Saturday, 23 November 2013

KARE KARE

KARE KARE  (pangalan) [kä-reh kä-rehIto ay ginawa mula sa sabaw ng nilagang buntot ng bakapata ng baboy, mukha ng baka, karne ng baka, at paminsan-minsang sinasamahan ng tuwalya. Mga gulay na isinasahog ay ang talong, petsay, sitaw, puso ng saging o iba pang mga gulay. Pinalapot ang sabaw  sa sinangag na mani at bigas o peanut butter. 

Maaaring bumungad agad sa ating pansin ang  isang mangkok, na may hiniwang buntot at gulay na  lumalangoy sa makapal na madilaw-dilaw-na salsa. Ang ginisang bagoong na nasa maliit na platito, na syang nagpapasarap at nagpapatingkad sa lasa ng kare kare. Sino ba ang hindi mawiwili; bukod sa panglingguhan ulam, ito ay inihahanda lamang sa mga espesyal na okasyon. Kung kaya't ang pananabik siguro na makatikim, ang siyang tunay na dahilan. Subukan mong ihanda ito araw-araw, ewan ko lang kung hindi ka ma-uya at baka tuyo at sinangag naman ang iyong hanapin.

Tulad ng maraming bagay o lutuing Pinoy, may ilang mga kuwento tulad ng sa pinagmulan ng mga ito. Walang katiyakan, dahil ito ay salin-saling kuwento lamang  mula sa unang panahon. Ang una ay; nagmula ito sa bayan ng sentro sa pagluluto, ang  Pampanga. Ang pangalawa ay; ito ay inihahanda sa marangyang piging ng mga Moro na nanirahan sa Manila bago pa man dumating ang mga Espanyol. Alin kaya ang malapit sa katotohanan ? Pampangga; maa-aring totoo, dahil sila ang kilala sa larangan ng pagluluto. Moro; malapit sa katotohanan, dahil karaniwan sa kanilang salita ay inu-ulit. Tawi Tawi, Lapu Lapu at moro moro. Kare Kare, posible ba? 

Ano ba sa ingles ng peanut butter ? Mantikilyang mani ? Hindi naman puwedeng sabihin na walang tamang pangalan sa tagalog ang palamang ito, gayong nabibili at ginagawa naman ito sa Pilipinas. Bakit naman kasi pinangalanan ng mga Amerikano ito ng butter, puwede namang spread na lang. Ang almond ay almond spread, at ang matamis na bao ay coconut spread, ang gulo. Wala namang halong mantikilya ang pag-gawa nito, minsan kung iisipin hindi sila marunong mag-ingles, talo pa ng Pinoy.

Balik uli tayo sa "maala-ala mo kaya" o " Nung bata pa si sabel", naala-ala ko kasi yung pagluluto ng aking inay ng kare kare, Mukha ng baka ang ginagamit. Kahalintulad kasi ito ng litid, maganit na malabot pag iyong nginunguya. Pag maagang lumuwas sa pamamalengke si inay, siguradong hahabol ito sa mga matadero. Hindi madaling nakaka-kuha ng mukha, at kapag hindi umabot, buntot at tuwalya ang kapalit. Pinulbos na sinangag naman na mani at bigas ang ginawang pampalapot, at atsuete ang pampakulay. Sabi ng iba, sila ang magaling na magluto ng kare kare. Hindi ako naniniwala, ok pa kung sasabihin nilang sila ang pinakamagaling gumawa ng bagoong. Siguradong masarap ang kare kare nila, subukan mong kainin ang kare kare ng walang bagoong, ewan ko lang kung hindi ka magreklamo. Tama ba ako bay ?

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
KARE KARE





Nilimbag Ng pinoy hapagkainan17:56

Saturday, 16 November 2013

ENSAYMADA

Ensaymada (Pangalan): [ənsə.iˈmaðə] Isang uri ng pastelerya o tinapay na hugis ikid pabilog, pinahiran ng   mantikilya at pinaibababawan ng asukal at ginadgad na keso.

Habang namimili kami sa isang pamilihang pinoy, upang humanap ng mga gagamitin sa pag-gawa ng pambonete. Tumambad sa akin ang Ensaymada na mula pa sa ating bansa, ito ay nabibilang na mga kakaning ilado o nakahanay sa reprihadura. Bigla na namang nabago ang ihip ng hangin, dumampot ako ng Eden cheese at Star margarine. Ang pag-gawa ng Ensaymada ay halos kahalintulad ng Cinnamon Bun, sa halip na asukal at kanela, asukal at keso naman ang sa ensaymada. Siguro ginaya sa atin ng banyaga ang proseso, dahil nasarapan ng matikman ang ating paboritong menendal. "Bahala na kayo, kung maniniwala kayo".

Ang tradisyunal na Ensaymada ay isang simpleng margarina at asukal lamang ang pangibabaw, ito ay magkakadikit na nakasalansan sa latagan kung ihuhurno. Isang simpleng tinapay na nakahilera kasama ang mga kalihim, kababayan, sputnik at iba pang pastelerya. Sa makabagong panahon, ito ay indibiduwal na nakabilot sa plastik na may etiketa ng panaderya. Kay tagal din namang nawala sa kasikatan si Nino, ngunit ng bumulaga ang supermelt, bumandera na naman si little man. Sa sobrang pagkasikat, tinalo pati Goldilocks at Red Ribbon. Bakit nga ba sumikat ang supermelt, dahil ba sikat na artista si Nino?  Kayo, gusto nyo rin bang sumikat? Negosyo rin kayo ng Ensaymada, " MELT IN YOUR MOUTH, NOT IN YOUR HAND" diba sa M&M yon ?

Madali lamang ang pag-gawa ng Ensaymada, kailangan lamang sundin  ng tama ang mga proseso. Hindi kami gumamit ng mga de-motor na kagamitan sa pag-gawa, simpleng mano-manong lamang ang aming ginawa. Upang maipakita namin sa lahat ng tagasubaybay, ang tradisyunal na pamamaraan. Sa unang panahon ng pananaderya, minamasa ang arina ng mano-mano. Ipinapalo ito sa malapad na latagan upang maging makunat. Dahil sa mainit ang loob ng panaderya, nakahubad at tumatagiktik ang pawis ng panadero. Hindi ko sinasabing tumutulo ito sa masa, mainit lang talaga sa loob ng panaderya.

Star margarine ang ating ginamit na pamahid, Iba na’ng matangkad!”. Carnation Evap naman ang ating ginamit na gatas, dahil yung isang klase ng gatas, laglag yung komersyal, hindi tumaas yung artista, ngunit sumikat naman sa pag-gawa ng Ensaymada. Sinubukan rin naming gayahin ang proseso ng cinnamon bun, na pagsamahin ang tinunaw na mantikilya at asukal bago ipahid, bago pa-ibabawan ng ginayad na keso. Mayroon din namang Star margarine sweet blend, upang hindi na magdagdag ng asukal. Hindi ko inirirekomenda ang mga produktong nabanggit, una; hindi naman ako babayaran nila at dahil pag sumakit ang inyong tiyan, ayokong ako ang sisihin ninyo. 

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
ENSAYMADA





Nilimbag Ng pinoy hapagkainan11:39

Friday, 8 November 2013

BUTSI

Butsi o Buche (Pangalan) : Sa ibang kahulugan , mga lamáng-loob ng manok at iba pang kaurì nito. 
( Idioma) : Ipinagpuputok ng butse , Ikinasasama ng loobin
(Pangalan) : Kahulugan ukol sa paksa, kakaning malagkit na pinalaman ng minatamis na munggo.
Kahulugan sa pangkabuuan : Sa loob, loob, niloloob o ano mang bagay na nauugnay sa salitang loob.


Bakit butsi o butse ang itinawag sa minindal na ito ? Dahil ba kahalintulad ito ng butse ng manok na may palaman sa loob, mainam na lang minatamis at hindi lasang mga dahong sangkap ang ipinaloloob dito. Dahil sa tuwing kakainin mo ito, parang nasa isipan mo ang karugtong ng puwit ng manok. Punta naman tayo sa matinong paksa; mainam na lamang at nauso na ang pag-gamit ng mga pulbos na sangkap, isang kunbinyenteng pamamaraan sa mabilisang produksiyon. Naa-alala ko pa nung kabataan ko, sa tuwing hapon ako ang nauutusang pumunta sa palengke upang magpagiling ng galapong. Kinabukasan pa ito makukuha, dahil kinakailangan pang ibabad ng magdamag. Mayroon kaming maliit na pundahan, kung saan halos ng mga kumakain ay mga nag-iiras (gumagawa ng asin). Mga kakanin ang pangunahing tinda, kaya abala na sa pagluluto bago sumapit ang hapon. Minsan puputok ang iyong butsi, dahil magdamag na walang kuryente at mag-gigiling ng mano-mano sa gilingang bato.

Marami talaga ang nababago ng panahon, si mang Beng pandak lang ang hindi nabago. Laging nakatingala kung makakasalubong mo, upang makilala ka. Minsan masasabi mong, "Mang Ben, wag kang masyadong makatingala, baka pasukin ng ulan yang ilong mo". Ang ibig kong ipaliwanag, ay ang mga sangkap at pamamaraan ng pagluluto. Ngayon, kahit anong oras ay maari kang gumawa ng kakaning galapong. Marami na ang naglabasang mga pulbos na sangkap, tulad ng pulbos na arinang malagkit, arinang bigas, arinang patatas at marami pang iba. Kahit saan ngayon, ito na ang napipiling hanapbuhay.Tulad ng butsi, isa na itong pangkaraniwang minindal. Kung hindi ka makakakita sa pondahan, maghintay ka ng alas tres. Isang bloke pa ang layo maririnig mo na ang hiyaw ng tindero, butse, bitso karioka. Isang tipikal na tindero na may sunong na bilao sa ulo, bilot ito ng isang malapad na plastik. Mabibili ito na nakatuhog sa tuhugang kawayan, pagkatapos mong kumain may tutpik ka na rin.

Mahilig ka ba sa butsi, ano ang mas gusto mo, yun bang pangbalot o palaman? Maa-aring sabihin mong parehas, sa dahilang butsi ang niluto mo. Kung palaman ang ibig mo, Minatamisang munggo ang tawag doon. At kung pambalot naman ang nais mo, siguradong donat ang iyong gusto. Yun bang tipong Munchkins ng dunkin. Kung pambahay ang aking gagawing butsi, bumibili na lamang ako ng halayang ube sa bote at iyon ang aking ipinalalaman. Masarap at siguradong magugustuhan ninyo, wala pang masasayang na palaman. Hindi naman mahirap hanapin ang butsi, kahat saang lupalop ka ng mundo mapunta, basta may Intsik, mayroon ding butsi. Sila nga raw ang una at may dala ng butsi sa Pilipinas. Ngunit kung titingnan at babasahin mo sa wikipidya, halos lahat ng bansa sa Asya ay may kanya kanyang tawag sa lutuing ito. Kaya, ano ang gusto nyo sa butsi? SYEMPRE YUNG LIBRE...

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
BUTSI





Nilimbag Ng pinoy hapagkainan22:49

Saturday, 2 November 2013

NILUPAK

Nilupak (nilupàk) Pangalan Isang pamamaraan ng pag-gawa ng kakanin sa pagmamasang paraan gamit ang lusong.
Nilupak na Saging o kamoteng kahoy mga uri ng pag-gawa nang nilupak.


Iilan lamang siguro sa mga Pinoy ang hindi nakaka-alam sa meryendang ito, isa na siguro yung mga namulat sa banyagang kakanin. Kung saan ginagamit ay patatas at inihahandog kasama ay karne. Alam na ninyo siguro ang ibig kong sabihin. Kung ako ang tatanungin at kaidad lamang kita, lumaki sa bukid, parehas lamang siguro ang ating naging gawi. Hinihintay lumaki laki ang bungang saba sa puno ni mang bestre, sa paglubog ng buwan sabay na mawawala ang saging. Kasama ang mga tropa, may kanya kanyang dala na gatas, star margarina at kaldero kung saan ito babayuhin. Kung tag-panahon ng kamoteng kahoy, nanatiling nakatayo ang mga puno ngunit limas na ang mga bunga. Yan ang kasaysayan ng nilupak sa aming bario, sa inyo....ganoon ba rin ?

Ang aking kinagisnan sa pag-gawa ng kakaning ito ay ang pag-gamit ng pambayo at lusong, ito ay isang uri ng almires na gawa sa malaking puno ng kahoy. Ito rin ang ginagamit sa pagpi-pipig o pag-gawa ng pinipig. Habang binabayo, sabay ding tumatagaktak at tumutulo ang pawis ng tagabayo. dahil habang kumukunat, lalo itong humihirap na bayuhin. Tanging gatas at margarina lamang ang isina-sangkap, ang pagdaragdag ng niyog ay nagaya lamang sa mga bayang sagana ang niyog at wala ng pagdalhan, kung kaya't pati dinuguan ay ginagataan. Huwag kayong tumawa, masarap yon. 

Isang napakamahal na kakanin ang nilupak, nabibili ito sa harap ng paaralan o tuwing linggo sa simbahan. Nakabundok sa isang bilao na may dalawang kulay, ang ube at kulay gatas. Ginagayat ng ubod ng nipis, pinapahiran ng margarina at inilalagay sa dahon ng saging. " Ti Goyeng pakidagdagan naman" sabi ko, " alam mo ba ? Mataas na ang mga bilihin ngayon, ang kamote , saging at maging ang gatas. Si Kosmeng pandak na lamang ang hindi tumataas, kung gusto mo? dagdagan kita ng isang hiwa, ngunit walang margarina". Ang lupet, sa isang sinabi ko, sampu na ang naging sagot, punong puno na tuloy ng laway yung nilupak ko.

Umalis ako bitbit ang nilupak na walang margarina, halos lahat ng kakilalang makasalubong ay nagtatanong kung ano ang aking bitbit. Iisa lang ang aking sagot, ano pa kundi nilupak. Pagsapit sa bahay, agad-agad kung pinahiran ng Star margarin at unti-unti kong ninamnam ang lasa ng aking nilupak. Ngunit paglipas ng panahon, pinadali na ang pag-gawa ng nilupak. Iba-ibang pamamaraan at sangkap. May gumagamit ng puwit ng tasa, tinidor, pangmasa ng patatas at blender. Parehas rin lamang ang lasa, hindi ka pa naghirap, itsura lamang ang naiba. Sa mga kababayan nating nasa ibang bansa, kung saan limitado ang mga kinakailangang sangkap sa pag-gawa ng mga kakaning Pinoy, sila ang mga patuloy na umi-isip ng mga pamamaraan sa makabagong panahon kung kaya't utang natin sa kanila ang bagay na ito. 

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
NILUPAK






Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:35