Tuesday, 13 August 2013

SUMAN SA GATA

Inihanay sa:

Suman pangalan : Isang kakanin na gawa sa bigas o bungang ugat na binilot sa dahong saging.
Gata pangalan : Katas mula sa kinayod na niyog.

Ang Suman na yata ang pinakamasarap at pinakamatandang kakanin sa ating bansa, ang mga sangkap ay madaling hanapin kahit saan mang parte ng Pilipinas. Ito na rin ang kinasanayang almusal o meryenda, sa dahilang marami ang naglalako sa bilao man o sa bisekleta. Maging sa araw ng Pasko , Ito pa rin ang nangunguna sa hapag. Mula sa simpleng sumang malagkit na hinaluan lamang ng asim, marami na ang lasa o klase ang matitikman. Nariyan na ang sumang may tsokolate, may kung ano anong prutas na sangkap, iba't ibang lamang ugat na ginagawang suman. Maging ang dalagang pitis na pitis ang suot, Suman na rin kung tawagin.

Pangkaraniwan ng tanawin sa mga simbahan, lalo na kung araw ng piyesta ang suman, nangunguna na ang ibos. Sa mga terminal ng bus sa hilaga, inihaw na suman o tupig naman. Bakit nga ba binabalot pa ito sa dahon ng saging, kahit sa pambahay na pagkain lamang, pagkatapos isaing ay maa-aring bilugin na lamang sa mga palad at kainin. Sabagay mas may sarap kung dahan-dahan mong bubulatlatin ang bilot na dahon, at bubulaga sa yo ang napakasarap, napakalinamnam na suman. Mangga raw ang syang katambal ng suman, paano kung hindi panahon ng mangga, hindi ka na kakain ng suman. At kung wala namang suman, hindi ka na kakain ng mangga. Kahit naman siguro tuyo, ay maa-aring itambal sa suman.

ETO ANG MASARAP, bukayo. Kahit na siguro walang suman masarap kainin ang bukayo. Ito ang pinakamasarap na pang-ibabaw sa suman, kahit sa suman sa lihiya, masarap itong pampatamis. Natatandaan pa ba ninyo ang mga minatamis tulad ng bukayo, panutsa, balikutsa at kepeng, mga sinaunang kendi na kinagisnan natin o ng ating mga magulang. Kung sobrang asukal ang dahilan ng dyabetis, bakit ang mga ninuno na mahilig kumain ng mga matamis na ito ay buhay pa. Pangkaraniwang inuulam nila ang balikutsa sa kanin at panutsa ang panghimagas. Kung susukatin ang kalorohiya nito, mas mataas pa siguro ang antas nito sa coca cola. Mayroon akong kilala, talagang pinagyayabang na magaling syang gumawa ng bukayo . Kung tawagin sya ngayon ay " bouquet yoh, you are so sweet"

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

SUMAN SA GATA


Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:28

Wednesday, 7 August 2013

UBE MACAPUNO PANNA COTTA

Halos tatlong linggo rin tayong nawala, isang biglaan at hindi inaasahang pagbabakasyon sa pilipinas. Labing anim na taon na rin naman nating hindi nasisilip ang bansang sinilangan, malaki na ang ipinagbago nito. Kung sa rangya ng buhay ang pag-uusapan, maging moda o pagkain, hindi pahuhuli ang ating bansa. Sa loob ng mga nagdaang araw na ating itinigil, wala tayong ginawa kundi gumala at kumain sa mga paborito at bagong restoran. Nariyan na ang Mushroom burger sa Tagaytay, ang sikat na Digman halo halo, ibat ibang buko pie, ang makabagong malunggay pandesal, jollibee, Gerry's grill, Seafood island at marami pang iba. Sa ating pagbabalik, laging may isang bagay tayong hindi malilimutan. Ito ang mga ala-ala sa biyaheng pabalik lulan ng pandaigdigang panghimpapawid ng Pilipinas. 

Di ba pinamimili muna tayo kung ano ang nais nating kainin? Pangkaraniwan ng dalawa ang pagpipilian, baka ba o isda at manok ba o baboy. Inilatag sa atin ang isda at sabay sabing, "ito na lang ho ang mayroon tayo". Tinanggap pa rin natin ng may ngiti, ngunit may hinanakit sa loob habang pinanonood ang katabi sa pagkain ng karne. Panay pa ang pasaring ng matandang lalaki na aking katabi, ang sarap ng pagkakaluto ng karne. Lalo yatang lumansa ang pagkakalasa ko sa isda, nawalan na ako ng gana. Hindi naman ako puwedeng magreklamo, dahil baka lalong kawalan ang mangyari, at isang basong malamig na tubig na lamang ang aking hapunan.

Tumambad sa aking pansin ang isang kakanin, ube makapuno panna cotta. Gumagawa ako ng mangga panna cotta, ngunit bago sa akin ang ganitong uri ng panna cotta. Kumutsara ako at ninamnam ko ang lasa, upang malaman ko kung ano ang mga sangkap na ginamit. Masarap at hindi masyadong matamis ang pagkakatimpla, lumulutang ang linamnam ng panlasang ube. Mga ilang minuto, maririnig mo sa mga pasahero at maging sa matandang lalaki na aking katabi  ang mga katagang "Napakasarap ng kakaning ito". Humarap at inagaw pa ang pansin ko ng matanda, na parang pinipilit akong sang-ayunan sya. Nang dahil sa malansang isda, muntik ko na syang tanungin ng "Bakit ba pinipilit mo akong sumang-ayon, ikaw ba ang may luto nyan?" 



Mabait si tatang, kinuha raw sya ng kanyang manugang sa calgary. Maporma sya, tulis na balat na sapatos ang suot nya at may sumbrero, parang sasakay sya ng kabayo. Ilang oras din naman kaming nagkukuwentuhan at nagbibiruan kasama ang may edad na babae. Tinanong ko pa si tatang kung sasali sya sa stampede, Sabi ko " Hindi matutuloy dahil lumubog ang calgary".Kahit sa pagpunta sa kubeta, suot ni tatang ang kanyang sumbalilo. Kaya naman pala hindi ma-alis sa ulo, panot na si tatang. Isang masayang paglalakbay ang aking naranasan, maigsi ngunit sulit at sa pagdating na pagdating ko sa bahay, ang aking unang ginawa ay ang Ube Macapuno Panna Cotta.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

UBE MACAPUNO PANNA COTTA

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:55

Friday, 2 August 2013

KARIOKA

Karioka, Carioca o Cascaron- Pangalan; Mga pangkaraniwang tawag sa kakaning makunat na bilog na mabibili  na nakatuhog, ito ay gawa sa malagkit na bigas, niluto sa mantika at inilubog sa karamel.

Saan at paano nga ba tinawag ito sa mga pangalang malayo sa tunay na anyo at kahulugan ang kakaning ito. Kung madadako ka sa Brasil, huwag na huwag kang magsasabing kumamakain ka nito, Baka katakutan ka at sabihing ikaw ay nababaliw. Ang kahulugan ng Carioca (Kara'ioka) sa Brasil ay "bahay na puti ng lalaki", ito na rin ang itinawag sa mga unang Portuguese sa Rio de Janeiro. Ang Cascaron naman ay isang bagay na gawa sa balat ng itlog na pinalamanan ng mga palamuti o pabango na ginagamit ng mga kastila sa mga okasyon tulad ng sinko de mayo, araw ng mga patay at kasalan. Siguro mas mainam na tawagin na lamang natin itong bitso bitso o pinoy donut, kahit parihabang bilog ang hugis ng ating kinagisnang bitso bitso.

Ito ay pangkaraniwang nabibili sa mga tindahan o lako sa bilao. Bakit kaya walang maglakas loob na gawin itong isang kakanin na ka-antas ang mga sikat na Mister donut, Dunkin donut, Krispy Kreme o J co donuts. Ang hugis bilog nito ay kahalintulad Munchkin ng Dunkin at Timbits ng Tim Horton, Maa-ari din namang sangkapan ng ibat ibang panlasa at pahiran ng tsokolate at kanela. Upang sumikat, bumili na rin ng prankisa sa baskeball at pangalanang karyoka. Pag may laro ang team tawagin lahat ang tindero ng karioka at gawing cheering squad, sabay-sabay sisigaw ng karyoka.....

Tulad ng ibang kakanin ang pag-gawa ng karioka ay kahalintulad ng mga gawa sa malagkit na bigas. Kung ang palitaw ay bibilugin, palalaparin at palulutangin sa kumukulong tubig, ang karioka ay bibilugin at palulutangin naman sa kumukulong mantika. Isa ito sa paboritong kakaning inilalako at kung tatlo ang laman ng isang tuhog, kulang ang tatlong tuhog upang masusustentuhan ang Kasiyahan. Ang problema lamang ay kung dyabetik ka, siguradong hanggang tingin na lamang, at para maibsan ang hanap ng panlasa, fishball na lamang ang bilhin. Nakatuhog din naman at parehong bilog.

Nabibili na rin naman ito sa North America, naghilera ito sa mga foodcourt. Makikita  na rin ito sa mga pamalengkehang Vietnamese, kung saan gumagawa na rin sila ng sapin sapin at puto na puro pandan ang panlasa. Maging ang mga batang puti o itim ay makikitang bumibili na rin ng karioka o bitso bitso, dahil siguro naimpluwensiyahan na ng mga batang pinoy. Matagal din naman sa gutom, kung ito ang kakaining meryenda. Pag may nagtanong ng tawag sa kakaning ito, mag-ingat lamang sa pag-bigkas, dahil baka mapa-away ka. Baka masabi mong bitch you, Tapos uulitin mo pa,,, bitch you bitch you, siguradong masasapak ka.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
KARIOKA




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan22:11