Sunday, 5 January 2014

DENENGDENG

DENENGDENG ( pangalan ) [Inabraw sa ibang tawag] Isang tipikal na ulam o putahi na nagmula at kilala sa norte. Katulad ng pinakbet, ito ay nauuri bilang isang lutuing gulay sa bagoong. Ang pagkakaiba ng pinakbet sa dinengdeng, ito ay naglalaman ng mas kaunting gulay at iniluluto sa maraming sabaw na mula sa katas ng bagoong na isda.

Pagkalipas ng mga mamantika at mga nagtatamisang nocheng selebrasyon, ang hanap naman ng ating panlasa ay ang makaiwas muna sa pagbulusok ng antas ng kolesterol sa ating katawan. Pagkatapos ng mga gastusin, may kasabihan ang mga matatanda na "taling sinturon muna tayo" (tipid tipid muna). Sa may maluwag na bakuran, kung saan sagana pa sa mga gulay na panahog sa lutuing ito, bagoong at isda na lamang ang kailangan. May kasabihan nga sa norte ; Sa pagdating ng unos, tangayin na raw ang karsunsilyo wag lang ang bote ng bagoong at unang suhayan ang puno ng saluyot, bago ang bahay.

Natuto akong kumain ng saluyot sa edad na 13, Ipinagluto ako ng kapitbahay naming mula sa Abra. Nagmula ang lahat ng nagsisimula akong putulin ang mga talahib at mga punong ligaw sa looban, upang matamnan ng mais. Lumapit sa akin ang isang matanda, malimit ko syang makita sa looban na nana-nalbos sa mga punong ligaw. "Balong, maa-ari ka bang magtira ng ilang puno". Nabanggit niya sa akin na nilalakad pa niya mula sa kabilang baryo, makapamitas lamang ng talbos. Isa si lola sa maraming tao na pumupunta sa aming lugar, upang dayuhin ang pinagpalang puno. "Ano ho ba ang kahalagahan sa inyo ng mga talbos na yan, at dumarayo pa kayo rito, gamot rin ho ba yan tulad ng sambong?". "Saluyot ito balong at masarap itong igulay".Naitanong ko iyon sa kapitbahay naming taga Abra, dahil malimit ko rin siyang nakikitang nana-nalbos. Ipinagluto nya ako ng inabraw, at inihaw na tuyo ang kanyang isinahog. Bakit gustong-gusto nila ang gulay na ito, gayong parang  hindi mo maipaliwanag ang lasa na madulas sa bibig kung iyong isusubo." Ano ang mayroon ka, munting saluyot".

Sa paglipas ng panahon, natutunan ko ring kumain ng saluyot. Inihaw na isda ang aking isinasahog, at nagdaragdag ako ng bunga ng malunggay. Kung inihaw ang gagamitin, wala ni kahit katiting na langis sa pagluluto ng ulam na ito.  Bakit nga ba hindi isinama sa bahay kubo ang saluyot, upang natutunan ng lahat ang pagkain ng masusutansyang gulay na ito. Sa imbes na lingga na hindi naman gulay ay gawin na lamang; " sa paligid ligid ay puno ng saluyot". Tama ba mga lakay? 

Kilala rin ang norte sa pag-gawa ng bagoong, maging isda man o hipon, marami kang pagpipilian. Sabi ng iba, kaya raw mayaman ang mga taga ilokos sa ganitong mga pagkain, dahil matitipid sila. Sabihin na nating ganoon sila, ngunit sinong mas magaganda ang kalusugan. Yun bang katulad nilang matipid o bulagsak. na karne at baboy ang laman ng refrihadura. Sa mga taon na ako ay nagtrabaho sa hilagang bahagi, Pangasinanse at ilokano ang aking mga nakasama. minsan akong tumigil sa Bayambang, lahat na siguro ng lutong gulay ay natikman ko na. Malaki ang taniman nila, may punong kamansi sa tabing bahay at gumugubat ang ampalayang ligaw sa bakuran. Naghilera naman ang mga bote ng bagoong sa batalan, at ang hindi mabilang sa daliri na mga inahing manok. Sa loob ng isang linggo kong pagtigil, hindi man lamang ako nakatikim ng piniritung itlog sa almusal. Sa pagsapit ng linggo, doon kami ipinagluto ng tinolang dumalagang manok. Ang tanong ko sa sarili ko, bawal bang kumain ng manok sa pangasinan mula lunes hanggang sabado ?.....Hay naku.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
DENENGDENG










0 comments:

Post a Comment