Friday, 8 November 2013

BUTSI

Butsi o Buche (Pangalan) : Sa ibang kahulugan , mga lamáng-loob ng manok at iba pang kaurì nito. 
( Idioma) : Ipinagpuputok ng butse , Ikinasasama ng loobin
(Pangalan) : Kahulugan ukol sa paksa, kakaning malagkit na pinalaman ng minatamis na munggo.
Kahulugan sa pangkabuuan : Sa loob, loob, niloloob o ano mang bagay na nauugnay sa salitang loob.



Bakit butsi o butse ang itinawag sa minindal na ito ? Dahil ba kahalintulad ito ng butse ng manok na may palaman sa loob, mainam na lang minatamis at hindi lasang mga dahong sangkap ang ipinaloloob dito. Dahil sa tuwing kakainin mo ito, parang nasa isipan mo ang karugtong ng puwit ng manok. Punta naman tayo sa matinong paksa; mainam na lamang at nauso na ang pag-gamit ng mga pulbos na sangkap, isang kunbinyenteng pamamaraan sa mabilisang produksiyon. Naa-alala ko pa nung kabataan ko, sa tuwing hapon ako ang nauutusang pumunta sa palengke upang magpagiling ng galapong. Kinabukasan pa ito makukuha, dahil kinakailangan pang ibabad ng magdamag. Mayroon kaming maliit na pundahan, kung saan halos ng mga kumakain ay mga nag-iiras (gumagawa ng asin). Mga kakanin ang pangunahing tinda, kaya abala na sa pagluluto bago sumapit ang hapon. Minsan puputok ang iyong butsi, dahil magdamag na walang kuryente at mag-gigiling ng mano-mano sa gilingang bato.

Marami talaga ang nababago ng panahon, si mang Beng pandak lang ang hindi nabago. Laging nakatingala kung makakasalubong mo, upang makilala ka. Minsan masasabi mong, "Mang Ben, wag kang masyadong makatingala, baka pasukin ng ulan yang ilong mo". Ang ibig kong ipaliwanag, ay ang mga sangkap at pamamaraan ng pagluluto. Ngayon, kahit anong oras ay maari kang gumawa ng kakaning galapong. Marami na ang naglabasang mga pulbos na sangkap, tulad ng pulbos na arinang malagkit, arinang bigas, arinang patatas at marami pang iba. Kahit saan ngayon, ito na ang napipiling hanapbuhay.Tulad ng butsi, isa na itong pangkaraniwang minindal. Kung hindi ka makakakita sa pondahan, maghintay ka ng alas tres. Isang bloke pa ang layo maririnig mo na ang hiyaw ng tindero, butse, bitso karioka. Isang tipikal na tindero na may sunong na bilao sa ulo, bilot ito ng isang malapad na plastik. Mabibili ito na nakatuhog sa tuhugang kawayan, pagkatapos mong kumain may tutpik ka na rin.

Mahilig ka ba sa butsi, ano ang mas gusto mo, yun bang pangbalot o palaman? Maa-aring sabihin mong parehas, sa dahilang butsi ang niluto mo. Kung palaman ang ibig mo, Minatamisang munggo ang tawag doon. At kung pambalot naman ang nais mo, siguradong donat ang iyong gusto. Yun bang tipong Munchkins ng dunkin. Kung pambahay ang aking gagawing butsi, bumibili na lamang ako ng halayang ube sa bote at iyon ang aking ipinalalaman. Masarap at siguradong magugustuhan ninyo, wala pang masasayang na palaman. Hindi naman mahirap hanapin ang butsi, kahat saang lupalop ka ng mundo mapunta, basta may Intsik, mayroon ding butsi. Sila nga raw ang una at may dala ng butsi sa Pilipinas. Ngunit kung titingnan at babasahin mo sa wikipidya, halos lahat ng bansa sa Asya ay may kanya kanyang tawag sa lutuing ito. Kaya, ano ang gusto nyo sa butsi? SYEMPRE YUNG LIBRE...

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
BUTSI





0 comments:

Post a Comment