Hamon ( pangalan ) [Hämōn ] Mula sa salitang banyaga na "Ham" at hinunlapian ng katagang "on", upang makabuo ng salitang "Hamon". Ito ay tinabas sa hitang bahagi ng baboy, at pangkaraniwang pinauusukan. Isang pamamaraan ng pag-iimbak ng karne, kung saan ito ay hinihilamusan ng tinimplahang sangkap, tutusukan ng clavo de comer at ii-imbak ng halos isang buwan bago ihanda.
Sa mga Pinoy ito ay isang espesyal na putahe, simbulo ng kapaskuhan at palagiang inihahanda sa Noche Buena o Medya Noche. Kahit anong antas man ng buhay ng isang Pinoy, makikita mo ito sa piging, kasama ang ibang nakayanang handa para sa Noche Buena. Kahit ilang hiwa o yung de-lata na maa-aring makasapat sa panganga-ilangan, pipilting makabili upang mabigyan ng kasiyahan ang mga kasambahay. May mga mapapalad namang mga empleyado, na nabibigyan ng kanilang kumpanya ng pamaskong hamon. Mapalad pa rin ang mga pinoy sa isang banda, sa dahilang pasko lamang sila bumabakbak ng hamon. Sa ibang bahagi ng mundo, isa lamang itong tipikal o pang araw-araw ng pang-almusal o palaman sa tinapay. Kaya't tingnan mo, puro high blood at high kolesterol ang sakit.
Sa ibayong dagat, sa Amerika. Nabibili ito ng hiniwa-hiwang manipis, at pangkaraniwan ng nasa pakete. Mayroon rin namang buo tulad ng nasa larawan, mula 5 at halos hanggang sampung kilo ang bigat ng bawat isa. May iba't ibang timpla, tulad ng honey cured, black forest at old fashioned smoke ham ang ilan. Kung ako ang tatanungin, mas masarap ang orihinal na hamon, ito yung nabibili na kasama ang buto dahil sa wala itong alat na katulad ng prosesong hamon. Sa pilipinas, ito ay inihahandog ng pinaka-espesyal na pamamaraan. Nariyan na yung pakuluan at ihurno sa may panlasang pinoy, na ang pangkaraniwang sangkap ay pinya, may mga gumagamit ng coca-cola para sa pagpapakulo ng sarsa. Palalamutian ng kung ano-anong gulay at prutas, para sa presentableng pagha-handa. Ang katuwiran, minsan lang ito sa isang taon, kaya't ipangungutang na ng five-six para maging en-grande ang pasko.
Likas talaga sa atin ang maging isang relihiyoso, maging ano man ang paniniwala, ang araw ng kapaskuhan ay ating ipinagdiriwang. Kahit sa bansang pinagmulan ng katoliko, hindi tutulad sa karangyaang ginagawa ng mga pinoy. Kung kaya't tuwang tuwang ang mga negosyante at credit card dahil malaki na naman ang neto nila. Ang mga pamilihan ay halos bukas beinte kuarto oras at pitong araw sa loob ng isang linggo, sa pagpasok pa lang ng ber. Bili dito Bili doon, dahil sa dami ng inaanak at kamag-anak, at hindi masusukat ang ating kasiyahan habang may pinasasaya tayong tao, yan ang tunay na Pilipino, hindi maramot. Ang problema lang ay, pagkatapos ng pasko, hirap magbayad ng utang. Okey lang yan, kaya't ang bati namin sa inyo ay isang MALIGAYANG PASKO at MASAGANANG PASKO.
At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
PINEAPPLE HAM |
0 comments:
Post a Comment