Wednesday, 1 May 2013

GINATAANG MAIS

Hindi pa panahon ng mais, ngunit may namataan kaming mais sa walmart. maa-aring imported ito o itinanim sa bukid na binubungan, dahil katatapos lamang ng taglamig. Bumili kami ng isang plastik na may tatlong piraso, kumuha na rin kami ng gata, dahil naisipan naming gumawa ng ginataang mais. Ang pagluluto ng ginataang mais ay kahalintulad din ng pag-gawa ng ginataang totong o munggo. Isang simple at masarap na meryenda at kung kakayanin ng tiyan ay maa-ari ding almusal. marami ang pamamaraan ng pagluluto ng ginataang mais, nariyan na ang pagda-dagdag ng langka, makapuno at pirurutong. Sa mga lugar na mahirap makakita ng sariwang mais, maa-aring gumagamit ng mais sa lata. 


Mais ay isa sa mga paboritong sangkap sa mga kakanin o panghimagas na ating kinawilihan. Katulad ng maja con mais, ukoy na mais, binaki, binatog, sopas na mais at ang paboritong pampalipas ng init, ang mais con yelo. Maa-ari at masarap na ilaga lamang at lagyan ng mantikilya at kaunting asin. Alisin sa busal at isilbi kasama ang minasang patatas sa inihaw na baka. Maa-ari ding ihalo ang talbos na gulay at inihaw na bangos. Sa pagsapit ng hapon, ito mabibiling inihaw sa kanto, tanungin lamang ang tindera kung may libreng tutpik.

Bukod sa malagkit na bigas, naglagay tayo ng pirurutong (itim na malagkit na bigas). mas malinamnam at may kaunting kaganitan ang uri ng bigas na ito. Ito ay maraming kagamitan, tulad ng pulbos para sa pag-gawa ng keyk at puto. Ito rin ang ginagamit sa pag-gawa ng puto bumbong at biko. Kinakailangang ibabad lamang ito ng matagal, upang lumambot bago lutuin. sa mga kababayan natin na nasa ibang bayan, mabibili ito sa mga tindahang Asyano. Itim na bigas ng Thai ang tawag dito (Thai Black Rice).


IIlan na lamang siguro sa panahong ito ang marunong sumakay sa kudkuran, kung ikukumpara mo sa panahong hindi pa nauuso ang gata sa lata. Sa ano mang okasyon na darating tulad ng piyesta, noche buena at todos los santos, kung saan nakagawian ng gumawa ng ginataang ube, o ano mang kakaning may gata. Maging ordinaryong araw, na naisipang magluto ng laing. Siguradong tulo ang pawis sa pagkayod ng niyog sa katanghaliang tapat. Maa-ari rin namang  makabili ng kinayod ng sariwang niyog sa palengke. 



At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

GINATAANG MAIS





0 comments:

Post a Comment