PANSIT QUADRA Isang lutuing pansit kanton na walang sangkap na karne, tanging gulay at tahong na sinalsahan ng tinimplahang katas ng pinya ang nagpapasarap sa lutuing ito.
PANSIT (pangalan) [pansit] ay ang katawagan para sa noodles sa lutuing Pilipino. Ito ay ipinakilala sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga Intsik, napasama at naging tanyag sa lokal na lutuing Pilipino.
QUADRA (pangalan) [hugis, lugar] Salitang Portuguese na ang ibig sabihin sa tagalog ay bloke. Isang lugar sa bayan ng Kabite, kung saan kilala sa pinakamaraming tahungan.
Hindi mabibili o makikita ang putahing ito sa restoran. Dahil sagana sa tahong ang kahabaan ng baybayin ng kabite, at sa mga pinya't gulay na ina-angkat mula sa bayan ng Silang, marahil ang syang dahilan ng pagtuklas ng lutuing ito. Ang Bakoor ay isa sa may pinaka-marangyang kapistahan sa Kabite, pagpasok pa lamang ng buwan ng Mayo, sunod-sunod na ang mga kasiyahan bago pa man dumating ang takdang araw ng kapistahan. Ang selebrasyon nang Karakol ng baryo at karakol ng bayan, kung saan isinasakay sa bangka ang patron at inililibot sa baybaying dagat. Makalipas ang ilang oras ng paglalayag, sabay sa nakaka-indak na musika mula sa banda musiko, isusunod ang prusisyon sa lupa. Ang mga karatig bayan ay may kanya-kanyang presentasyon, mula sa mga magagarang Pilipinyanang kasuutan at hanggang sa pag-indak. Kahit sino man ay mapapasayaw sa mala-indayog na saliw nang mga tugtugin, at sa inuming katas ng pinya na may halong Hinebra. Pagsapit ng kapistahan, ang kahabaan ng Evanghelista St. ay isinasara upang bigyan ng puwang ang parada ng banda musiko. Sampu o maa-aring humigit pa ang dami ng banda na pumaparada, at kung saan-saang bahagi pa ng Pilipinas nagmumula. Kung mahilig kang makipamista, isa ito sa aking maimumungkahi. Ang isa sa aking ipinagtataka, bakit mas marami ang lutuuing karneng handa kaysa lamang dagat, dahil ba sawang-sawa na sila at nauuya nang lubusan. Hindi naman sila ang kakain, kundi ang mga bisita. Bakit ang tahong at talaba ay inihahanda para sa pulutan, hindi lang naman lasenggero ang may karapatang kumain ng mga ito, bakit hindi na lang binusang mani o butong pakwan ang ibigay na pulutan, at hayaan ang mga bisita ang mag-enjoy sa pagkain. Totoo, minsan suplada ang mga bisita, malansa daw ang amoy ng tahong sa kamay. Kung pagkaka-isipin, marami ang maa-aring ihanda na mula sa lamang dagat. Tulad ng; Relyeno (Alimasag, Bangos, Pusit), Crab o Fish Cake, Inihaw na pusit, Pansit (Pusit, Pugitang maliliit, Quadra, Kanton), Adobo o Pinabusang Tahong, Lumpiang Tahong o halaan at Arros Marinera ang ilan. Kung ikaw ay taga-Manila, maa-aring ito rin ang iyong hanap. Saan mo ba matitikman ang mga putahing ito? Sa mga bigating restoran o ilang fastfood center sa mall. Sa mga casa, kung saan busog ka na agad pag nakita mo ang presyo. Sabagay hindi na kasing-sagana ang dagat nung wala pa ang Coastal Road, at napakamahal na rin ang mga presyo ng mga lamang dagat. Hindi nakapagtataka kung darating ang panahon, hindi lang crab ang imitation.
Nabuksan na rin natin ang istroya sa Bayan ng Bakoor, ang bayang ito ay sagana ng lahat ng uri ng lamang dagat. Ang mga may-ari ng palaisdaan ay hindi maramot sa mga nais mangawil o mamingwit ng isda, at isa ako sa mga makikita mong nakahilera sa tabon na may hawak na kawayang pamingwit. Tilapya, Dalag at Bidbid (isdang matinik na hugis bangos) ang pangkaraniwag nahuhuli sa pangangawil. At sa pagsapit ng dilim, lente at pana ang aking gamit sa panghuhuli ng alimango. Sa kalaliman ng tubig sa umaga, bintol na may paing isda ang aking gamit sa panghuli ng alimango. Nakakawili ang mga panahong iyon; ang panghuhuli ng alimasag gamit ang paa, ang pangangapa ng hipon sa ilog, pamumulot ng talabang butil at batotoy pag low tide ang tubig, panunundot ng halaan, pamimingwit ng isdang dagat at pagsisid ng tahong. Dinarayo ang lugar namin, dahil narito na yata ang lahat ng maa-aring pakinabangan. Pagkatapos maka-panghalaan, daraan sa irasan at manghihingi ng asin. Bago marating ang kalsada, madaraanan ang isang looban na sagana naman sa tanim na gulay. Tulad ng Harabilya, Kadyos at gumugubat na saluyot. Kung napapasyal ka ngayon sa aming bayan, ang makikita mo ay ang maruming ilog at maburak na pampang. Kambyo muna tayo sa pansit; ito na siguro ang pinaka-tanyag na pagkain sa buong mundo. Kahit saang bansa, may kanya kanya silang pamamaraan sa pagluluto. Isa na kasi ito sa pinaka-kumbinyenteng pagkain. Kaya ang pansit ay hindi lang sa magbe-bertdey o sa may sakit, mas mainam pa nga ito sa mga tamad magluto.
Marami ng brand nang kanton tayong makikita sa pamilihan, may ibat-ibang kulay at itsura. May masutla at matingkad ang kulay, at pag minamalas ka, makakabili ka ng sobrang alat. Ano nga ba ang pangunahing sangkap sa pag-gawa ng pansit? tama kayo, toyo ang nagpapasarap sa lutuing ito. Kaya't kinakailangang mapili sa brand ng toyong gagamitin, kung ayaw mong maglasang asinan ang iyong kanton. Wala akong ire-rekomendang tatak ng toyo, dahil hindi naman ako babayaran ng mga kumpanyang iyan, totoyoin lang ako. Kapag nagluluto ng pansit ang aking lola, naghahanap pa ito ng pakot (Mga maliliit na alimasag at urong) o bumibili ng hipong panangkap. Didik-dikin ang mga ulo ng hipon o pakot, kakatasin sa tubig, at ito ang gagamiting pangsabaw sa pansit. Pag mayroong may bertdey, siguradong magmamantika na naman ang mg nguso. Dahil laging sinasabi ni lola sa magdaraos ng kaarawan, ipaghanda iyan ng pansit para humaba ang buhay. Ano naman kaya ang dapat ihanda sa buwiset sa buhay, para hindi humaba? Puto, lumpiyang prito at minudong maraming atay ang laging katambal ng pansit. Ang mga bayan at lalawigan sa Pilipinas ay may kanya kanyang lutuing pansit na pinasikat, tulad ng ; Pansit bato ng Bikol, Pansit alanganin ng Bulacan, Pansit chami ng Quezon at Pansit sinanta ng Tuguegarao ang ilan sa mga kilalang lutuin ng pansit. Hindi ko pa nabanggit riyan and Pansit Supreme, Lucky Me at pansit Maggi. Sa isang kasiyahan, ang lahat ay may kanya-kanyang dala ng potluck (katawagan sa maghahanda na ang magdadala ng pagkain ay ang mga bisita). Maraming putahi ang naghilera sa mahabang mesa, mabanyaga man o lokal ay mayroon kang matitikman. Isang putahi ang nakatawag sa akin ng pansin, syempre pansit, dahil ito ang ating paksa. Ito ang pinipilahan ng mga panauhin, at maririnig mo ang mga bulung-bulungan na, "ang sarap ng pansit, sino kaya ang nagluto nito?". "Hindi ho sa akin yon, baka sabihin nyo ang yabang ko naman". Nang malaman nila kung sino ang may dala nito, iisa ang mga tanong "paano mo niluto ito?". Ang tanging sagot na natanggap nila ay "secret recipe ito ni Mama..." at pinanindigan iyon hanggang sa mag-uwian. Sabay kaming umuwi ng kumpare kung maydala ng pansit, tinanong ko siya, kailan ka pa natutong magluto ng pansit? Sabay look-up, at ang sagot ba naman ay, "Pamanang sarap ni Mama Sita sa bawat pamilya" Sumigaw pa ng "kakain na!!".
Mga Salawikaing Tunay :
"Kung saan may suso, doon lagi basa ang nguso"
Kung saan daw may pistahan, doon lagi nagmamantika ang bibig.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
PANSIT QUADRA |
0 comments:
Post a Comment