Saturday, 16 November 2013

ENSAYMADA

Ensaymada (Pangalan): [ənsə.iˈmaðə] Isang uri ng pastelerya o tinapay na hugis ikid pabilog, pinahiran ng   mantikilya at pinaibababawan ng asukal at ginadgad na keso.

Habang namimili kami sa isang pamilihang pinoy, upang humanap ng mga gagamitin sa pag-gawa ng pambonete. Tumambad sa akin ang Ensaymada na mula pa sa ating bansa, ito ay nabibilang na mga kakaning ilado o nakahanay sa reprihadura. Bigla na namang nabago ang ihip ng hangin, dumampot ako ng Eden cheese at Star margarine. Ang pag-gawa ng Ensaymada ay halos kahalintulad ng Cinnamon Bun, sa halip na asukal at kanela, asukal at keso naman ang sa ensaymada. Siguro ginaya sa atin ng banyaga ang proseso, dahil nasarapan ng matikman ang ating paboritong menendal. "Bahala na kayo, kung maniniwala kayo".

Ang tradisyunal na Ensaymada ay isang simpleng margarina at asukal lamang ang pangibabaw, ito ay magkakadikit na nakasalansan sa latagan kung ihuhurno. Isang simpleng tinapay na nakahilera kasama ang mga kalihim, kababayan, sputnik at iba pang pastelerya. Sa makabagong panahon, ito ay indibiduwal na nakabilot sa plastik na may etiketa ng panaderya. Kay tagal din namang nawala sa kasikatan si Nino, ngunit ng bumulaga ang supermelt, bumandera na naman si little man. Sa sobrang pagkasikat, tinalo pati Goldilocks at Red Ribbon. Bakit nga ba sumikat ang supermelt, dahil ba sikat na artista si Nino?  Kayo, gusto nyo rin bang sumikat? Negosyo rin kayo ng Ensaymada, " MELT IN YOUR MOUTH, NOT IN YOUR HAND" diba sa M&M yon ?

Madali lamang ang pag-gawa ng Ensaymada, kailangan lamang sundin  ng tama ang mga proseso. Hindi kami gumamit ng mga de-motor na kagamitan sa pag-gawa, simpleng mano-manong lamang ang aming ginawa. Upang maipakita namin sa lahat ng tagasubaybay, ang tradisyunal na pamamaraan. Sa unang panahon ng pananaderya, minamasa ang arina ng mano-mano. Ipinapalo ito sa malapad na latagan upang maging makunat. Dahil sa mainit ang loob ng panaderya, nakahubad at tumatagiktik ang pawis ng panadero. Hindi ko sinasabing tumutulo ito sa masa, mainit lang talaga sa loob ng panaderya.

Star margarine ang ating ginamit na pamahid, Iba na’ng matangkad!”. Carnation Evap naman ang ating ginamit na gatas, dahil yung isang klase ng gatas, laglag yung komersyal, hindi tumaas yung artista, ngunit sumikat naman sa pag-gawa ng Ensaymada. Sinubukan rin naming gayahin ang proseso ng cinnamon bun, na pagsamahin ang tinunaw na mantikilya at asukal bago ipahid, bago pa-ibabawan ng ginayad na keso. Mayroon din namang Star margarine sweet blend, upang hindi na magdagdag ng asukal. Hindi ko inirirekomenda ang mga produktong nabanggit, una; hindi naman ako babayaran nila at dahil pag sumakit ang inyong tiyan, ayokong ako ang sisihin ninyo. 

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
ENSAYMADA





0 comments:

Post a Comment