Wednesday, 12 February 2014

GAMBAS ang pulutan

GAMBAS (pangalan) [Sugpo, Hipon] Isang salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay Hipon o Sugpo. Ang Gambas ay maraming uri ng resipe na maa-aring pagpilian, tulad ng ; Gambas al PilPil, Gambas al Ajillo at Gambas a la Plancha.

(Paunanawa : Pagpasensyahan nyo na kung nabago ang itsura ng ating babasahing pangkalawakan, hindi ko malaman kung ano ang pumasok sa aking isipan kung bakit binago ko ang kulay. Sa may gusto, tumahimik na lamang. At yung ayaw, magpadala lamang ng mungkahi. (Mag-kumento sa ibaba o sumulat sa pinoyhapagkainan@gmail.com)

Kung bakit dinagdagan ko ng pulutan ang titulo o pamagat ng ating babasahin, sa kadahilanang uusok ang iyong tumbong kung masosobrahan ng siling isasangkap. Isang magandang pulutan ito sa nagpa-planong mag-handa sa kanilang nalalapit na kaarawan "Maligayang bati sa iyo Igan", malaking menos ito sa pulutan at inumin. Maglagay ka ng limang buong siling labuyo, at samahan mo pa ng tatlong pinigang sili. Siguradong sisipol ito kada subo ng pulutan, sasabayan ng panay lagok ng alak, maniwala ka, kung hindi sumuka maagang babagsak yan. Ang problema lang ay kung sunog-baga at uragon ang iyong mga bisita, walang pagkaka-iba ang Gambas sa ibang pulutan, at maa-aring ganahan pa ang mga ito. Ini-uulam ng mga uragon ang inihaw at maging sariwang sili, idinidikdik lamang ito sa asin at isinasabay sa isang subong kanin. Magaling daw sa katawan ng tao ang maa-anghang na pagkain, wag lamang sobra dahil baka Hemorrhoidectomy ang abutin mo.

 
Hipong kulot, hipong puti, swahe at sugpo, ito ay nabibilang sa uri ng krustaseo [English : crustaceans] binubuo ito ng isang napakalaking pangkat ng mga artropod, na kinabibilangan ng alimango, talangka, dakumo, katang, ulang, kril at mga barnakulo . Lumaki tayo sa may baybayin ng bakoor, sa kabite kung saan sagana sa ganitong uri ng mga lamang dagat. Marami ang maa-aring gawing luto sa hipon, ; nariyan na ang halabos na hipon, sinigang na hipon, ginataang hipon at masarap ding isangkap sa mga lutuing pansit at gulay. Dahil sa maliit pa ang purok na aming kinalakihan ng panahong iyon, ang mga tao ay halos o nagtuturingang magkakamag-anak. Ang turo ng mga matatanda ; kapag nakakatanda sa iyo, tawagin mo itong "ate o kuya". At sa mga nakakatanda sa kanila, tawagin itong "ka o kaka at ti", mga tunog kamag-anak di ba ? "Ang Pamilya ay hindi tungkol sa kung saan ang dugo o angkan mayroon ka. Ito ay tungkol sa kung sino ka na nagmamalasakit sa kapwa", ito ang kinalakihan nating kasabihan mula sa matatanda. Lumalayo tayo sa hipon, balik tayo sa ating paksa ; kaya ko nabanggit ang kamag-anak, dahil naalala ko nang mga panahong iyon, pumunta ka lamang sa daungan (lugar kung saan nagba-baba ng mga huli), makakalibre ka na ng pang-ulam. May mga palaisdaan na nagpapatiyo bago mag-iras ( mag-asinan), matapos nilang makuha ang nais, ang mga nalalabi ay para sa mga kapitbahay. May mga kapitbahay naman na namamalakaya (naglalambat) sa gabi, tumulong ka lamang sa pagtanggal ng huli sa lambat, maa-abutan ka ng pang-ulam. Napakasarap balikan at mabuhay ng mga panahong iyon, hindi ka mangangambang magutom o walang makain sa susunod na araw. Ngunit bilangin mo ang mga kapitbahay na hindi nangangambang magutom, marami, at nakakatoma pa araw-araw. Iba rin talaga ang may naa-asahan, nalilimutan ng tao ang mangarap. Walang ginawa kundi magparami ng anak, tatambay sa pondahan (tindahan) matapos makapalaot at kumita ng sapat na pangangailangan sa araw na iyon. Maghihintay ng katulad niyang sunog baga o di kaya mamilit sa dadaraan na makipag-inuman sa kanya, lubog na ang gabing uuwi, sumisipol at masayang kumakanta na nagpapatlang sa katagang "hik". Sa paksang ito, pinagsama ko na ang dalawang kataga o salitang Hipon at lasing, dahil hipon lang nilalasing kung iniluluto. Ito ang "Nilasing na Hipon".  

Maa-ari din namang isilbi  itong pang-ulam, lagyan lamang ng tamang anghang na naa-ayon sa panlasa. Isang masarap na lutuin ang gambas al ajilo o sugpo sa salsang bawang, dahil hindi na natin makakagisnan ang luting ito, kung ito ay hindi papasa sa panlasang Pilipino. Kasama na rin itong itinaboy ng mga bayani, kasama ng mga kastila. Maa-aring pintasan din ni Crisostomo Ibarra sa pangalawang kabanata ng Noli Me Tangere, kung kasumpa-sumpa ang lasa nito sa piging (naghanda ba si kapitan Tiyago ng Gambas? Ewan ko...). Basta ang alam ko pindot lang ako ng pindot ng aking makinilya, at "basta okey sa inyo, okey na rin sa akin". Saan mo ba makikita o matitikman ang putahing ito? Tama ang hula mo, wala ito sa karenderya at sa mga de kalibreng restaurant lamang ito isinisilbi, maa-aring meron din nito sa mga pub o beer house, kung saan kasama ang alak kung bibilhin. Bakit kinakailangan pa nating lumuwas upang makatikim ng lutuuing ito, gayong napakadali namang gawin. Kung ambyans ang ating hanap, magtirik ng sampung kandila sa mesa at maglagay ng serbesa o markang demonyo. Pumitas sa bakod ni aling Mariang manas ng Gumamela at ilagay sa bote ng coke, tapos gawing palamuti sa mesa. Kung may naitatabing sobrang napkin ng Mc Donald o Jollibee, ilagay ito sa tabi ng plato at ipatong sa ibabaw ang tinidor at kutsara. Maligo at magpabango ng Sweet Honesty, hintayin si mister (siguruhin lang na wala sa number 2). Ngayon masaya, nakakabusog at nakakalasing na selebrasyon sa Araw ng mga Puso. Sa mga magsyota, mag-asawa at walang palad na magkasyota "HAPPY VALENTINE" sa lahat.


Mga Salawikaing Tunay :

* Resipe Para sa Lutuing Sili : Maglagay sa palayok ng isang dakot na sili at isalang sa kumulong tubig, hayaan ito sa patuloy na pagkulo. Samantala, mag-ihaw ng isang malaking hiwang karne, at kainin ang karne pagkaluto. Hayaan ang mga siling kumulo, at huwag ng pansinin ang mga ito. 

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
GAMBAS

0 comments:

Post a Comment