Saturday, 21 December 2013

PINOY PINEAPPLE HAM

Hamon ( pangalan ) [Hämōn ] Mula sa salitang banyaga na "Ham" at hinunlapian ng katagang "on", upang makabuo ng salitang "Hamon". Ito ay tinabas sa hitang bahagi ng baboy, at pangkaraniwang pinauusukan. Isang pamamaraan ng pag-iimbak ng karne, kung saan ito ay hinihilamusan ng tinimplahang sangkap, tutusukan ng clavo de comer at ii-imbak ng halos isang buwan bago ihanda.

Sa mga Pinoy ito ay isang espesyal na putahe, simbulo ng kapaskuhan at palagiang inihahanda sa Noche Buena o Medya Noche. Kahit anong antas man ng buhay ng isang Pinoy, makikita mo ito sa piging, kasama ang ibang nakayanang handa para sa Noche Buena. Kahit ilang hiwa o yung de-lata na maa-aring makasapat sa panganga-ilangan, pipilting makabili upang mabigyan ng kasiyahan ang mga kasambahay. May mga mapapalad namang mga empleyado, na nabibigyan ng kanilang kumpanya ng pamaskong hamon. Mapalad pa rin ang mga pinoy sa isang banda, sa dahilang pasko lamang sila bumabakbak ng hamon. Sa ibang bahagi ng mundo, isa lamang itong tipikal o pang araw-araw ng pang-almusal o palaman sa tinapay. Kaya't tingnan mo, puro high blood at high kolesterol ang sakit. 

Sa ibayong dagat, sa Amerika. Nabibili ito ng hiniwa-hiwang manipis, at pangkaraniwan ng nasa pakete. Mayroon rin namang buo tulad ng nasa larawan, mula 5 at halos hanggang sampung kilo ang bigat ng bawat isa. May iba't ibang timpla, tulad ng honey cured, black forest at old fashioned smoke ham ang ilan. Kung ako ang tatanungin, mas masarap ang orihinal na hamon, ito yung nabibili na kasama ang buto dahil sa wala itong alat na katulad ng prosesong hamon. Sa pilipinas, ito ay inihahandog ng pinaka-espesyal na pamamaraan. Nariyan na yung pakuluan at ihurno sa may panlasang pinoy, na ang pangkaraniwang sangkap ay pinya, may mga gumagamit ng coca-cola para sa pagpapakulo ng sarsa. Palalamutian ng kung ano-anong gulay at prutas, para sa presentableng pagha-handa. Ang katuwiran, minsan lang ito sa isang taon, kaya't ipangungutang na ng five-six para maging en-grande ang pasko.

Likas talaga sa atin ang maging isang relihiyoso, maging ano man ang paniniwala, ang araw ng kapaskuhan ay ating ipinagdiriwang. Kahit sa bansang pinagmulan ng katoliko, hindi tutulad sa karangyaang ginagawa ng mga pinoy. Kung kaya't tuwang tuwang ang mga negosyante at credit card dahil malaki na naman ang neto nila. Ang mga pamilihan ay halos bukas beinte kuarto oras at pitong araw sa loob ng isang linggo, sa pagpasok pa lang ng ber. Bili dito Bili doon, dahil sa dami ng inaanak at kamag-anak, at hindi masusukat ang ating kasiyahan habang may pinasasaya tayong tao, yan ang tunay na Pilipino, hindi maramot. Ang problema lang ay, pagkatapos ng pasko, hirap magbayad ng utang. Okey lang yan, kaya't ang bati namin sa inyo ay isang MALIGAYANG PASKO at MASAGANANG PASKO.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan

PINEAPPLE HAM








Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:56

Monday, 9 December 2013

BIBINGKA ROYAL

BIBINGKA ROYAL ( pangalan) [bee-bing-kah] Isang kakaning Pinoy na ginawa mula sa galapong. Niluto sa isang espesyal na luad, na nilatagan ng dahon ng saging, Inihu-hurno na may nagbabagang uling sa ibabaw at ilalim, pinai-ibabawan Ito ng hiniwang keso at itlog na maalat. Pinapahiran naman ng mantikilya, binubudburan ng asukal at pinaululutong ang ibabaw bago hanguin sa lutuan. Inihahandog ng may kasamang ginadgad na sariwang niyog at mainit na tsaa.


Pag-gawa ng galapong ang laging unang hakbang sa pagluluto ng bibingka, at bigas ang pangunahing sangkap. Medyo may kadalian na ang pag-gawa ng bibingka sa makabagong panahon kung ikukumpara sa panahon ng lolo ko. Tama ka ! Mas madali kung bibilhin na lamang, at may libre pang tsaa at tsismis ng tinderang si aling Basyang. Pero tandaan mo, hindi araw-araw ay pasko. Kung marunong kang gumawa ng bibingka, kahit Todos Los Santos pwede mong gawing pasko, lagi ka pang mayayakap ng waswit mo.


Desyembre 16, ito ang unang araw nagsisimula ang simbang gabi. Ito ang pinakahihintay at pinaka-espesyal na mga araw sa tuwing papalapit na ang kapaskuhan. Sa mga kabataang hindi naman tunay na panatiko, ngunit nakukumpleto ang simbang gabi. Maa-liwalas at may ngiti kung babangon sa madaling araw, bakit nga ba ? Syempre dahil sa may kasamang tsik sa pagsimba, at masaya pang naglalakad sa may kalahating kilometrong layo. Paano naman kung ang pamilya ang kasama sa pagsisimba: mahirap gisingin at pagdating sa simbahan, bali ang tukang nakabukaka ang bibig, at kulang na lang ang mag-hilik. Pagkatapos ng misa, ang tanong kaagad ay,, "saan tayo kakain ng puto bumbong at bibingka?" Ito ba yung tinatawag na simbang puto bumbong.

Sa kada bayan o probinsya ay may kanya- kanyang pamamaraan sa pag-gawa ng bibingka, nariyan na ang paglalagay ng kung anu-anong pang-ibabaw na palamuti o sangkap, at may mga bibingkang siksik at malambot ang pagkaka-gawa. Kung ako ang tatanungin, mas malinamnam  kung sa luad ito lulutuin. Ang mabangong amoy na mula sa dahong saging, sa lutuang uling. Bibilib ka talaga sa galing ng mga pinoy, pinagsabay na agad ang grill at broil sa pagluluto, may baga sa ibabaw at ilalim ang hulmahang lutuan ng bibingka. Kung nais maa-aring gumamit ng bigas, ibabad lamang ito magdamag sa tubig, kinabukasan ay iparaan ito sa de koryenteng gilingan. Tulad ng nabanggit ko sa mga naunang blog, mahirap gawin ito sa unang panahon. Ginigiling ito sa gilingang bato o ipinagigiling sa palengke. Sino ba raw ang mag-iinteres gumawa nito, kung wala naman daw oben o hurno. Tulad ng sabi ko, maa-aring gumamit ng kalang de uling, ang pang-ibabaw naman ay kapirasong yero na may nagbabaga ring uling. 

Dito sa aming lugar, may mga tinda rin namang bibingka. Ga-suntok ang laki at masarap din naman ang timpla, ngunit may kamahalan ang halaga. kaya't mas nais pa ng ibang hindi marunong magluto, na bumili na lamang ng mix at sila na lang ang gumawa. Bakit pa bibili ng mix, kung ganitong kasimple lang ang pag-gawa ng bibingka. Magagawa mo pang mag-bawas o magdagdag ng timpla, tulad ng asukal. Pag may kasiyahan tulad ng Christmas potluck, magdala ka ng bibingka. Hindi mo alam na baka ikaw ang maturingang reyna ng bibingka, at lagi ka na ngayong mai-imbitahan sa kahit ano mang okasyon, dahil sa iyong bibingka. Bumili ka na ng maraming arina, at mag-alaga ka na rin ng pato, para makatipid sa itlog.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
BIBINGKA ROYAL






Nilimbag Ng pinoy hapagkainan17:26

Tuesday, 3 December 2013

KALAMAY

KALAMAY  (pangalan[kä-lah mäy] Ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagkatas ng gata mula sa kinayod na niyog, giniling na malagkit na bigas na kung tawagin ay galapong at asukal na pula. Panay na paghalo sa pagluluto ang ginagawa sa mahinang apoy, hanggang sa magpantay-pantay ang pagkunat.


Sa pagluluto ng kalamay, laging nauuna ang gata. Hindi dahil gawa ito sa gata, Batanggas at Bikol na naman ang sikat. Bigyan naman natin ng buhay ang norte, bago tayo dumako sa timog o hilaga. Kung ikaw ay patutungo sa norteng bahagi, halimbawa na ang Pangasinan o Ilokos sakay ng pambansang kuneho (Philippine Rabbit!!), siguradong titigil sa Rosales. Sa terminal ng bus, naroon na yata ang lahat ng produktong kakanin ng norte, hindi ka pa nakakarating sa patutunguhan matitikman mo na ang mga pinagmamalaking kakanin. Unang una na ang tatak Ilokano, ang makunat na makunat na kalamay na nakabilot sa dahong saging. 

Mga lakay, sakay muna tayo ng tren patungong Timog. Mula pa laang sa Tutuban, kalamay na ang iyong makikita. Sa Binang Laguna, kung saan sikat sa pag-gawa ng mga kakanin (dahil siguro may karugtong na Binan ang bawat pangalan ng kanilang produkto, tulad ng puto Binan at kalamay Binan ang ilan). Hindi rin patatalo ang mga uragon. Kung kaya nilang magpamaga ng almoranas, kaya rin nilang pahilabin ang tiyan sa sarap ng kanilang kalamay. Sa dami ba naman ng niyog at tubo sa Bikol, sigaradong kayang kaya nilang gumawa ng pinaka masarap na kalamay. Kung gusto mo, lalagyan pa nila ng CHILLI SPICE. 

May mga ilang bayan din ang kilala sa pag-gawa ng kalamay, tulad ng Mindoro, Iloilo , ang kalamay hati ng Bohol at sundot kulangot ng Baguio. Ano nga ba ang pagkakaiba sa mga kalamay na ito, ang marangyang sisidlan at presentasyon, mga pangalang madaling tumatak sa isipan at mga sangkap na hindi mo sukat maisip na maa-aring gamitin at humihila sa iyong tikman ito. Halimbawa na ang paglalagay ng peanut butter, ang unang iisipin mo ay, hindi  kaya magkalapugan ang iyong tiyan at dali-dali mong hahanapin ang silid pahingahan (Rest Room yan ha)? Kahit papaano ay susubukan mo pa rin. Ano nga ba ang kalamay? Sa pangkalahatang kasagutan, ito ay isang kakanin na gawa sa pinakunat na arinang malagkit, asukal at niyog. Kaya naging espesyal ang kakaning ito dahil pawis ang puhunan sa pag-gawa nito, wala pa riyan ang kulani sa kili-kili. Isang pakikibuno ng paghalo sa mahinang apoy, upang makamit ang kunat na nais. Kunat ang paga-aantas sa kalamay, primera klase ang pinakamakunat, Dahil sa matagal na proseso ng pagluluto. Hindi magandang negosyo ang kalamay sa Ibang bansa tulad ng Amerika, kung saan per-ora ang pasuweldo. Siguradong malulugi ka tsong. Mahal ang magiging presyo, hindi kayang bilhin ng mga makukunat.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

KALAMAY






Nilimbag Ng pinoy hapagkainan09:01