Wednesday, 7 August 2013

UBE MACAPUNO PANNA COTTA

Halos tatlong linggo rin tayong nawala, isang biglaan at hindi inaasahang pagbabakasyon sa pilipinas. Labing anim na taon na rin naman nating hindi nasisilip ang bansang sinilangan, malaki na ang ipinagbago nito. Kung sa rangya ng buhay ang pag-uusapan, maging moda o pagkain, hindi pahuhuli ang ating bansa. Sa loob ng mga nagdaang araw na ating itinigil, wala tayong ginawa kundi gumala at kumain sa mga paborito at bagong restoran. Nariyan na ang Mushroom burger sa Tagaytay, ang sikat na Digman halo halo, ibat ibang buko pie, ang makabagong malunggay pandesal, jollibee, Gerry's grill, Seafood island at marami pang iba. Sa ating pagbabalik, laging may isang bagay tayong hindi malilimutan. Ito ang mga ala-ala sa biyaheng pabalik lulan ng pandaigdigang panghimpapawid ng Pilipinas. 

Di ba pinamimili muna tayo kung ano ang nais nating kainin? Pangkaraniwan ng dalawa ang pagpipilian, baka ba o isda at manok ba o baboy. Inilatag sa atin ang isda at sabay sabing, "ito na lang ho ang mayroon tayo". Tinanggap pa rin natin ng may ngiti, ngunit may hinanakit sa loob habang pinanonood ang katabi sa pagkain ng karne. Panay pa ang pasaring ng matandang lalaki na aking katabi, ang sarap ng pagkakaluto ng karne. Lalo yatang lumansa ang pagkakalasa ko sa isda, nawalan na ako ng gana. Hindi naman ako puwedeng magreklamo, dahil baka lalong kawalan ang mangyari, at isang basong malamig na tubig na lamang ang aking hapunan.

Tumambad sa aking pansin ang isang kakanin, ube makapuno panna cotta. Gumagawa ako ng mangga panna cotta, ngunit bago sa akin ang ganitong uri ng panna cotta. Kumutsara ako at ninamnam ko ang lasa, upang malaman ko kung ano ang mga sangkap na ginamit. Masarap at hindi masyadong matamis ang pagkakatimpla, lumulutang ang linamnam ng panlasang ube. Mga ilang minuto, maririnig mo sa mga pasahero at maging sa matandang lalaki na aking katabi  ang mga katagang "Napakasarap ng kakaning ito". Humarap at inagaw pa ang pansin ko ng matanda, na parang pinipilit akong sang-ayunan sya. Nang dahil sa malansang isda, muntik ko na syang tanungin ng "Bakit ba pinipilit mo akong sumang-ayon, ikaw ba ang may luto nyan?" 



Mabait si tatang, kinuha raw sya ng kanyang manugang sa calgary. Maporma sya, tulis na balat na sapatos ang suot nya at may sumbrero, parang sasakay sya ng kabayo. Ilang oras din naman kaming nagkukuwentuhan at nagbibiruan kasama ang may edad na babae. Tinanong ko pa si tatang kung sasali sya sa stampede, Sabi ko " Hindi matutuloy dahil lumubog ang calgary".Kahit sa pagpunta sa kubeta, suot ni tatang ang kanyang sumbalilo. Kaya naman pala hindi ma-alis sa ulo, panot na si tatang. Isang masayang paglalakbay ang aking naranasan, maigsi ngunit sulit at sa pagdating na pagdating ko sa bahay, ang aking unang ginawa ay ang Ube Macapuno Panna Cotta.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

UBE MACAPUNO PANNA COTTA

0 comments:

Post a Comment