Isang kaibigan ang lumapit sa atin, at humihiling na gumawa tayo ng isang kakanin. Isang minindal na kilala sa kanilang bayan , sa paliwanag pa lamang ay para ng napakasarap nito. Nagsaliksik tayo ng karagdagang kaalaman , nariyan na ang alamin muna ang kahulugan at kung saan ito nagmula, ang mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto. Sa pagsasaliksik, nalaman namin na ito ay kahalintulad ng isang kalamay na pinasingawan sa bao ng niyog. Ito ay kilala sa tawag na,,,pakibasa na lang yung nasa itaas ng larawan, salamat ho.. Ito ay mula sa bayan ng Dagami Leyte at inilalako sa kahabaan ng bangketa sa Tacloban city.
Dito sa aming kinalalagyan ay mahirap humanap ng pangunahing sangkap, ang Talyan. Maaring mayroon sa pamalengkehan ng Vietnamese, pero saan yon. Nagsubok pa rin kaming maghanap, hanggang makatawid kami ng dalawang tulay at marating namin ang pangatlung siyudad, wala pa rin kaming makita. Sa pagtatanong tanong, may lumapit sa amin at nagtanong kung gagawa kami ng Binagol. Ano pa nga ba ? ang sagot ko ay oho. May kaidadan na si lola, taga Leyte siya. Umupo kami sa isang kapehan na malapit sa kanyang pinamimilhan, sa Tim Horton. Maa-aring hindi nyo kilala ang kapehang ito, pero sikat dito yan sa lugar namin. Humihigop ng kape, habang may pagmamalaking nagkukuwento, kinalakihan na raw niya ang pag-gawa ng binagol.
Maa-ari daw gumamit ng pangkaraniwang gabi at dahil sa kompetisyon, marami na nga raw ang pamamaraan ang ginagamit sa pag-gawa. Nariyan na ang pag-gamit ng Ube at Kamoteng kahoy. May primera klase at tradisyunal, kung saan simpleng sangkap at pamamaraan ang kinakailangan. Isinulat nya sa tisyu ang mga kaalaman na kinakailangan namin sa pag-gawa ng tradisyunal na binagol.
Bago Umuwi, bumili na rin kami ng mga sangkap. Ang una kong hinanap ay ang niyog, dahil nais kong gawin ito sa pamamaraan na ibinigay ni manang sa amin. Gumuhit ang ating kasama ng linya sa paligid ng bao, nilagare niya ito gamit ang lagaring bakal, upang maging pantay ang paligid. Isinalab ko na rin ang dahon ng saging, dahil alam kong mapapalaban na naman ako sa pagha-halo. Hindi naman kahirapan ang paghahalo, kung ikukumpara sa pagluluto ng kalamay o halayang ube. Naging mapalad ang pagluluto, kaya napagkasunduan na isa-pelikula na namin kinabukasan ang binagol.
Ito ang wala sa isinulat ni manang, ang paggamit ng mangko. Isang pamamaraan na aming pinag-isipan at sinubok, para sa pangmadaliang pamamaraan. Ang aking masasabi ay, subukan ninyong gumawa ng kakaning ito. Mayroon itong linamnam at tamis na talagang kay sarap balik-balikan.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
BINAGOL |
0 comments:
Post a Comment