Minsan, ng ako ay nagbabasa ng mga e-mail mula sa ating mga kababayan, pumukaw sa akin ang liham ni Marites Bulaon na humihiling na gawin natin ang Pastillas. Mula sa orihinal na pastillas de leche, marami nang klase tayong matitikman o mabibili sa tindahan. Nariyan na ang durian, langka, mangga, kape, keso, tsokolate at marami pang iba, binilot sa ibat-ibang kulay na papel de hapon o plastik. Ang pangunahing sangkap na gatas ay daragdagan lamang ng mga panlasang nais at maaring gawin ng niluluto o pinaghalo-halo lamang ang mga sangkap.
Naa-alala ko pa nung ako ay nasa elementarya, mabibili mo lamang ito sa mga maliliit na tindahan, kahilera sa garapon ang karamel at texas, dalawa ang sinko. Sa paglipas ng panahon, isa na ito sa mga pangunahing ipinagmamalaki ng ilang bayan. Sa Bulacan kung saan nagmula ang de leche, Davao naman kung saan ang durian ay kilala, sa Batangas na kasabay sa pagsikat ng mga paliguang bukal. Mabibili na rin ito na kasama ang ibat-ibang uri ng masapan sa mga tindahan sa kahabaan ng hi-way.
Ano nga ba ang mayroon ang pastillas kung bakit atin itong hinahanap-hanap, lalo na kung malayo tayo sa ating bayan. Dahil ba sa kinalakihan na natin ito ? Mahirap hanapin sa ating kinaroroonan o sa katas at linamnam na ating nakukuha, habang ito ay nasa ating bibig. ang isang maliit na bilot ay hindi sasapat sa atin, maaring lima o kaya'y isang plastik.
Ano ba ang pinakamasarap na flavor ng pastillas? Iyan ang hindi ko masasagot, sa kadahilanang walang maniniwala sa akin at marami ang magpipilit at makikipagtalo sa kani-kanilang paboritong flavor. kaya't ang aking sagot ay, lahat ng pastillas ay masarap.
Ang Kabite ay isa sa kilalang bayan na sagana sa ube, Kung kayat marami ng naglitawang binilot na powdered at grated ube na gawa sa bayang ito, isa na rito ang Silang. Kilala na rin ito sa pag-gawa ng halaya, mga halayang mabibili sa bote. Ang ube ay isa na sa mga pangunahing sangkap sa pag-gawa sorbetes, keyk, Swiss roll at mga kakanin. Isa rin itong mainam na pagkain para sa may mga diabetis, nakakatulong ito sa pag-papanatili ng antas nang asukal sa ating dugo at pagpapa-baba ng insulin.
Ube ang napili nating gamitin sa pag-gawa ng pastillas, kung kaya't tatawagin natin itong pastillas de ube. masarap, ngunit hindi gaanong makunat. kung ang nais ninyo ng mas makunat, maa-ari ninyo itong isalang sa pugon bago hiwain ng maliliit. Hindi na namin isinama ang prosesong ito sa kadahilanang, hindi lahat ng tagasubaybay natin ay may pugon at para na rin sa pangkalahatang pamamaraan.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .
PASTILLAS DE UBE |
0 comments:
Post a Comment