Tuesday, 18 June 2013

SINAKLOB

Sinaklob : Pangalan - Sinaklaw o pinatungan upang itago o matakpan ang isang bagay.

Nagbalak ang grupo na mangawil o mamingwit sa darating na linggo, nagkasundo naman at napagusapan na kung saang lugar mangangawil. Sa paglalakwatsa kailangan ding planuhin ang mga dadalhin tulad ng pagkain, pero sa mga taong makakati ang paa at sanay sa galaan, hindi ito balakid, ang katwiran ay may Mc Donald sa dadaanan. Dito sa aming lugar, hindi kadalian ang mangawil, may mga alintutunin na sinusunod. May limitasyon ang dami at dapat nasa tamang sukat. Kinakailangang may kasamang pagmamahal ang paghuli ng isda, hindi pinupuwersa. Pag may kumagat sa pamingwit, kailangang itabi mo ito sa pampang ng walang puwersa, hindi puwedeng paluin ng matigas na bagay upang makasiguro.Kaya ang ibig sabihin, maghapon na sa ilog para makapag-uwi ng kahit isang isda. Siguro si-reyna ang may-akda ng batas na ito.

Hindi na siguro dapat itanong, kung ano ang nataan sa akin, obyus diba ? Kaya, kaya, mag-isip kung ano ang magandang baunin. May kalayuan din ang lugar, siguro isa hanggang dalawang oras ang biyahe sa Hope. Mula sa highway, may kalayuan din ang lakarin papuntang pampang. Doon kasi sa ilog Fraser sumusugba ang mga salmon. Para matagal sa gutom, karne, kanin at prutas ang dapat baunin. Maraming bitbitin kung mabubukod pa sa kanin ang ulam, doon pumasok sa isipan ko ang sinaklob. Ano ang masarap na ipalaman, adobo, kaldereta, menudo, o,  mitsado na lang. Mahirap namang ganahan, dahil baka sa kabusugan matulog na lang at hindi na mamingwit. 

Biyernes pa lamang ay binabad ko na ang malagkit, kaya ang palaman na lamang ang aking gagawin. Ano nga ba itong sinaklob? Sa tagalog, ito ay ang pinagpatong na panutsa. nakatikim na rin ako nito sa mga kainang intsik, yung tinatawag nilang dimsum. Ang pagkaka-iba lamang ay uri ng palaman, tunay na pinoy ang dating. Kahit mag-itsurang nilaga ang adobo o kaldereta, ito ay mas mainam, dahil sabaw ang ipanlalasa mo sa malagkit. Maari din ang gulay, tulad ng pinakbet at bulanglang. Ang isda tulad ng adobong galunggong o ginataang tulingan. Huwag lamang isasama ang tinik, alam nyo na kung bakit? Kaya karne ang pinili kong palaman, dahil huhulihin pa yung isda. 

Mga natatanging tanong sa pamingwitan ;

* Hey man wat du yu gat?          Ano ba ang nahuhuli sa bingwit..
* Is dis place taken?                  Nakita mong nariyan pa yan...
* Is der any salmon running?    Ngayon ka lang makaririnig ng isdang tumatakbo...

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

SINAKLOB

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:49

Wednesday, 12 June 2013

SUMAN MORON

Pangalan : 
(moron)  Isang tao na may pagku-kulang sa kaisipan o sa mabuting paghatol.
(Suman)  Isang uri ng kakanin na pangkaraniwang nakabilot sa dahong saging.

Nagsimula ang lahat, sa trabaho. Hawak ko ang dalawang hiwang kasaba keyk, siguro mga dalawang linggo na ito sa pridyider. Mayroon akong kasama at matalik na kaibigan, oras ng meryenda sya ay lumapit sa akin at nag-alok. "Pre, gusto mo ng Moron ?" " ano bang tanong yan? Sa iyo pa lang, hindi ko na alam kung matatagalan pa kita, magdadag ka pa"ang sagot ko. Kung tatanungin nyo ako, kulang din sa pula itong si dodong ngunit mabait sya, hindi nakakalimot mag-alok. Likas siguro talagang  maa-alalahanin ang mga Bisaya. Kahit isusubo na lang, aalukin ka pa. At kung hindi mo kaya ang lasa, pikit mata na lang. Huwag mong sasabihin sa kanya kung nagka- dayariya ka, para hindi mawala ang grasya. "Suman ito, tsokolateng suman at napakasarap " ang sabi niya. " dyus ko po, Tsokolateng suman?". 

Suman Isang uri ng kakanin na pangkaraniwang nakabilot sa dahong saging. Pangkaraniwang arina gata asukal o lamang ugat, tulad ng gabi, ubi at kamoteng kahoy ang  gamit sa pag-gawa nito. Maaring hipon karne o ano mang uri ng ulam ang ipinalalaman sa kaning malagkit, tulad ng tamales at sinaklob. Isang mainam na meryenda o baunin saan mang lakaran, o ipagmalaki sa mga nag-imbita na ayaw maghanda." Punta ka sa amin sa linggo, magkainan tayo, pero pot luck "! Uso dito yan sa amin. Sa isang banda okey yan, Dahil para kang pumunta sa isang food festival o fusion. lahat ng klase ng lutong adobo matitikman mo, adobong tiyo, adobong may gata, adobado, kalderobo, o ano mang lutong nababoy na pinangalanan para hindi mapahiya, dahil sa malayo sa orihinal na lutong adobo. Teka bakit tayo napunta sa adobo, gayong suman ang ating tinatalakay. 


Tsokolateng suman, may pagka- international recipe ang dating. Kawili-wili diba ? Dahil sa keyk at sorbetes pangkaraniwan ang panlasang tsokolate. Pero sa isang banda, maa-aring nagmula itong moron sa isang aksidenteng pagluluto. Nagluluto siguro ng tsampurado at nakatulog, natuyo ang sabaw, kaya binilot na lang ng dahong saging. Di ba sosyal, sumang  tsamporado. Nang hinanap ng naglilihing si kumander, eto ang nakita niya, humiyaw na ng "moron ka talaga, pesteng nyawa." 

Maraming style ang maaring gawin sa pagsasama-sama ng dalawang panlasa. maa-aring pilipitin o pagtabihin na lamang. Ang panlasang gatas ay maa-ari ding haluan ng keso, at ang tsokolate ay lagyan ng pekan o almendras. Mayroong nga akong nakita na prutas ang inilahok sa suman, tulad ng mangga o ube. Maari din siguro ang ube makapuno, langka con keso, tropical fruit delights at rocky road. Ang Pinoy ay kilala sa pag-gawa ng suman, dahil mainam itong pampatawid ng gutom sa malayong biyahe. Tulad ng sa Antipolo, isang kilometro pa ang layo mo sa simbahan, marami na ang naglalako ng suman sa ibos. Sa simbang gabi, ang sumang lihiya ang pangkaraniwang nakikita. Kaya, mabuhay ka suman.

 Bago tayo mapunta sa kung saan, balik tayo sa moron. Isang napakasap na kakanin at napakadaling gawin. Maa-aring maipagmalaki natin sa larangan ng pagluluto, dahil sa kaiba-iba niyang uri. Ang hindi lang natin alam, bukas makalawa ay nasa tindahan na ito ng mga Vietnam at Lao. Sila ang magpapasikat at papangalanan nila nang Bhở Hoàng.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
SUMAN MORON




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan11:26

Wednesday, 5 June 2013

KALANDRAKAS

Pang-uri : Binubuo ng iba't ibang uri na may parehong bagay.
Isang pangunahing lutuing sopas sa timog katagalugang bahagi ng Pilipinas.

Naalala nyo pa ba sa mga nagdaang sulatin, kung saan natin inilathala ang pag-gawa ng Almondigas. Narito na ang naudlot na pagna-nais makatikim ng Kalandrakas. Ano nga ba ang mayroon sa kalandrakas ? Sa paglalayag namin sa web, upang mahalungkat ang mga bagay na may kaalaman sa kalandrakas ; Ito ay mayroong banyagang pangalan na Calandracas, na nagmula sa Europa, isang uri ng sopas na kung saan karne ang ginagamit. Sa bayan kung saan ako lumaki at kilala ito sa Chabakanong tawag na kalandrakas, Manok ang pangkaraniwang sangkap at espageti pasta na pinagputol-putol ng isang pulgada and haba.

Bakit ba kalandrakas ang itinawag sa lutuing ito, na kahit sa ang ibig sabihin nito sa librong kahulugan ay ; Binubuo ng iba't ibang uri na may parehong bagay. Malimit ko lang itong marinig sa mga matatanda , tuwing daraan sa harap ng pondahan si peles na karpintero. Peles, saan ba ang lakad at bitbit mo na naman ang mga kalandrakas mo, gayong wala namang dalang sopas si ka peles. Ito ay sinasabing pang-linguhang ulam ng mga Pilipino, isang panghapunang ulam na pinagsasaluhan ng isang pamilya. Maa-aring tama sa isang banda, dahil ang aming kapitbahay ay laging sopas ang ulam sa hapon ng linggo, lalo na kung laging talo sa sabong o tupada. Talo sa bulsa, panalo sa bituka.


Dahil sa medyo kahirapan ng buhay ngayon, maa-aring bumili na lamang tayo ng tandang o paitlugang manok. May katandaan, ngunit mura lamang ang halaga. Pakukuluan lamang ito na may tinimplahang asin, pamintang buo, sibuyas at kintsay. Kung nais ng mas malinamnam na lasa ng sabaw, maglagay ng bulyon. Kung ikukumpara ito sa talunang manok; Parehas na matigas ang laman, mas mahal lamang ang pang-sabong. Dahil sa laki ng pusta, lalo na kung lyamado pa.

Masarap mag-sopas lalo na kung malamig ang panahon, maging sa tag-init masarap ding humigop ng mainit na sopas. tatak-takan mo ng maraming paminta, sabay higop habang tumatagaktak ang pawis. Sabi ng mga henyo, ang sopas ay pagkaing mahirap kung ito ay iuulam, ang sopas ay isang pasimula lamang sa isang marangal na piging. Kahit pa anong sabihin, mas masarap kung ito ay uulamin na may kasamang piniritong dalagang bukid, o almusal sa umaga na may mainit na pandesal. Ito ay isang mainam na karadagan sa pang araw-araw na lutuin. Kung mag-luluto ng adobo, ibukod lamang ang mabutong bahagi ng manok at ito ang isangkap sa sopas. May adobo kana, may instant sopas pa. Big-taym,  rich pipol na ang dating.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
KALANDRAKAS



Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:15