Bangos ang pinaka-kilalang isda , kung kaya't ito ang pambansang isda ng Pilipinas. Bago pa sumikat ang bayan ni Paquiao sa bangos, nakilala na ang mga bangos Kabite, bangos Bulakan at bangos Pangasinan. Maraming uri ng pakain ang ginagamit sa pagpapalaki ng bangos, nariyan ang process feed at ang organic kung saan lumot at lumang tinapay lamang ang gamit. Sabalo, ay isang uri ng bangos na nahuhuli sa dagat ito ang tinatawag na wild milkfish. Makakabili ka minsan ng may lasang gilek na bangos, ito ay sa pakaing ginagamit. Pag inihain ang bangos, mauna kana dahil baka buntot ang matira. Okey lang kung may alaga kang pusa o may kaibigang suwi, dahil pag ikaw ay matinik, pakamot mo na lamang.
Ang isang pangkaraniwang laki ng bangos, ay mapu-pusta natin sa lima. Ngunit kung dalawa lamang kayo sa bahay, maa-ari na ang dalawa. Kawawa lamang kung kanino mapupunta ang buntot, dahil nagpapanghimagas kana, hindi pa siya natatapos.
Ang Asado ay lutong Pilipino na ang sabi ay minana natin sa mga Espanyol, at ang ibig sabihin o kahulugan nito ay steak. Masuwerte pa rin tayo at sa mga Spanish natin ito minana, kahit toyo may sabaw pa rin tayo. Kung sa Amerikano, siguradong asin at paminta lamang ang sahog ng steak . Madali lamang ang proseso sa pag-gawa ng putahing ito, halos magkahalintulad ng bistek tagalog. Ang nakapagtataka ay kung bakit tinawag itong asado, gayong matamis ang lasa ng asado. Dapat ang itawag dito ay bistek bangos at kung hindi babaguhin ang pangalan lagyan na lamang ng asukal na pula, ano kaya ang lasa nito ? Minatamisang bangos?
Ito ang pinakamahirap sa pagluluto ng asadong bangos, ay ang pagpi-prito. Pag hindi ka natilamsikan ng mantika masuwerte ka. Tulad ng kasabihan na, kapag mainit ang iyong mata magtitilamsik ang mantika. huwag kang lalapit sa mga taong alam ang pamanhiing ito, dahil pag nagtilamsik, siguradong mahahataw ka ng sandok. May mga paraan para hindi ka matilamsikan ; Pakuluin muna ang mantika at hinaan ang apoy bago ihulog ang bangos, at para maiwasan din ang paninikit sa kawali. Pagulungin sa arina at kung ayaw ng may bilot na arina, lagyan ng asin ang mantika bago ihulog ang bangos. Takpan, at kung mahina na ang sagitsit saka baligtarin.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .
ASADONG BANGOS |
0 comments:
Post a Comment