BIBINGKA ROYAL ( pangalan) [bee-bing-kah] Isang kakaning Pinoy na ginawa mula sa galapong. Niluto sa isang espesyal na luad, na nilatagan ng dahon ng saging, Inihu-hurno na may nagbabagang uling sa ibabaw at ilalim, pinai-ibabawan Ito ng hiniwang keso at itlog na maalat. Pinapahiran naman ng mantikilya, binubudburan ng asukal at pinaululutong ang ibabaw bago hanguin sa lutuan. Inihahandog ng may kasamang ginadgad na sariwang niyog at mainit na tsaa.
Pag-gawa ng galapong ang laging unang hakbang sa pagluluto ng bibingka, at bigas ang pangunahing sangkap. Medyo may kadalian na ang pag-gawa ng bibingka sa makabagong panahon kung ikukumpara sa panahon ng lolo ko. Tama ka ! Mas madali kung bibilhin na lamang, at may libre pang tsaa at tsismis ng tinderang si aling Basyang. Pero tandaan mo, hindi araw-araw ay pasko. Kung marunong kang gumawa ng bibingka, kahit Todos Los Santos pwede mong gawing pasko, lagi ka pang mayayakap ng waswit mo.
Desyembre 16, ito ang unang araw nagsisimula ang simbang gabi. Ito ang pinakahihintay at pinaka-espesyal na mga araw sa tuwing papalapit na ang kapaskuhan. Sa mga kabataang hindi naman tunay na panatiko, ngunit nakukumpleto ang simbang gabi. Maa-liwalas at may ngiti kung babangon sa madaling araw, bakit nga ba ? Syempre dahil sa may kasamang tsik sa pagsimba, at masaya pang naglalakad sa may kalahating kilometrong layo. Paano naman kung ang pamilya ang kasama sa pagsisimba: mahirap gisingin at pagdating sa simbahan, bali ang tukang nakabukaka ang bibig, at kulang na lang ang mag-hilik. Pagkatapos ng misa, ang tanong kaagad ay,, "saan tayo kakain ng puto bumbong at bibingka?" Ito ba yung tinatawag na simbang puto bumbong.
Sa kada bayan o probinsya ay may kanya- kanyang pamamaraan sa pag-gawa ng bibingka, nariyan na ang paglalagay ng kung anu-anong pang-ibabaw na palamuti o sangkap, at may mga bibingkang siksik at malambot ang pagkaka-gawa. Kung ako ang tatanungin, mas malinamnam kung sa luad ito lulutuin. Ang mabangong amoy na mula sa dahong saging, sa lutuang uling. Bibilib ka talaga sa galing ng mga pinoy, pinagsabay na agad ang grill at broil sa pagluluto, may baga sa ibabaw at ilalim ang hulmahang lutuan ng bibingka. Kung nais maa-aring gumamit ng bigas, ibabad lamang ito magdamag sa tubig, kinabukasan ay iparaan ito sa de koryenteng gilingan. Tulad ng nabanggit ko sa mga naunang blog, mahirap gawin ito sa unang panahon. Ginigiling ito sa gilingang bato o ipinagigiling sa palengke. Sino ba raw ang mag-iinteres gumawa nito, kung wala naman daw oben o hurno. Tulad ng sabi ko, maa-aring gumamit ng kalang de uling, ang pang-ibabaw naman ay kapirasong yero na may nagbabaga ring uling.
Dito sa aming lugar, may mga tinda rin namang bibingka. Ga-suntok ang laki at masarap din naman ang timpla, ngunit may kamahalan ang halaga. kaya't mas nais pa ng ibang hindi marunong magluto, na bumili na lamang ng mix at sila na lang ang gumawa. Bakit pa bibili ng mix, kung ganitong kasimple lang ang pag-gawa ng bibingka. Magagawa mo pang mag-bawas o magdagdag ng timpla, tulad ng asukal. Pag may kasiyahan tulad ng Christmas potluck, magdala ka ng bibingka. Hindi mo alam na baka ikaw ang maturingang reyna ng bibingka, at lagi ka na ngayong mai-imbitahan sa kahit ano mang okasyon, dahil sa iyong bibingka. Bumili ka na ng maraming arina, at mag-alaga ka na rin ng pato, para makatipid sa itlog.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
|
BIBINGKA ROYAL |
0 comments:
Post a Comment