Nilupak (nilupàk) Pangalan Isang pamamaraan ng pag-gawa ng kakanin sa pagmamasang paraan gamit ang lusong.
Nilupak na Saging o kamoteng kahoy mga uri ng pag-gawa nang nilupak.
Iilan lamang siguro sa mga Pinoy ang hindi nakaka-alam sa meryendang ito, isa na siguro yung mga namulat sa banyagang kakanin. Kung saan ginagamit ay patatas at inihahandog kasama ay karne. Alam na ninyo siguro ang ibig kong sabihin. Kung ako ang tatanungin at kaidad lamang kita, lumaki sa bukid, parehas lamang siguro ang ating naging gawi. Hinihintay lumaki laki ang bungang saba sa puno ni mang bestre, sa paglubog ng buwan sabay na mawawala ang saging. Kasama ang mga tropa, may kanya kanyang dala na gatas, star margarina at kaldero kung saan ito babayuhin. Kung tag-panahon ng kamoteng kahoy, nanatiling nakatayo ang mga puno ngunit limas na ang mga bunga. Yan ang kasaysayan ng nilupak sa aming bario, sa inyo....ganoon ba rin ?
Ang aking kinagisnan sa pag-gawa ng kakaning ito ay ang pag-gamit ng pambayo at lusong, ito ay isang uri ng almires na gawa sa malaking puno ng kahoy. Ito rin ang ginagamit sa pagpi-pipig o pag-gawa ng pinipig. Habang binabayo, sabay ding tumatagaktak at tumutulo ang pawis ng tagabayo. dahil habang kumukunat, lalo itong humihirap na bayuhin. Tanging gatas at margarina lamang ang isina-sangkap, ang pagdaragdag ng niyog ay nagaya lamang sa mga bayang sagana ang niyog at wala ng pagdalhan, kung kaya't pati dinuguan ay ginagataan. Huwag kayong tumawa, masarap yon.
Isang napakamahal na kakanin ang nilupak, nabibili ito sa harap ng paaralan o tuwing linggo sa simbahan. Nakabundok sa isang bilao na may dalawang kulay, ang ube at kulay gatas. Ginagayat ng ubod ng nipis, pinapahiran ng margarina at inilalagay sa dahon ng saging. " Ti Goyeng pakidagdagan naman" sabi ko, " alam mo ba ? Mataas na ang mga bilihin ngayon, ang kamote , saging at maging ang gatas. Si Kosmeng pandak na lamang ang hindi tumataas, kung gusto mo? dagdagan kita ng isang hiwa, ngunit walang margarina". Ang lupet, sa isang sinabi ko, sampu na ang naging sagot, punong puno na tuloy ng laway yung nilupak ko.
Umalis ako bitbit ang nilupak na walang margarina, halos lahat ng kakilalang makasalubong ay nagtatanong kung ano ang aking bitbit. Iisa lang ang aking sagot, ano pa kundi nilupak. Pagsapit sa bahay, agad-agad kung pinahiran ng Star margarin at unti-unti kong ninamnam ang lasa ng aking nilupak. Ngunit paglipas ng panahon, pinadali na ang pag-gawa ng nilupak. Iba-ibang pamamaraan at sangkap. May gumagamit ng puwit ng tasa, tinidor, pangmasa ng patatas at blender. Parehas rin lamang ang lasa, hindi ka pa naghirap, itsura lamang ang naiba. Sa mga kababayan nating nasa ibang bansa, kung saan limitado ang mga kinakailangang sangkap sa pag-gawa ng mga kakaning Pinoy, sila ang mga patuloy na umi-isip ng mga pamamaraan sa makabagong panahon kung kaya't utang natin sa kanila ang bagay na ito.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
NILUPAK |
0 comments:
Post a Comment