Friday, 26 April 2013

ALMONDIGAS



Kasalukuyang umuulan ngayon sa kalagitnaan ng tagsibol dito sa aming kinalalagyan. naisipan naming humigop ng maiinit na sabaw sa katanghaliang tapat. Ang unang plano ay magluto ng Calandracas , isang lutuing sopas kung saan manok ang sangkap na nilahukan ng patatas, karots, repolyo at makaroni. May nakitang giniling sa pridyeder, kayat biglang nagbago ang ihip ng hangin at napagbuntunan ngayon ang pagluluto ng Amondigas.



Ang Almondigas o Albondigas sa salitang Espanya ay (meatballs) Bola-bola, Isang lutuing sopas na ang sangkap ay miswa. Ang problema ay wala kaming nakatabing buto - buto para sa gagawing sabaw, kaya't gumamit kami ng instant broth. Maraming uri ng pamamaraan sa pag-gawa ng almondigas, nariyan ang paglalagay ng tomato paste at beans. Ang mahalaga sa pagluluto ng putahing ito ay ang pangunahing sangkap, ang bola-bola. Sa aming bayan, ang almondigas ay niluluto sa simpleng broth lamang at isa ito sa mga paboritong pagkain. Ang nakakapagtaka lamang ay hindi ito pangkaraniwan sa mga restoran o karinderya, kung kaya,t matitikman mo lamang ito kung si inay ay sisipagin sa pagbibilog ng giniling.  


Simpleng bola-bola lamang ang  kina-kailangan sa pag-gawa ng lutuing ito, hindi kina-kailangan ang mga pampalasang dahon, buto o pulbos. Tanging asin at paminta lamang ang kailangan, upang mabuo ang bola-bola. Giniling na baboy ang siyang kailangan, nagkataon lang na giniling na karne ng baka ang mayroon tayo. Kung tutuusin mas malinamnam kung karne ang gagamitin. Kasabihan nga sa mga batikang kusinero; Maa-ari kang magsahog ng kahit ano, hindi naman iiyak yan. Ang importante ay kung aayon sa panlasa mo. Marami ang klase ng bola-bola ang maa-aring gawin, nariyan ang bola-bolang isda para sa mga hindi kumakain ng karne, Bola-bolang pabo para sa mga takot sa kolesterol at Bola-bolang gulay para sa mga gulayterian. Tandaan lamang na kung ano ang iyong bola-bola, ganoon rin ang gagamiting panimpla sa sabaw. Sa pag-gawa ng sabaw, maa-ari din kayong magdag-dag ng kaunting kick. Lagyan ng basil, at mint upang maglasang pho'. Para sa traditional na pamamaraan, tanging sibuyas na mura at tustadong bawang o dinurog na chicharon lamang pampapa-ibabaw. Kung ako ang tatanungin, lagyan ng kintsay para sa karagdagang linamnam. Huwag lamang susunugin ang bawang.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .

ALMONDIGAS






0 comments:

Post a Comment