Saturday, 3 May 2014

BAYE BAYE

Baye-Baye [ pangalan ] isang kakaning Pilipino na ginawa mula sa buko at tinustang pinipig o mais na hinubog ng pahabang pabilog tulad ng pastillas. Isang espesyal at ipinagmamalaki ng bayan nang Pavia sa Iloilo. Bawat siyudad sa kabisayaan ay may kanya kanyang pamamaraan sa pag-gawa; tulad ng Tamales, ito ay pinalalamnan para sa karagdagang panlasa, ibat ibang kulay at itsura para naman sa magandang presentasyon.
Pahintulot po sa mga kababayan ko na nasa kanlurang bahagi ng kabisayaan, dahil sa paglalathala o pakikibahagi namin ng isa mga masasarap ninyong kakanin. Sa aming ipinakikitang pamamaraan, ito ay  ginagawa naming simple at madaling masundan. Kung may makita man na kahit kaunting pagkakaiba o pagkakamali, pang-uunawa po ang aming hinihingi. Ang sa amin po ay , matulungan at maturuan ang mga nagnanais matutong magluto. Masyado ho bang ma-emote? Nakatanggap lang ho naman tayo ng kumento mula sa isa nating mabait na tagasubaybay. Basahin po natin;

cleo May 2, 2014 at 1:18 am Edit - Reply
Wow! Sarap ng moron na ito, parang kasing moron ng mga gumagawa dahil hindi sila taga sa amin! lol

Sinundan pa ho ng isa,

cleo May 2, 2014 at 1:19 am Edit - Reply
eh di ilagay sa freezer…what a “moron”!!!
Ang huli niyang kumento ay para sa nagtatanong na kung gaano katagal dapat iimbak ang kakaning moron. Ang kumento ay lumabas sa suman-moron. Ano nga ba ang moron? [Impormal na kahulugan] Isang tao na may pagku-kulang sa kaisipan o sa mabuting paghatol. Para naman sa [sikolohiyang kahulugan]; hindi na ito gingamit sa mga teknikal na konbersasyon o pangungusap, dahil itinuturing na itong isang nakakasakit ng salita. Isang tao na may hangganan ang katalinuhan at pag-iisip, ang pagkakaroon ng antas na katalinuhan na 50-69. Ang paghuhusga at pagbibitiw ng salita na hindi muna iniisip, yun ba ang may katinuan. dahil ba hindi ako taga kanila, hindi na ako puwedeng mag-aral ng waray waray? Maging proud sana tayo at tinatangkilik ng iba ang ating pinagmamalaking kultura, ang bayan niya ay itinuring na "Highly Urbanized City" sa katimugang bahagi ng Pilipinas na dapat ipakita na nararapat silang tawaging highly urbanized. Ang alam ko sa waray waray mababait, hindi bastos, ispadahin kaya kita para makita mo  ang sotang bastos.

Haaaay,,,, sensya na, nakakasira kasi ng araw. Pag matino ang nagtatanong, matino rin sana ang sagot, baka pasalamatan ka pa. Ayusin natin para hindi tayo mapintasan, Paano nga pala naging berde ang pinipig na ginamit namin? Hindi namin alam, nakita lang namin ito sa Vietnamese market, nagandahan ako sa kulay kaya binili namin. Unang pumasok sa plano ay gawin itong sumang pinipig na may ginadgad na buko, masarap na kakanin mula sa Bulakan. Ang pinipig ay isa sa mga natatanging sangkap sa pagluluto ng kakanin, hindi lamang sa Pilipinas, maging sa ibang bahagi ng asya. Alam nyo ba yung biruang papuri sa dalaga " Ang ganda ganda ni Petra at ang bango bango pa, Amoy pinipig". Dahil daw sa ang pinipig nga ay isang espesyal na kakanin, pawis ang sukatan sa pagpi-pipig. Ang mabangong amoy ng bagong aning palay. habang binabayo sa lusong. Nakaka-baduy kung babalik tanawin mo ang mga sina-unang pamumuhay, nakahiga ka sa isang papag na gawa sa kawayan. Sa ilalim ng punong mangga sa katanghalian, panay ang hithit buga ng sigarilyo, habang sa kanang kamay naman ay may hawak na aliwang komiks. Sinusundan ang walang kamatayang kasaysayan ng pag-ibig na isinulat ng paboritong manunulat na si Mar Santana at Nerissa Cabral. Nag-aagaw antok sa dampi ng banayad na hanging amihan, sa nagninikat na init ng araw sa katanghalian. Kapal talaga ng mukha! Nakahilata ka riyan gayong ang mga kasama mo ay hirap na hirap sa pagbabayo at pagtatahip ng palay. Anong hinihintay mo tangahalian, bago tumayo? 

Bilang na bilang na lamang ang mga bukirin sa pilipinas, ang ibang bahagi ng supply nang palay ay ina-angat na rin sa ibang bansa. Sa kasalukuyan hindi na palay ang itinanim, wala at mahal na raw ang buto, kaya bato na lamang ang itatanim para sa mga pribadong pabahay. Aktibistang-aktibista ba ang dating? Alam nyo ba ang balita? Malapit na raw maging 51 US state ang Pilipinas, yan ang nabasa ko sa tsismis ng social media. Wow, sosyal, sa greenhouse na rin itatanim ang palay. Hindi na uso yung kantang "Magtanim ay hindi biro", dahil puro hi-tech na yung gagamitin sa pagsasaka. Sasakay ka na lamang sa isang makinaryang magtatanim at papatakbuhin na lamang ito. Hindi na rin mabibili ang Salonpas at Tylenol, wala na kasing mararamdang sakit ng balakang at likod. Uso pa kaya ang tao pag dumating ang panahong iyon? Dahil malabo na itong mangyari. Bata pa lamang si Sabel isyu na ito, ngayong may apo na siya, wala pa ring nangyayari. Malapit na ngang maubos ang mga yaman ng bansa natin, dahil iba ang nakikinabang. " Fresh round Scud from China", nakatatak sa plastik na pinaglalagyan, imported na at murang mura pa. Toot mo! galunggong yan sa Palawan huli at  ininglish lang.

Nawala tayo doon ah, malayo ang paksa sa titulo ng ating ginagawa, pero interesting diba? Balik tayo sa Baye Baye, Iloilo ang bayan na kilala sa kakanin ito, isama na rin natin ang Bacolod. Dahil mayroon akong nakatrabaho noon na taga Bacolod at Iloilo na malimit magtalo, nakakatuwaan kung galitin. Malimit kung itanong kung sino ang tunay na Ilonggo, ang Kinaray-a ba o ang Bakolodnon. Mahaba ang patutunguhan ng pagtatalo, mga paliwanag na hindi mo na yata mahahalukay kahit sa wikipedia. Magsisimula ito sa konbersasyung tagalog, hanggang sa umabot na sila na lamang ang nagkaka-intindahan. Parang naglalambingang pusa, makikita mo na lamang ang inis sa hugis ng mukha. Pareho ko na silang binanggit, upang hindi na nila ito pagtalunan. Sa mga nabasa kung lathala sa paggawa ng Baye Baye, may mga bayan na tinatawag itong tamales. Pinalalamnan  ang gitna nito ng mga palaman tulad ng yema, at bibilutin ng  pabilog. Ang Nagpapasarap sa kakaning ito ay ang sabaw ng buko, isang magandang kumbinasyon para sa pinipig. Sa mga Ilonggo salamat sa resipe ng masarap ninyong  Baye Baye, nagpasalamat na ako ha, huwag nyo na akong tatawaging MORON.

Mga Salawikaing Tunay :
Sa hapagkainan, hinay lang ang pagkain ng ulam.
Dahil baka bulatihin ang tiyan mo.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan


Nilimbag Ng pinoy hapagkainan11:33

Saturday, 5 April 2014

SIOPAO

Inihanay sa: , , ,

Siopao (pangalan) [sio-pau] Isang pinasingawang tinapay na mayroong iba't ibang uri ng palaman. Asado o bola-bola, na maaaring gamitin ang baboy, manok, karne ng baka, hipon o itlog na maalat.
Saan ba nagmula ang siopao? Sigurado na tayong sa tsina nagmula ang pagkaing ito. Sa pangalan pa lang, intsik na intsik na ang dating. Ipinatikim siguro sa mga Pinoy, at ng ma-ibigan, isinama na ito sa palitan ng produkto (barter) noong taong 960 AD. At iyan siguro ang dahilan ng pagyaman ng intsik, Ginto palit siopao. Mga pagkaing Tsino na natanggap at natutuhang kainin ng mga pinoy tulad ng pansit, lugaw, siomai, kikyam, ampaw at iba pa, dami sigurong ginto at perlas ang nakalakal ng intsik sa meryenda pa lamang. Yan ang nangungunang katangian ng mga Pinoy, ang pagkahilig sa pagkain. Simple lamang ang pag-gawa ng siopao, kinakailangan lamang intindihin ang mga pamamaraan sa pagluluto. Unang una ay ang pagpapa-alsa ng masa, at ang pagpili ng nais na palaman. Ang pagkakaroon ng hangin sa masa ang isang dahilan ng pagdapa nang siopao, lolobo ito pag pinasisingawan at pag hinango, iimpis ito na parang lastiko ang kunat ng tinapay. Sa pag-gawa naman ng palaman, kinakailangang malapot ang salsa upang hindi magtubig. Sa pagpapasingaw, maa-aring sapnan ng tela ang ibabaw o alisin ang takip matapos mapasingawan. Hayaan ng ilang minuto upang maalis ang pamamasa at huwag kalimutang lagyan ng suka ang tubig sa pasingawan, upang maging maputi ang resulta. Sa mga nagna-nais magnegosyo, ito ang isa sa magandang pagkaka-kitaan. Maging mapag-isip lamang ng kaunting pamamaraan upang mabago ang lasa. Pag-iisip ng ibang uri ng palaman bukod sa bola bola o asado. Sa pag-gawa ng steam bun, maa-ari kang gumawa ng gulatarian o karnetarian. Maa-ari ka rin sigurong gumamit ng gulay sa siopao, subukan mo ang diningding, inabraw o pinakbet na siopao. Kung karne naman, sisig ng Kapangpangan o di kaya siopao kaldereta ng Ilokano. Kambing ang gamitin mo lakay, siguradong siopao na ang magiging national na pulutan.

Sa China town, sa Manila. Sa mga kainang intsik, makikita ang naglalakihang pasingawang kawayan o aluminyo, kung saan iniluluto ang siopao. Masarap ang siopao kung kakainin kasama ang mami o pansit. Nakaranas ka na bang kumain sa Ma Mon Luk sa Binondo? Kung hindi pa subukan mo, sila ang may pinakamasarap na siopao sa Pilipinas (yan ang sabi nila). Nakasubok na akong kumain, at maraming beses na, kahit may mga negatibong bagay akong naririnig. Hindi totoo ang mga iyon, hindi isasakripisyo ng isang tanyang na negosyante ang isang bagay na ikababagsak nito. Masarap ang kanilang siopao lalo na kung may Chicken mami, at ang napakasarap na salsa ng siopao ang isa sa aking nagustuhan ( mga mre at dre, walang bayad ang komentong ito). Ang hindi ko lang naibigan noon ay ang mga kababayan nating Intsik na kasabay kung kumakain, ang iingay nila. May hawak na baligtad na peryodiko at daldal ng daldal habang umiikot sa labi ang tutpik, ang isa naman ay halos nakasupalpal na sa bibig ang tasa ng mami, sumusubo gamit ang Chopstick. Daldal din ng daldal sa pagitan ng ng pagnguya, Para tuloy pinapatisan ng laway ang kinakain.

Sa Kabite sumikat din ang munting siopao. Medyo may kaliitan ang gawa sa Kabite, at isinisilbi ito sa mga sikat na kainang halo halo sa Digman Kabite. Sumikat din naman ang mga negosyong ito, at may mga prankisa na ring nabuksan sa mga mall. Napansin nyo ba? maa-ari itong itambal sa mami at halo halo, may nagsubok na bang itambal ito sa Hinebra o San Miguel? Kasabihan nga "lamnan mo muna ang iyong bituka, bago ka tumungga ng alak", bakit hindi na lang pagsabayin ang lamnan at ang tungga. Gumawa ng siopao na kasinlaki ng dimsum at palamanan ito ng ibat ibang uri ng mga putahing pampulutan, tulad ng sisig, kilawin, kaldereta, papaitan at dinakdakan. isisilbi mo ng mainit sa pasingawan ng dimsum kasama ang serbesa. Pag-uwi lamang ng bahay, huwag na huwag lamang uungol ng " see you pao", siguradong matataga ka ng asawa mo.Marami ang pamamaraan sa pag-gawa ng siopo, tulad ng may makinis at kulot ang ibabaw. Bakit nga ba may bilog na kulay ang siopao? Palatandaan daw ito kung asado o bola bola. Bakit sa mga Bombay, mayroon ba ring asado sa kanila, curry ang alam ko.

Dito sa aming kinalalagyan, matindi na rin ang kompetisyon sa pagnenegosyo ng siopao. Nariyan na ang mga Pinoy, Vietnamese, Thailand at Intsik ang ilan. Sinubukan ko ng lahat ang mga ito, sa mga pampalasang sangkap sa palaman ito nagkakatalo. Mayroong napakatapang ang lasa ng anise, toyo at nang iba pang sahog. IIsa lamang ang nakahuli sa panlasa ko at ng iba pang mga Pinoy, ito ang siopao ng Newtown bakery. Pangit lamang ang serbisyo ng kanilang branch sa aming lugar, ang mga empleyadong intsik ay laging nakasimangot, at parang laging galit kung iyong kinakausap. Kaya naman ng Pinoy sabayan ang mga ito, ang unang problema lamang ay takot sumugal. Ang laging nasa isip ay ang kikitain kaagad, at ang takot na malugi. Kung malakas naman ang loob magnegosyo, titipirin naman ang mga sangkap, at ang katuwiran ay " Mabili siya o hindi okey lang, maliit lamang naman ang puhunan, maliit din ang malulugi". Sa isang banda, napagiisip-isip nyo ba ang ibig kong sabihin. Isa ito sa ating pag-uugali sa pagnenegosyo, laging may takot. Bakit hindi natin gayahin ang Intsik at Bombay, isang sentimong tutubuin ay pinahahalagahan. Magpautang ka nga at maningil ng sampung piso araw araw, at minsan pang nahahabol ng taga. Ang mga Beho, nagtitiyagang magtinda ng lugaw at mami. Panay painit hanggang sa maubos, malimit pang lokohin ng kostumer. Lagyan ba naman ng ipis pag busog na, upang maka-iwas sa pagbabayad. Pero ano, tuloy pa rin ang ikot ng mundo nila. Marami na ring nagbukas at nagsarang Pinoy restorant dito sa aming lugar, kompetisyon na rin siguro ang dahilan kung bakit hindi sila tumatagal. Tatapatan ng mga intsik, sa laki ng karatula na " BUY 2 COMBO, FREE 1" mura na may libre pa. Isa ang mga lutuing pinoy na kailangan ang maraming sangkap sa pagluluto, hindi lang naman adobo ang dapat mong isilbi na toyo at suka lamang ang sangkap, kailangan din ng mga lutuing tulad  nang kare-kare, murkon, embutido at mga lutuing gulay na may kamahalan ang mga sangkap. Pag-umorder ka sa restaurant, hindi pang-ulam ang dami, dahil sapat lamang pulutan para sa 2 bote ng serbesa. Natatandaan ko, may isang naglakas loob na nagtayo ng Pilipino Buffet. May kamahalan ang bayad ng bawat isa, at maghihintay ka sa haba ng pila. Pag na-late ka, piniritung tamban at ginataang laing na lamang ang babalik-balikan mo. Marami rin namang nakadisplay na ulam, pag-nagtanong ka, eto ang sagot " Hindi kasama yan, iba ang presyo ng mga iyan", ibang klase talaga si manang. Apat na putahi lamang ang isinisilbi sa buffet, tulad ng minsan ay may dinuguan, bopis, nilaga at menudo. Ibinibigay ito sa maliit na platitong kasinglaki ng lalagyan ng sawsawang suka, halos puro patatas ang menudo at labanos ang bopis. Pero sawa ka sa adobong kangkong, ginataang laing at piniritung tamban. Kahit siguro bikolano, matututong kumain ng saluyot pag nauya sa laing. Tinatanong nyo ako kung bukas pa iyon, wala na....... Nagsara na!

Mga Salawikaing Tunay :
Sa hapagkainan, habang kumakain ay huwag kukuyakoy.
Dahil magkakaroon ka ng maraming asawa.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan



Nilimbag Ng pinoy hapagkainan01:08

Monday, 10 March 2014

PANSIT QUADRA Ang Pistahan

PANSIT QUADRA Isang lutuing pansit kanton na walang sangkap na karne, tanging gulay at tahong na sinalsahan ng tinimplahang katas ng pinya ang nagpapasarap sa lutuing ito.

PANSIT (pangalan) [pansit] ay ang katawagan para sa noodles sa lutuing Pilipino. Ito ay ipinakilala sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga Intsik, napasama at naging tanyag sa lokal na lutuing Pilipino.

QUADRA (pangalan) [hugis, lugar] Salitang Portuguese na ang ibig sabihin sa tagalog ay bloke. Isang lugar sa bayan ng Kabite, kung saan kilala sa pinakamaraming tahungan. 
Hindi mabibili o makikita ang putahing ito sa restoran. Dahil sagana sa tahong ang kahabaan ng baybayin ng kabite, at sa mga pinya't gulay na ina-angkat mula sa bayan ng Silang, marahil ang syang dahilan ng pagtuklas ng lutuing ito. Ang Bakoor ay isa sa may pinaka-marangyang kapistahan sa Kabite, pagpasok pa lamang ng buwan ng Mayo, sunod-sunod na ang mga kasiyahan bago pa man dumating ang takdang araw ng kapistahan.  Ang selebrasyon nang Karakol ng baryo at karakol ng bayan, kung saan isinasakay sa bangka ang patron at inililibot sa baybaying dagat. Makalipas ang ilang oras ng paglalayag, sabay sa nakaka-indak na musika mula sa banda musiko, isusunod ang prusisyon sa lupa. Ang mga karatig bayan ay may kanya-kanyang presentasyon, mula sa mga magagarang Pilipinyanang kasuutan at hanggang sa pag-indak. Kahit sino man ay mapapasayaw sa mala-indayog na saliw nang mga tugtugin, at sa inuming katas ng pinya na may halong Hinebra. Pagsapit ng kapistahan, ang kahabaan ng Evanghelista St. ay isinasara upang bigyan ng puwang ang parada ng banda musiko. Sampu o maa-aring humigit pa ang dami ng banda na pumaparada, at kung saan-saang bahagi pa ng Pilipinas nagmumula. Kung mahilig kang makipamista, isa ito sa aking maimumungkahi. Ang isa sa aking ipinagtataka, bakit mas marami ang lutuuing karneng handa kaysa lamang dagat, dahil ba sawang-sawa na sila at nauuya nang lubusan. Hindi naman sila ang kakain, kundi ang mga bisita. Bakit ang tahong at talaba ay inihahanda para sa pulutan, hindi lang naman lasenggero ang may karapatang kumain ng mga ito, bakit hindi na lang binusang mani o butong pakwan ang ibigay na pulutan, at hayaan ang mga bisita ang mag-enjoy sa pagkain. Totoo, minsan suplada ang mga bisita, malansa daw ang amoy ng tahong sa kamay. Kung pagkaka-isipin, marami ang maa-aring ihanda na mula sa lamang dagat. Tulad ng; Relyeno (Alimasag, Bangos, Pusit), Crab o Fish Cake, Inihaw na pusit, Pansit (Pusit, Pugitang maliliit, Quadra, Kanton), Adobo o Pinabusang Tahong, Lumpiang Tahong o halaan at Arros Marinera ang ilan.  Kung ikaw ay taga-Manila, maa-aring ito rin ang iyong hanap. Saan mo ba matitikman ang mga putahing ito? Sa mga bigating restoran o ilang fastfood center sa mall. Sa mga casa, kung saan busog ka na agad pag nakita mo ang presyo. Sabagay hindi na kasing-sagana ang dagat nung wala pa ang Coastal Road, at napakamahal na rin ang mga presyo ng mga lamang dagat. Hindi nakapagtataka kung darating ang panahon, hindi lang crab ang imitation. 
Nabuksan na rin natin ang istroya sa Bayan ng Bakoor, ang bayang ito ay sagana ng lahat ng uri ng lamang dagat. Ang mga may-ari ng palaisdaan ay hindi maramot sa mga nais mangawil o mamingwit ng isda, at isa ako sa mga makikita mong nakahilera sa tabon na may hawak na kawayang pamingwit. Tilapya, Dalag at Bidbid (isdang matinik na hugis bangos) ang pangkaraniwag nahuhuli sa pangangawil. At sa pagsapit ng dilim, lente at pana ang aking gamit sa panghuhuli ng alimango. Sa kalaliman ng tubig sa umaga, bintol na may paing isda ang aking gamit sa panghuli ng alimango. Nakakawili ang mga panahong iyon; ang panghuhuli ng alimasag gamit ang paa, ang pangangapa ng hipon sa ilog, pamumulot ng talabang butil at batotoy pag low tide ang tubig, panunundot ng halaan, pamimingwit ng isdang dagat at pagsisid ng tahong. Dinarayo ang lugar namin, dahil narito na yata ang lahat ng maa-aring pakinabangan. Pagkatapos maka-panghalaan, daraan sa irasan at manghihingi ng asin. Bago marating ang kalsada, madaraanan ang isang looban na sagana naman sa tanim na gulay. Tulad ng Harabilya, Kadyos at gumugubat na saluyot. Kung napapasyal ka ngayon sa aming bayan, ang makikita mo ay ang maruming ilog at maburak na pampang. Kambyo muna tayo sa pansit; ito na siguro ang pinaka-tanyag na pagkain sa buong mundo. Kahit saang bansa, may kanya kanya silang pamamaraan sa pagluluto. Isa na kasi ito sa pinaka-kumbinyenteng pagkain. Kaya ang pansit ay hindi lang sa magbe-bertdey o sa may sakit, mas mainam pa nga ito sa mga tamad magluto.

Marami ng brand nang kanton tayong makikita sa pamilihan, may ibat-ibang kulay at itsura. May masutla at matingkad ang kulay, at pag minamalas ka, makakabili ka ng sobrang alat. Ano nga ba ang pangunahing sangkap sa pag-gawa ng pansit? tama kayo, toyo ang nagpapasarap sa lutuing ito. Kaya't kinakailangang mapili sa brand ng toyong gagamitin, kung ayaw mong maglasang asinan ang iyong kanton. Wala akong ire-rekomendang tatak ng toyo, dahil hindi naman ako babayaran ng mga kumpanyang iyan, totoyoin lang ako. Kapag nagluluto ng pansit ang aking lola, naghahanap pa ito ng pakot (Mga maliliit na alimasag at urong) o bumibili ng hipong panangkap. Didik-dikin ang mga ulo ng hipon o pakot, kakatasin sa tubig, at ito ang gagamiting pangsabaw sa pansit. Pag mayroong may bertdey, siguradong magmamantika na naman ang mg nguso. Dahil laging sinasabi ni lola sa magdaraos ng kaarawan, ipaghanda iyan ng pansit para humaba ang buhay. Ano naman kaya ang dapat ihanda sa buwiset sa buhay, para hindi humaba? Puto, lumpiyang prito at minudong maraming atay ang laging katambal ng pansit. Ang mga bayan at lalawigan sa Pilipinas ay may kanya kanyang lutuing pansit na pinasikat, tulad ng ; Pansit bato ng Bikol, Pansit alanganin ng Bulacan, Pansit chami ng Quezon at Pansit sinanta ng Tuguegarao ang ilan sa mga kilalang lutuin ng pansit. Hindi ko pa nabanggit riyan and Pansit Supreme, Lucky Me at pansit Maggi. Sa isang kasiyahan, ang lahat ay may kanya-kanyang dala ng potluck (katawagan sa maghahanda na ang magdadala ng pagkain ay ang mga bisita). Maraming putahi ang naghilera sa mahabang mesa, mabanyaga man o lokal ay mayroon kang matitikman. Isang putahi ang nakatawag sa akin ng pansin, syempre pansit, dahil ito ang ating paksa. Ito ang pinipilahan ng mga panauhin, at maririnig mo ang mga bulung-bulungan na, "ang sarap ng pansit, sino kaya ang nagluto nito?". "Hindi ho sa akin yon, baka sabihin nyo ang yabang ko naman". Nang malaman nila kung sino ang may dala nito, iisa ang mga tanong "paano mo niluto ito?". Ang tanging sagot na natanggap nila ay "secret recipe ito ni Mama..." at pinanindigan iyon hanggang sa mag-uwian. Sabay kaming umuwi ng kumpare kung maydala ng pansit, tinanong ko siya, kailan ka pa natutong magluto ng pansit? Sabay look-up, at ang sagot ba naman ay, "Pamanang sarap ni Mama Sita sa bawat pamilya" Sumigaw pa ng "kakain na!!".


Mga Salawikaing Tunay :
"Kung saan may suso, doon lagi basa ang nguso"
Kung saan daw may pistahan, doon lagi nagmamantika ang bibig.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
PANSIT QUADRA


Nilimbag Ng pinoy hapagkainan18:57

Sunday, 23 February 2014

BRAZO DE MERCEDES Ang Panauhin

BRAZO DE MERCEDEZ ( Pangalan) [keyk] Binubuo ng dalawang salita na ipinangalan sa pinagulong sa hugis pabilog at pahabang meryenda, na walang nakaka-alam ng literal na kahulugan ng pangalan nito.

BRAZO (pangalan) [Filipino: braso, Ingles: arm] ay ang mga pang-itaas na sanga na nagmumula sa punungkatawan ng katawan ng tao at hayop.

MERCEDEZ (pangalan) isang magandang pangalan ng isang marikit na dalaga, na may tunog mayaman lalo na kung apelyido ay Benz.

Wala tayong alam tungkol sa pinagmulan ng pangalang Brazo de Mercedes. Maa-ari kong ipagpalagay na ang Mercedes ay hindi isang marikit na babae, dahilan nang pagpili sa laki ng kanyang braso. Ngunit kahit siguro may kalakihan ang kanyang braso, may katamisan naman kung sya ay ngingiti, tulad ng kinawiwilihang tamis ng Brazo de Mercedes.

Tapos na tayo kay Mercedes, punta naman tayo sa ating panauhin. Noong mga panahon na ang mga keyk ay para lamang sa mahahalagang okasyon, at regalo tuwing bibisita sa mga minamahal sa buhay at sinusuyo. Mayroon akong tinatanging kamag-anak na lagi ko siyang kinasasabikan, siya ay ang aking Tita. Taga Manila siya, hindi pumapaltos sa isang buwan ang kanyang pagbisita sa aming tahanan. Abot hanggang tenga ang aking tuwa kung malalaman kung nariyan na siya sa aming tahanan, halos liparin ko sa pagtakbo upang makarating kaagad ng bahay. Galit na galit naman sa isang banda ang aking mga kalaro, dahil ako ang taya, malimit akong mabalagoong sa tumbang preso noon. Hindi ko nga alam kung bakit hindi ako makatama ng lata, sa tuwing kami ay maglalaro, hindi naman ako banlag o duling. Nagpabili pa nga ako noon sa aking inay ng tsinelas na Levis sa Carriedo, dahil may kakapalan ito, ngunit wala pa ring silbi. Sabi nila, kailangan daw ng wido (Skill sa ingles). Shit..... muntik nga akong maniwala, dahil nang nagaaral na ako ng Pisika napagtuunan ko ng pansin ang momentum. Ayon sa isinulat ng mga henyo, ito raw ang dami ng galaw sa pagkilos ng katawan, sinusukat bilang isang antas ng masa nito at bilis. Si Tita, salamat at narito na sya, takbo agad sa kusina at kukuha ng isang platito at tinidor sa paminggalan, ang tanong kaagad ay " Tita nasaan na yung keyk?" Ganyan ko kamahal ang aking Tita, sing-tamis ng Brazo de Mecedes. 

Mapapalad pa rin ang mga negosyante noong mga panahong iyon. Sa tingin mo ba? Luluwas ka lang upang bumili ng Braso de Mercedes, kung nakasiwalat na lahat ang sikreto ng pagluluto sa kompyuter. No way, kahit kulaniin na siguro sa pagbati ng puti nang itlog, pipilitin mo pa ring makagawa. Sa dami ng itlog nang dumalagang manok sa pugad, kaya mong gumawa ng kahit isang dosena keyk. At kahit siguro sinisinok ka na sa pagkain, tuloy pa rin ang ikot ng mundo. Matalino ang mga Pilipino, hindi problema ang paglikha dahil sa katangian nitong ingenuity. Kung ang ama ay isang karpintero, maa-aring hiramin ang barena, sugpungan ng binaluktot na alambreng hanger ng damit. Presto, mayroon ka ng pambati. Saan daw ihuhurno ? Kumuha ng balde ng mantika, lagyang ng maliit na bukasan sa harapan Salangan ng uling ang ilalim at ibabaw, yes!! mayroon ka ng oben. habang ginagawa ko ito, kinalabit ako ni misis at ang sabi ba naman,, are you crazy?

Letse plan, ito ang tawag sa palaman ng keyk na ito. Gawa sa pula ng itlog at gatas na malapot, iniluto hanggang sa lumapot. Nang inilathala namin ang lutuing ito, nakatanggap tayo ng puna mula sa isang tagasubaybay. Naging iskrambol egg daw... Dong, hindi man nag-eskramble, sinobrahan lang natin ang pagkakaluto upang maging ferm. Mag-iitsurang kulta, ngunit kung maganda ang pagkakalapat sa pagbilog, maganda ang kalalabasan at hindi tatagas o huhulas kapag ibinilog. Remember,,,, "pag may wisdom, may tooth". Ang Letse plang ito ay maraming maaring pag-gamitan; tulad ng Piyanono, Inipit, Yema Keyk o pang-ulam sa kanin (pwede ba yon?). Siguro, kung susubukan. Letse Plan ang pinakamasarap na naimbentong minatamis ng Pilipino para sa akin, ang tamis ng gatas at linamnam ng pula ng itlog ang dahilan ng pagbilog ng aking katawan. Sabi nga ni Doctor, "Watch your Sugar" saan kayang channel? Hindi ko napanood, di bale ire-replay naman siguro iyon. Ilan kayang kalorihiya mayroon ang Brazo de Mercedes, kung ako sa inyo, huwag nyo ng alamin. Pagkatapos lamang kumain,  Uminom agad Metformin kung ikaw ay may Diabetis (Consult your doctor, before taking this medication). Siguradong iikot ang iyong paningin at parang naghihina ka dahil sa taas ng antas nang tamis na pumasok sa iyong katawan. Kung ikaw naman ay nasa tamang kalusugan, banatan mo lahat, itira lang ang wax paper, dahil hindi kinakain yan. Medyo weird na ba ang dating ? Por pabor amigo.

Kapag ganito ang paksa, naa-alala ko tuloy ang laging binabanggit ng aking inay "puro kayo wento wala namang wenta" sa mga sunog bagang naglilibang sa aming tindahan. Maraming nagtatanong sa akin, kung bakit alam ko ang mga bagay na ito. Taas noo kung sinasagot na, dahil mahirap lang kami. Common sense!!! Kung ako ay lumaki sa Dasmarinas Village o sa Old Manila, matutunan ko ba ang terminong ito. Hindi di ba ? Dahil cono at urban behaviour ang magiging dating ko. Tambay sa Greenhill o sa Shakey's Ermita, pa taglish-taglish na parang naglalanding pusa. Mga igan, hindi ito patama. Ito ang pananaw ko kung ako ito, Kaso sa Dasmarinas Kabite ako napatambay, sa area. Kaya iba ang pagka cono ko, genuine. Ang Brazo de Mercedez ay kakaning may kahirapan gawin, ngunit mabilis kainin. Maganda itong pang-potluck, kung masipag kang mag-bake. Hindi naman kase karamihan ang sangkap at ang proseso ay medyo may kadalian kung ikukumpara sa ibang cake. Tamisan lang ang timpla kung magtitipid, upang mauya ang kakain. Ihanda lamang ang isasagot sa mga mangungutya sa iyo. Ano ang isasagot kung sakaling darating ang ganitong sitwasyon. Simple, sabihin mong kumain ka muna ng ice cream bago mo tinikman ang letse plan. O di kaya, sabihin mong mahal ang gatas at on sale ang asukal. Parang malayo yata sa katotohanan ang katokwirang iyan. Minsan sa aking pag-iisa at pag-iisip ng malalim, sumasagi ang isang bagay na nais kong gawin. Gumawa ng isang cake roll na may kaka-ibang sangkap at papangalanan ko itong, La jambe de Sharon o Pierna de Sharon. Kinakailangan lang na mas mabilog at malaki ito sa Brazo de Mercedes, dahil ang pinagmulan ng pangalang ito ay grabe talaga ang laki. Dahil matunog ang mga katagang ito, hindi na ako mahihirapan pang pasikatin ito. Kuha nyo? Pag hindi, tulog na lang kayo.

Mga Salawikaing Tunay :
* "Sangsalop na ang nakaing asukal, matabang pa rin ang panlasa". Kahulugan, Makapal ang mukha.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
Brazo de Mercedes

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan19:36

Wednesday, 12 February 2014

GAMBAS ang pulutan

GAMBAS (pangalan) [Sugpo, Hipon] Isang salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay Hipon o Sugpo. Ang Gambas ay maraming uri ng resipe na maa-aring pagpilian, tulad ng ; Gambas al PilPil, Gambas al Ajillo at Gambas a la Plancha.

(Paunanawa : Pagpasensyahan nyo na kung nabago ang itsura ng ating babasahing pangkalawakan, hindi ko malaman kung ano ang pumasok sa aking isipan kung bakit binago ko ang kulay. Sa may gusto, tumahimik na lamang. At yung ayaw, magpadala lamang ng mungkahi. (Mag-kumento sa ibaba o sumulat sa pinoyhapagkainan@gmail.com)

Kung bakit dinagdagan ko ng pulutan ang titulo o pamagat ng ating babasahin, sa kadahilanang uusok ang iyong tumbong kung masosobrahan ng siling isasangkap. Isang magandang pulutan ito sa nagpa-planong mag-handa sa kanilang nalalapit na kaarawan "Maligayang bati sa iyo Igan", malaking menos ito sa pulutan at inumin. Maglagay ka ng limang buong siling labuyo, at samahan mo pa ng tatlong pinigang sili. Siguradong sisipol ito kada subo ng pulutan, sasabayan ng panay lagok ng alak, maniwala ka, kung hindi sumuka maagang babagsak yan. Ang problema lang ay kung sunog-baga at uragon ang iyong mga bisita, walang pagkaka-iba ang Gambas sa ibang pulutan, at maa-aring ganahan pa ang mga ito. Ini-uulam ng mga uragon ang inihaw at maging sariwang sili, idinidikdik lamang ito sa asin at isinasabay sa isang subong kanin. Magaling daw sa katawan ng tao ang maa-anghang na pagkain, wag lamang sobra dahil baka Hemorrhoidectomy ang abutin mo.

 
Hipong kulot, hipong puti, swahe at sugpo, ito ay nabibilang sa uri ng krustaseo [English : crustaceans] binubuo ito ng isang napakalaking pangkat ng mga artropod, na kinabibilangan ng alimango, talangka, dakumo, katang, ulang, kril at mga barnakulo . Lumaki tayo sa may baybayin ng bakoor, sa kabite kung saan sagana sa ganitong uri ng mga lamang dagat. Marami ang maa-aring gawing luto sa hipon, ; nariyan na ang halabos na hipon, sinigang na hipon, ginataang hipon at masarap ding isangkap sa mga lutuing pansit at gulay. Dahil sa maliit pa ang purok na aming kinalakihan ng panahong iyon, ang mga tao ay halos o nagtuturingang magkakamag-anak. Ang turo ng mga matatanda ; kapag nakakatanda sa iyo, tawagin mo itong "ate o kuya". At sa mga nakakatanda sa kanila, tawagin itong "ka o kaka at ti", mga tunog kamag-anak di ba ? "Ang Pamilya ay hindi tungkol sa kung saan ang dugo o angkan mayroon ka. Ito ay tungkol sa kung sino ka na nagmamalasakit sa kapwa", ito ang kinalakihan nating kasabihan mula sa matatanda. Lumalayo tayo sa hipon, balik tayo sa ating paksa ; kaya ko nabanggit ang kamag-anak, dahil naalala ko nang mga panahong iyon, pumunta ka lamang sa daungan (lugar kung saan nagba-baba ng mga huli), makakalibre ka na ng pang-ulam. May mga palaisdaan na nagpapatiyo bago mag-iras ( mag-asinan), matapos nilang makuha ang nais, ang mga nalalabi ay para sa mga kapitbahay. May mga kapitbahay naman na namamalakaya (naglalambat) sa gabi, tumulong ka lamang sa pagtanggal ng huli sa lambat, maa-abutan ka ng pang-ulam. Napakasarap balikan at mabuhay ng mga panahong iyon, hindi ka mangangambang magutom o walang makain sa susunod na araw. Ngunit bilangin mo ang mga kapitbahay na hindi nangangambang magutom, marami, at nakakatoma pa araw-araw. Iba rin talaga ang may naa-asahan, nalilimutan ng tao ang mangarap. Walang ginawa kundi magparami ng anak, tatambay sa pondahan (tindahan) matapos makapalaot at kumita ng sapat na pangangailangan sa araw na iyon. Maghihintay ng katulad niyang sunog baga o di kaya mamilit sa dadaraan na makipag-inuman sa kanya, lubog na ang gabing uuwi, sumisipol at masayang kumakanta na nagpapatlang sa katagang "hik". Sa paksang ito, pinagsama ko na ang dalawang kataga o salitang Hipon at lasing, dahil hipon lang nilalasing kung iniluluto. Ito ang "Nilasing na Hipon".  

Maa-ari din namang isilbi  itong pang-ulam, lagyan lamang ng tamang anghang na naa-ayon sa panlasa. Isang masarap na lutuin ang gambas al ajilo o sugpo sa salsang bawang, dahil hindi na natin makakagisnan ang luting ito, kung ito ay hindi papasa sa panlasang Pilipino. Kasama na rin itong itinaboy ng mga bayani, kasama ng mga kastila. Maa-aring pintasan din ni Crisostomo Ibarra sa pangalawang kabanata ng Noli Me Tangere, kung kasumpa-sumpa ang lasa nito sa piging (naghanda ba si kapitan Tiyago ng Gambas? Ewan ko...). Basta ang alam ko pindot lang ako ng pindot ng aking makinilya, at "basta okey sa inyo, okey na rin sa akin". Saan mo ba makikita o matitikman ang putahing ito? Tama ang hula mo, wala ito sa karenderya at sa mga de kalibreng restaurant lamang ito isinisilbi, maa-aring meron din nito sa mga pub o beer house, kung saan kasama ang alak kung bibilhin. Bakit kinakailangan pa nating lumuwas upang makatikim ng lutuuing ito, gayong napakadali namang gawin. Kung ambyans ang ating hanap, magtirik ng sampung kandila sa mesa at maglagay ng serbesa o markang demonyo. Pumitas sa bakod ni aling Mariang manas ng Gumamela at ilagay sa bote ng coke, tapos gawing palamuti sa mesa. Kung may naitatabing sobrang napkin ng Mc Donald o Jollibee, ilagay ito sa tabi ng plato at ipatong sa ibabaw ang tinidor at kutsara. Maligo at magpabango ng Sweet Honesty, hintayin si mister (siguruhin lang na wala sa number 2). Ngayon masaya, nakakabusog at nakakalasing na selebrasyon sa Araw ng mga Puso. Sa mga magsyota, mag-asawa at walang palad na magkasyota "HAPPY VALENTINE" sa lahat.


Mga Salawikaing Tunay :

* Resipe Para sa Lutuing Sili : Maglagay sa palayok ng isang dakot na sili at isalang sa kumulong tubig, hayaan ito sa patuloy na pagkulo. Samantala, mag-ihaw ng isang malaking hiwang karne, at kainin ang karne pagkaluto. Hayaan ang mga siling kumulo, at huwag ng pansinin ang mga ito. 

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
GAMBAS

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:34

Thursday, 23 January 2014

YEMA CAKE

Yema Cake ( pangalan) [ Yema keyk] Isang kakaning panghimagas na inihurno ng may pinagsamang keyk at pampalasang Yema, pinalamanan ang dalawang bahagi ng keyk at ibabaw, ito binu-budburan ng ginadgad na keso ang ibabaw.

Yema- isang panghimagas na kendi na gawa sa itlog, iniluto sa apoy hanggang sa maging makunat. maa-aring patulis o bilog na may saklob na malutong na karamel, ibinibilot sa makulay na papel o selopeyn.

Sa ating bayan, kapag naabutan kang nag-gagawa ng keyk. Ano kaagad ang tanong sa iyo, siguro alam nyo na. Ngunit kung hindi pa, eto iyon; Isang masorpresang katanungang, Sino ang may birthday? Bakit sa may birthday lang ba ang keyk, kahit nga pansit ganoon din ang katanungang maririnig mo. Bakit si Ti Godyang na may karenderya sa kanto, araw-araw ba birthday niya. Walang araw na hindi sya nagluluto ng pansit. Yan ang tipikal na Pilipino, minsan wala sa tugtog ang mga pinagsasabi. Ngunit yan ang pinakagusto ko, hindi mahirap intindihin. Noong ako ay bata pa, malimit akong mautusan. " Eto ang pamasahe sa Honda, at narito naman ang pera para sa pambili ng Band aid, Colgate at Aji No Moto. "Madali lang maintindahan di ba?" Paano ngayon yan, kung lahat ng Honda ay punuan, lubog na ang araw nasa kanto ka pa. 

Paano ba raw ang pag-gawa ng keyk, kung ikaw ay umu-uwi sa liblib na lugar, kung saan dito ay walang hurno? Ibinabalik ko rin ang tanong, paano ba gumawa ng bibingka. Ganoon lang kasimple yon, lutuin ito ng may baga sa ilalim at ibabaw. Ibinibigay ko ang tip na ito, sa mga kababayan nating umuuwi sa bulubunduking lugar, na  magdiriwang ng kaarawan. Imbes na bumaba ng bayan sakay ng paragas (sasakyang walang gulong na binabatak ng kalabaw) dalawang araw bago ang selebrasyon upang bumili lamang ng birthday cake, maa-ari na silang gumawa. Mayroon pa bang ganoong lugar sa Pilipinas, ang alam ko: ang mga mangyan at Igorot ay may Facebook na rin.  Share mo sila, may libre kang tapa ng usa.

Mabilis na rin ang pag-asenso ng ating bansa, sumasabay sa pagbulusok ng mga makabagong teknolohiya ng pagpapahayag ( computer lang ho iyan). Sa mga katulad kong nasa kalagitnaang idad, malaki ang pagkakaiba ng buhay noon. Ilan lamang ang sikat at kilalang keyk noong panahon na iyon, Merced at goldilocks ang ilan. Makakatikim ka lamang ng keyk kung may magbe-birthday o may darating na bisita, hindi kasi natin kinagisnan na kainin ito sa meryenda, mas gusto pa natin ang pandesal o pambonete na may pahid na margarina o isawsaw lamang sa mainit na kape. Mayroon din namang keyk na nabibili sa mga panaderya ng panahong iyon, tulad ng piyanono, inipit at mamon ang ilan. Ngunit wala pa sa ating kaalaman noon na ito ay mga klase keyk. Ang ating alam pag nabibili sa panaderya, ito ay tinapay. Ngayon tanungin mo ang mga Pinoy, magbigay ka ng tatlong klase ng keyk na gustong gusto mo? Ang mga isasagot sa iyo ay; chocolate ganache, mango tarte at tiramisu meltdown. Mga kababayan, katulad din iyan ng ating kinagisnang mga kakanin, nilandian at inartehan lamang ang pangalan ng mga nag-gagalingang chef para sa presentableng paghahanda. Ang ganache ay isa lamang salitang Franse na ang ibig sabihin ay pinalamanan ng krema. Pag may nagtanong sa iyo kung saan ka nag-snack, ang isagot mo ay " salle de bain", feeling rich di ba?. Pagdasal mo lang na wag i-google translate.


Isang magandang ideya ang nakaisip o nakatuklas ng kakaning ito, unang-una Pinoy na Pinoy ang dating, dahil walang Pinoy na hindi nakakakilala ng yema. Ang mga bansang banyaga ay mayroon din namang sariling pagtawag sa keyk na ito, ang custard cake. Hindi naman kahirapan ang pag-gawa, kinakailangan lang na matutunan ang proseso sa paghu-hurno ng keyk. Kung nakasubok ka nang gumawa ng keyk, at sa palagay mong masarap na para sa iyo ito, sundin mo ang mga sangkap at pamamaraan na iyong ginamit. Tayo ay may kanya-kanyang panlasa at pagkilatis sa pag-luluto, hindi nyo ba napapasin, hindi madali sa atin na makumbinsi agad na tangkilikin ang bagong lokal na kakanin. Marami tayong ikini-kunsidera; una ay ang lasa, pangalawa ang mga sangkap, pangatlo ito ay bago sa pandinig at ang laging huli ay ang ating kalusugan. Ngunit, kahit ipusta ko ang aking mga daliri, huwag lamang ang hinliliit, dahil wala akong panlinis ng kuweba. Kapag banyaga ang bagong sulpot na kakanin at napakagandang dalagang puti ang nasa patalastas, tumutulo na ang laway natin. Maging ang ating sariling aning kape, na pinangalanan ng banyagang produkto ito ay ating tatangkilikin. Kahit man magtatlong doble ang halaga nito, ipinangangalandakan natin ito sa kalsada. Ito ang tinatawag na makabanyagang mentalidad. Na-alaala ko tuloy yung patawa ng isang kaibigan, yun bang ini-inglis yung pangalan. Isang magandang ideya ito sa pag-papangalan sa restaurant, mala-banyaga ang dating sa mga kostumer. tulad PETER WETCHICKS Pub and Restaurant, si Pedrong Basang sisiw lang pala ang may-ari. Hay nakuuuu, hirap ng walang magawa.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
YEMA CAKE

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:02

Sunday, 12 January 2014

SINUKMANI

SINUKMANI (Pangalan) [Biko sa ibang katawaganIto ay kilala rin sa tawag na biko sa iba pang mga lugar sa Pilipinas. Isang lutuing bibingka kung saan ito ay binubuo ng malagkit na bigas at minatamisang gata ng niyog, kadalasang pinai-ibabawan ng purong mani, hiniwang manggang hinog o kahit latik na kung saan ay ginawa mula sa gata ng niyog, para sa karagdagang lasa.

Tulad ng biko, marami ring pamamaraan ang pagluluto ng sinukmani. Nariyan na ang pag-gamit ng pirurutong na bigas, asukal na puti at paglalagay ng mga karagdagang lasa. nariyan na rin ang paghuhurno, o lutuin lamang ito sa gata. Sikat na kakanin o panghapunang meryenda sa mga lalawigan ng katimugang rehiyon ng Pilipinas. Laguna, Batangas, Bicol at iba pang lugar sa Calabarzon. Pangkaraniwan ding inihahanda  tuwing may mga piyesta o iba pang kasiyahan. Sa Batangas,  mayroong pagdiriwang na ginagawa taon taon. Ito ang sinukmani festival, ang mahabang talahanayan ng matamis at napakasarap na pagkain. inilatag at ibinabahagi sa mga lokal na residente. Huwag kalilimutan, alamin ang susunod na pagdiriwang sa taong ito at ating bisitahin ang Rosario Batangas, upang matikman ang kanilang ipinagmamalaking sinukmani. Kada tikim banggitin ang uhhmm sabay tango ng pino, para hindi halatang nakikikain lang.

Mayaman sa niyog ang ang mga bayan sa katimugan, kung kaya't hindi lang sa kakaning may gata ito kilala, maging sa pag-gawa ng inuming nakakahilo. Si Maria at si Clara ay hindi lang nakakabighani, nakakahilo rin pag nasosobrahan. Kahit noong sumisikat pa lamang ang bukal na paliguan sa mga bayang ito, kadikit na nito ang mga kakaning gawa sa niyog. Nagsulputan na parang kabuti ang mga tindahang Masapan, at ang mga buko pie. Tulad ng pagkain ng suman, masarap ito kung kape o tsaa ang iyong iinumin, at nakapag-aalis ito ng uya o tamis na madaling makabusog. Kung may mag-aayang maglibre sa inyo ng sinukmani at kola ang inumin, gusto agad niyang mabusog ka, lalo na pag alam niyang nagpapataob ka ng kaldero.


Ang pag-gawa ng minatamis na niyog o karamel sa pagluluto ng biko o sinukmani ang pinakamasarap na pamamaraan sa kakaning ito. Maa-ari itong ipa-ibabaw sa nilatag na biko sa hulmahan bago ihurno. Natatandaan ko ng uso pa ang tumbang preso, sabay sa oras ng paglalaro sa hapon, dumaraan ang tindera ng kakanin. Sa isang bilao, naroon na ang biko, sapin sapin, maja, kalamay at mga kakanin na nakabilot sa plastic tulad ng ginataang bilo-bilo at pansit. Tatambay ito sa sugalan, paligid ang mga inang kalong ang anak, hithit buga sa sigarilyong itim na  la dicha o titina. Naroon rin si ka petrang daldal ng daldal, nguya ng nguya sabay buga ng kulay pulang katas ng nga-nga. Sarap ibalik ala-ala ang mga ganitong eksena. Tulad ng kahit anong layo ni itay, pag sumipol na, ang ibig sabihin ay umuwi ka na. laki ng pagkaka-iba ngayon, ite-tex ka ni daddy o mommy para umuwi ka, wish mo lang maubos ang load para may extension ka.

Sa pagluluto ng sinukmani, nangangailangan ito ng isang matiyagang paghalo. lulutuin ito sa mahinang apoy na panay ang halo hanggang sa makamit ang nais na  pagkakabuo o kunat. Ito ang sikreto ng mga Batangueno sa pag-gawa. Hindi naman kahirapan ang paghahalo , kung ikukumpara sa pag-gawa ng kalamay o halaya. Siguro sa Bikol nagmula ang unang pag-gawa ng biko, dahil kahit ang cassava cake, biko ang tawag sa mga bayan ng Bikol. Mahina lang sa promosyon ng mga Bikolano sa biko, kung kaya't naungusan sila ng mga batangueno. Umasa na kasi sila sa imbento kong kasaysayan ng biko; Nung unang panahon ng nabubuhay pa si moy o ute, si Rizal ho ang ibig kong bang-gitin. May mga napadpad na kamag-anak si Padre Damaso o kastilang pari ang nagtanong sa tindera ng niliswag o minatamis na malagkit. Ang tanong, ano ang iyong itinitinda? sumagot ang tindera ng,,,, Bikol, dahil sa akalang  tinatanong kung anong lugar ito. Bumili ang mga kastila ng kakanin, at habang nginunguya, binabanggit ang mga katagang.....éste sabor bueno, me encanta comer biko, biko, biko. O sige tatagalugin ko na para hindi na kayo gumamit ng Google translate. Masarap ang pagkaing ito, gusto ko ito biko, biko biko. Ha, Ha, Ha. Ang maniwala, GUWAPO AT GUWAPA.




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan00:40