Thursday, 23 January 2014

YEMA CAKE

Yema Cake ( pangalan) [ Yema keyk] Isang kakaning panghimagas na inihurno ng may pinagsamang keyk at pampalasang Yema, pinalamanan ang dalawang bahagi ng keyk at ibabaw, ito binu-budburan ng ginadgad na keso ang ibabaw.

Yema- isang panghimagas na kendi na gawa sa itlog, iniluto sa apoy hanggang sa maging makunat. maa-aring patulis o bilog na may saklob na malutong na karamel, ibinibilot sa makulay na papel o selopeyn.

Sa ating bayan, kapag naabutan kang nag-gagawa ng keyk. Ano kaagad ang tanong sa iyo, siguro alam nyo na. Ngunit kung hindi pa, eto iyon; Isang masorpresang katanungang, Sino ang may birthday? Bakit sa may birthday lang ba ang keyk, kahit nga pansit ganoon din ang katanungang maririnig mo. Bakit si Ti Godyang na may karenderya sa kanto, araw-araw ba birthday niya. Walang araw na hindi sya nagluluto ng pansit. Yan ang tipikal na Pilipino, minsan wala sa tugtog ang mga pinagsasabi. Ngunit yan ang pinakagusto ko, hindi mahirap intindihin. Noong ako ay bata pa, malimit akong mautusan. " Eto ang pamasahe sa Honda, at narito naman ang pera para sa pambili ng Band aid, Colgate at Aji No Moto. "Madali lang maintindahan di ba?" Paano ngayon yan, kung lahat ng Honda ay punuan, lubog na ang araw nasa kanto ka pa. 

Paano ba raw ang pag-gawa ng keyk, kung ikaw ay umu-uwi sa liblib na lugar, kung saan dito ay walang hurno? Ibinabalik ko rin ang tanong, paano ba gumawa ng bibingka. Ganoon lang kasimple yon, lutuin ito ng may baga sa ilalim at ibabaw. Ibinibigay ko ang tip na ito, sa mga kababayan nating umuuwi sa bulubunduking lugar, na  magdiriwang ng kaarawan. Imbes na bumaba ng bayan sakay ng paragas (sasakyang walang gulong na binabatak ng kalabaw) dalawang araw bago ang selebrasyon upang bumili lamang ng birthday cake, maa-ari na silang gumawa. Mayroon pa bang ganoong lugar sa Pilipinas, ang alam ko: ang mga mangyan at Igorot ay may Facebook na rin.  Share mo sila, may libre kang tapa ng usa.

Mabilis na rin ang pag-asenso ng ating bansa, sumasabay sa pagbulusok ng mga makabagong teknolohiya ng pagpapahayag ( computer lang ho iyan). Sa mga katulad kong nasa kalagitnaang idad, malaki ang pagkakaiba ng buhay noon. Ilan lamang ang sikat at kilalang keyk noong panahon na iyon, Merced at goldilocks ang ilan. Makakatikim ka lamang ng keyk kung may magbe-birthday o may darating na bisita, hindi kasi natin kinagisnan na kainin ito sa meryenda, mas gusto pa natin ang pandesal o pambonete na may pahid na margarina o isawsaw lamang sa mainit na kape. Mayroon din namang keyk na nabibili sa mga panaderya ng panahong iyon, tulad ng piyanono, inipit at mamon ang ilan. Ngunit wala pa sa ating kaalaman noon na ito ay mga klase keyk. Ang ating alam pag nabibili sa panaderya, ito ay tinapay. Ngayon tanungin mo ang mga Pinoy, magbigay ka ng tatlong klase ng keyk na gustong gusto mo? Ang mga isasagot sa iyo ay; chocolate ganache, mango tarte at tiramisu meltdown. Mga kababayan, katulad din iyan ng ating kinagisnang mga kakanin, nilandian at inartehan lamang ang pangalan ng mga nag-gagalingang chef para sa presentableng paghahanda. Ang ganache ay isa lamang salitang Franse na ang ibig sabihin ay pinalamanan ng krema. Pag may nagtanong sa iyo kung saan ka nag-snack, ang isagot mo ay " salle de bain", feeling rich di ba?. Pagdasal mo lang na wag i-google translate.


Isang magandang ideya ang nakaisip o nakatuklas ng kakaning ito, unang-una Pinoy na Pinoy ang dating, dahil walang Pinoy na hindi nakakakilala ng yema. Ang mga bansang banyaga ay mayroon din namang sariling pagtawag sa keyk na ito, ang custard cake. Hindi naman kahirapan ang pag-gawa, kinakailangan lang na matutunan ang proseso sa paghu-hurno ng keyk. Kung nakasubok ka nang gumawa ng keyk, at sa palagay mong masarap na para sa iyo ito, sundin mo ang mga sangkap at pamamaraan na iyong ginamit. Tayo ay may kanya-kanyang panlasa at pagkilatis sa pag-luluto, hindi nyo ba napapasin, hindi madali sa atin na makumbinsi agad na tangkilikin ang bagong lokal na kakanin. Marami tayong ikini-kunsidera; una ay ang lasa, pangalawa ang mga sangkap, pangatlo ito ay bago sa pandinig at ang laging huli ay ang ating kalusugan. Ngunit, kahit ipusta ko ang aking mga daliri, huwag lamang ang hinliliit, dahil wala akong panlinis ng kuweba. Kapag banyaga ang bagong sulpot na kakanin at napakagandang dalagang puti ang nasa patalastas, tumutulo na ang laway natin. Maging ang ating sariling aning kape, na pinangalanan ng banyagang produkto ito ay ating tatangkilikin. Kahit man magtatlong doble ang halaga nito, ipinangangalandakan natin ito sa kalsada. Ito ang tinatawag na makabanyagang mentalidad. Na-alaala ko tuloy yung patawa ng isang kaibigan, yun bang ini-inglis yung pangalan. Isang magandang ideya ito sa pag-papangalan sa restaurant, mala-banyaga ang dating sa mga kostumer. tulad PETER WETCHICKS Pub and Restaurant, si Pedrong Basang sisiw lang pala ang may-ari. Hay nakuuuu, hirap ng walang magawa.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
YEMA CAKE

0 comments:

Post a Comment