamay sa Ibang bansa tulad ng Amerika, kung saan per-ora ang pasuweldo. Siguradong malulugi ka tsong. Mahal ang magiging presyo, hindi kayang bilhin ng mga makukunat.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

KALAMAY






0 comments:

Post a Comment