Friday, 26 April 2013

PASTILLAS DE UBE



      Minsan, ng ako ay nagbabasa ng mga e-mail mula sa ating mga kababayan, pumukaw sa akin ang liham ni Marites Bulaon na humihiling na gawin natin ang Pastillas. Mula sa orihinal na pastillas de leche, marami nang klase tayong matitikman o mabibili sa tindahan. Nariyan na ang durian, langka, mangga, kape, keso, tsokolate at marami pang iba, binilot sa ibat-ibang kulay na papel de hapon o plastik. Ang pangunahing sangkap na gatas ay daragdagan lamang ng mga panlasang nais at maaring gawin ng niluluto o pinaghalo-halo lamang ang mga sangkap.



     Naa-alala ko pa nung ako ay nasa elementarya, mabibili mo lamang ito sa mga maliliit na tindahan, kahilera sa garapon ang karamel at texas, dalawa ang sinko. Sa paglipas ng panahon, isa na  ito sa mga pangunahing ipinagmamalaki ng ilang bayan. Sa Bulacan kung saan nagmula ang de leche, Davao naman kung saan ang durian ay kilala, sa Batangas na kasabay sa pagsikat ng mga paliguang bukal. Mabibili na rin ito na kasama ang ibat-ibang uri ng masapan sa mga tindahan sa kahabaan ng hi-way.



    Ano nga ba ang mayroon ang pastillas kung bakit atin itong hinahanap-hanap, lalo na kung malayo tayo sa ating bayan. Dahil ba sa kinalakihan na natin ito ? Mahirap hanapin sa ating kinaroroonan o sa katas at linamnam na ating nakukuha, habang ito ay nasa ating bibig. ang isang maliit na bilot ay hindi sasapat sa atin, maaring lima o kaya'y isang plastik. 



    Ano ba ang pinakamasarap na flavor ng pastillas? Iyan ang hindi ko masasagot, sa kadahilanang walang maniniwala sa akin at marami ang magpipilit at makikipagtalo sa kani-kanilang paboritong flavor. kaya't ang aking sagot ay, lahat ng pastillas ay masarap.


    Ang Kabite ay isa sa kilalang bayan na sagana sa ube, Kung kayat marami ng naglitawang binilot na powdered at grated ube na gawa sa bayang ito, isa na rito ang Silang. Kilala na rin ito sa pag-gawa ng halaya, mga halayang mabibili sa bote. Ang ube ay isa na sa mga pangunahing sangkap sa pag-gawa sorbetes, keyk, Swiss roll at mga kakanin. Isa rin itong mainam na pagkain para sa may mga diabetis, nakakatulong ito sa pag-papanatili ng antas nang asukal sa ating dugo at pagpapa-baba ng insulin.

    Ube ang napili nating gamitin sa pag-gawa ng pastillas, kung kaya't tatawagin natin itong pastillas de ube. masarap, ngunit hindi gaanong makunat. kung ang nais ninyo ng mas makunat, maa-ari ninyo itong isalang sa pugon bago hiwain ng maliliit. Hindi na namin isinama ang prosesong ito sa kadahilanang, hindi lahat ng tagasubaybay natin ay may pugon at  para na rin sa pangkalahatang pamamaraan.

                                      At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .


PASTILLAS DE UBE
                                                   

Nilimbag Ng Pinoy Hapagkainan22:00

ALMONDIGAS



Kasalukuyang umuulan ngayon sa kalagitnaan ng tagsibol dito sa aming kinalalagyan. naisipan naming humigop ng maiinit na sabaw sa katanghaliang tapat. Ang unang plano ay magluto ng Calandracas , isang lutuing sopas kung saan manok ang sangkap na nilahukan ng patatas, karots, repolyo at makaroni. May nakitang giniling sa pridyeder, kayat biglang nagbago ang ihip ng hangin at napagbuntunan ngayon ang pagluluto ng Amondigas.



Ang Almondigas o Albondigas sa salitang Espanya ay (meatballs) Bola-bola, Isang lutuing sopas na ang sangkap ay miswa. Ang problema ay wala kaming nakatabing buto - buto para sa gagawing sabaw, kaya't gumamit kami ng instant broth. Maraming uri ng pamamaraan sa pag-gawa ng almondigas, nariyan ang paglalagay ng tomato paste at beans. Ang mahalaga sa pagluluto ng putahing ito ay ang pangunahing sangkap, ang bola-bola. Sa aming bayan, ang almondigas ay niluluto sa simpleng broth lamang at isa ito sa mga paboritong pagkain. Ang nakakapagtaka lamang ay hindi ito pangkaraniwan sa mga restoran o karinderya, kung kaya,t matitikman mo lamang ito kung si inay ay sisipagin sa pagbibilog ng giniling.  


Simpleng bola-bola lamang ang  kina-kailangan sa pag-gawa ng lutuing ito, hindi kina-kailangan ang mga pampalasang dahon, buto o pulbos. Tanging asin at paminta lamang ang kailangan, upang mabuo ang bola-bola. Giniling na baboy ang siyang kailangan, nagkataon lang na giniling na karne ng baka ang mayroon tayo. Kung tutuusin mas malinamnam kung karne ang gagamitin. Kasabihan nga sa mga batikang kusinero; Maa-ari kang magsahog ng kahit ano, hindi naman iiyak yan. Ang importante ay kung aayon sa panlasa mo. Marami ang klase ng bola-bola ang maa-aring gawin, nariyan ang bola-bolang isda para sa mga hindi kumakain ng karne, Bola-bolang pabo para sa mga takot sa kolesterol at Bola-bolang gulay para sa mga gulayterian. Tandaan lamang na kung ano ang iyong bola-bola, ganoon rin ang gagamiting panimpla sa sabaw. Sa pag-gawa ng sabaw, maa-ari din kayong magdag-dag ng kaunting kick. Lagyan ng basil, at mint upang maglasang pho'. Para sa traditional na pamamaraan, tanging sibuyas na mura at tustadong bawang o dinurog na chicharon lamang pampapa-ibabaw. Kung ako ang tatanungin, lagyan ng kintsay para sa karagdagang linamnam. Huwag lamang susunugin ang bawang.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .

ALMONDIGAS






Nilimbag Ng Pinoy Hapagkainan21:59