Tuesday, 28 May 2013

SPICY SWEET DILIS

Simulan natin sa " noong bata pa si Sabel ". Ito ay mabibili sa mga tindahan sa looban, labasan, tabing kalsada, kanto o sa tabing poso, mga katagang tawag sa mga kinalakihang lugar. May mga bata na naglalaro ng holen, tantsing, kara krus at sa gilid ng pondahan ay may pandalawahang upuan na magkaharap sa isang maliit na mesa. Kung saan may isang lalaki na patuloy na nagkukuwento ng mga walang kwentang paulit ulit na kasaysayan, habang ang mga kaharap ay patuloy ng tango na akala mo naiintindahan ang lahat. Ang kaharap sa mesa ay ginebra, isang platitong mani at repak na dilis, isang pangaraw- araw na eksena sa tindahan ni Sabel.

Ang dilis, ito ang tawag sa malilit na isda. Ito ay nahuhuli sa manila bay gamit ang sapra. Isang bitag sa gitna ng dagat, kung saan ginagamitan ito ng hasag ( Gaserang Coleman)  upang akitin ang mga isda na pumasok sa bitag. Maraming resipe ang maaring pag-gamitan ng dilis, maa-aring isahog sa mga lutong gata, ginisang gulay o ihandog bilang isang pulutan tulad ng piniritong tiyong dilis, kilawin o ang tamis anghang na dilis. Noon ito ay mabibili na nakasilid sa plastik ng ice kendi sa halagang singko, ito ay may lima o anim na piraso. Ngayon, ito ay mabibili na sa garapon.


Ano kaya kung purong labuyo ang gawing pulbos na sili, kahit siguro Bikolano uurong kung dalawang kuntsara ang iyong ilahok. Pag hindi namaga ang iyong almuranas, ewan ko lang. May mga pulbos na sili tulad ng paprika at paminton na maari nating ilahok sa pag-gawa ng resipeng ito, huwag lang karamihan, at baka umusok ang ang bibig o di kaya mabusog sa tubig.


Ito ay simpleng paliwanag sa salitre, sa mga di nakaka-alam kung ano itong makulay na sangkap. Ito ay isang preserbatibo na ginagamit sa pag-gawa ng tosino, bekon o mga lutuin na nais na patagalin ang pagpapanatili. Kung isang platito o sapat lamang sa isang boteng serbesa ang gagawin, maa-ari ng di gamitan ng salitre. Ngayong alam mo na ang ibig sabihin ng salitre, maari ka ng gumawa ng tusino. Simpleng asin, asukal, salitre, paminton at baboy na hiniwang manipis, may instant tusino ka na. Ano ang paminton ? Cayenne, konti lamang ang ilagay, pampagana.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

SWEET AND SPICY DILIS




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:29

Sunday, 19 May 2013

GINISANG HIPON SA BURONG MUSTASA


Kasalukuyang tag nieve at malakas ang patak ng yelo, ng sumulat sa atin si Ginang Lizette Batongbacal, humihiling siya na ating ipakita ang pamamaraan sa pag-gawa ng Burong Mustasa. Nais nating gawin ito sa tradisyunal na pamamaraan, kung kayat naghintay pa tayo ng tamang init. Umaabot na sa labing walong antas sentigrado ang temperatura, kahit medyo may kalamigan pa ang simoy ng tagsibol. May kainitan na rin naman, at maa-ari ng makatiyo ng mga dahon na ating gagawing buro. Hindi naman mahirap humanap ng mustasa dito sa ating kinalalagyan,  dahiisa na itong pangkaraniwang halamang pinararami at inaalagaan sa lahat ng bahagi ng mundo

Maganda ang init ng araw, aking inihilera sa sampayan ang mga dahon. Dalawang oras o higit pa ang tagal sa pagbibilad, kailangan lamang na malanta at hindi manilaw ang mga dahon. Ano kaya ang iisipin ng aking mga kapitbahay, kung makikita nilang may nakasampay na gulay sa aking bakuran. Lam nyo namang may pagka-ignorante ang mga tao dito, kung gusto mong pumasok o manatili sila sa loob ng bahay, mag-ihaw ka ng tuyo sa iyong bakuran. Minsan maririnig mong ( Wat da hel, asyan kuking raten fish agen).


Sa pagbuburo, maa-ari nating lamasin sa asin ang dahon o kaya'y ilahok na lamang sa sabaw.  Ang sabaw na pinaghugasan ng bigas ay maa-aring pakuluan o ilagay ng hilaw, ngunit kinakailangang lubog ang mga dahon sa tubig. takpang maigi, upang hindi makapasok sa loob ang ano mang insekto. May mga probinsya ang uma-angkin na sila ang magaling at may pinaka-malinamnam na burong mustasa. Bakit ? nilalagyan ba nila ito ng betsin o madyik sarap, gayong asin at sabaw ng sinaing lamang ang sangkap nito.

Ang hipon, ito ang ating inilahok sa ginisang burong mustasa. kung may alergy sa balat o bulsa, dahil sa may kamahalan ang hipon, maa-aring gumamit ng baboy o karne. Magkahalintulad ang ibang sangkap at pamamaraan, ang dami ng karne ay ating babawasan na ayon sa ating nais. Maraming hipon dito sa amin, malalaki ang ulo at ang tawag nila ay prawn (ulang). Nahuhuli ito sa karagatan gamit ang bitag, ito ay pinapainan ng sardinas. Bigtime talaga dito sa bansang ito, maging ang alimango ay mahuhuli na ang pain ay manok o karne ng baboy. Sa atin pag karne ang ulam mo, siguradong bigtimer ka.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

GINISANG HIPON SA BURONG MUSTASA














Nilimbag Ng pinoy hapagkainan19:31

Tuesday, 14 May 2013

BINAGOL

Isang kaibigan ang lumapit sa atin, at humihiling na gumawa tayo ng isang kakanin. Isang minindal na kilala sa kanilang bayan , sa paliwanag pa lamang ay para ng napakasarap nito. Nagsaliksik tayo ng karagdagang kaalaman , nariyan na ang alamin muna ang kahulugan at kung saan ito nagmula, ang mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto. Sa pagsasaliksik, nalaman namin na ito ay kahalintulad ng isang kalamay na pinasingawan sa bao ng niyog. Ito ay kilala sa tawag na,,,pakibasa na lang yung nasa itaas ng larawan, salamat ho.. Ito ay mula sa bayan ng Dagami Leyte at inilalako sa kahabaan ng bangketa sa Tacloban city.

Dito sa aming kinalalagyan ay mahirap humanap ng pangunahing sangkap, ang Talyan. Maaring mayroon sa pamalengkehan ng Vietnamese, pero saan yon. Nagsubok pa rin kaming maghanap, hanggang  makatawid kami ng dalawang tulay at marating namin ang pangatlung siyudad, wala pa rin kaming makita. Sa pagtatanong tanong, may lumapit sa amin at nagtanong kung gagawa kami ng Binagol. Ano pa nga ba ? ang sagot ko ay oho. May kaidadan na si lola, taga Leyte siya. Umupo kami sa isang kapehan na malapit sa kanyang pinamimilhan, sa Tim Horton. Maa-aring hindi nyo kilala ang kapehang ito, pero sikat dito yan sa lugar namin. Humihigop ng kape, habang may pagmamalaking nagkukuwento, kinalakihan na raw niya ang pag-gawa ng binagol. 

   
Maa-ari daw gumamit ng pangkaraniwang gabi at dahil sa kompetisyon, marami na nga raw ang pamamaraan ang ginagamit sa pag-gawa. Nariyan na ang pag-gamit ng Ube at Kamoteng kahoy. May primera klase at tradisyunal, kung saan simpleng sangkap at pamamaraan ang kinakailangan. Isinulat nya sa tisyu ang mga kaalaman na kinakailangan namin sa pag-gawa ng tradisyunal na binagol. 

Bago Umuwi, bumili na rin kami ng mga sangkap. Ang una kong hinanap ay ang niyog, dahil nais kong gawin ito sa pamamaraan na ibinigay ni manang sa amin. Gumuhit ang ating kasama ng linya sa paligid ng bao, nilagare niya  ito gamit ang lagaring bakal, upang maging pantay ang paligid. Isinalab ko na rin ang dahon ng saging, dahil alam kong mapapalaban na naman ako sa pagha-halo. Hindi naman kahirapan ang paghahalo, kung ikukumpara sa pagluluto ng kalamay o halayang ube. Naging mapalad ang pagluluto, kaya napagkasunduan na isa-pelikula na namin kinabukasan ang binagol.

Ito ang wala sa isinulat ni manang, ang paggamit ng mangko. Isang pamamaraan na aming pinag-isipan at sinubok, para sa pangmadaliang pamamaraan. Ang aking masasabi ay, subukan ninyong gumawa ng kakaning ito. Mayroon itong linamnam at tamis na talagang kay sarap balik-balikan. 


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
BINAGOL






Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:12

Thursday, 9 May 2013

CASSAVA CAKE

Kung minsan, parang nasasabik masayaran ng matamis na kakanin ang ating bibig. Kahit abot langit na ang taas ng antas ng ating kolesterol, may pansarili pa ring katwiran na umiiral sa atin. Okey lang yan, paminsan-minsan lang naman. Kapirasong hiwa lang ang aking kakainin at sasabayan na lang ng ehersisyo. Alin ba ang nasunod? wala, dahil sa sarap, hindi na nakontrol ang sarili at sinabayan pa ng upo sa kompyuter habang hinihimas ang tiyan.

Ang nasasaad sa mga aklat kaalaman, ang kamoteng kahoy ay ikatlo sa buong mundo na napagkukunan ng karbohaydreyt. Parang hindi katanggap-tangap na maging ikatlo lamang, dahil ba hindi sosyal kung isasabay ang kamoteng kahoy sa steak o ano mang pangunahing pagkain. Hindi ba kayang pantayan nito ang kalidad ng masang patatas, kanin o mais. Para sa akin,  mas mainam ang kamoteng kahoy sa kamote. Asin o asukal lang ang katapat kung ito ay ilalaga, hindi ka pa kakabagan.

Ito ang napakasarap, makapuno.
Bago namin sinimulan ang pag-gawa ng keyk, marami ang pumapasok sa aming isipan. alin ba ang masarap na ilahok ? Keso, nata de coco, kinayod na buko o isang simpleng tradisyunal na pamamaraan na lamang. Hanggang sa napagkasunduan ng lahat ang makapuno. Ano nga ba ang lasa ng makapuno? Ito ay matabang kung kakainin ng hindi mamatamisan, mas masarap pa nga ang buko kahit paano may sabaw kang mahihigop.

Madali lamang ang proseso sa pag-gawa ng Keyk na kamoteng kahoy, mapapabilib mo pa ang sino mang makakatikim ng iyong luto. Para sa akin, kahit hindi ka marunong magluto ay kaya mo itong gawin. Apat na pamamaraan lamang ang kailangang sundin ; 
* Pagsama-samahin ang mga sangkap.
* Ilagay sa hurno at lutuin.
* Ilagay ang pang-ibabaw, at lutuing muli.
* Hiwain at kainin.
Alin ba ang mahirap diyan? Yung tatlong nauuna? Syempre yung huli ang pinakamadali. May sariling kadahilanan, kung kaya't pinagpipilitan nating hindi tayo marunong magluto. Tulad ba ng masunog o mahilaw , mapintasan ng ibang tao ang ating pagluluto. Sa kapipintas naubos naman yung ating niluto, humingi pa ng Coke. Ang pagluluto ay isang uri ng art (Culinary art baga) kailangang may dedikasyon. hindi dahil nagkamali ka ay susuko ka na, ang pagkakamaling iyon ang magtuturo sa iyo upang maging isang magaling na kusinera.
Kung may mamimintas sa iyo, ang dapat mong isagot ay ;
"Hindi ko niluto yan para sa iyo, pinatitikim lang kita."
Maniwala ka, ang isasagot niya sa yo ay :
"Ikaw naman, parang hindi ka na mabiro." 



Sa pang-ibabaw ng keyk, maaring simpleng gata, itlog at gatas lamang ang gamitin. Maa-aring magdag-dag ng keso o makapuno at huwag kalimutang bisitahin paminsan-minsan upang hindi masunugan. Kung nais mong mapuri ng biyenan mo, Cassava Cake ang lutuin mo.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .
CASSAVA CAKE




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan07:25

Sunday, 5 May 2013

ASADONG BANGOS


Bangos ang pinaka-kilalang isda , kung kaya't ito ang pambansang isda ng Pilipinas. Bago pa sumikat ang bayan ni Paquiao sa bangos, nakilala na ang mga bangos Kabite, bangos Bulakan at bangos Pangasinan. Maraming uri ng pakain ang ginagamit sa pagpapalaki ng bangos, nariyan ang process feed at ang organic kung saan lumot at lumang tinapay lamang ang gamit. Sabalo, ay isang uri ng bangos na nahuhuli sa dagat ito ang tinatawag na wild milkfish. Makakabili ka minsan ng may lasang gilek na bangos, ito ay sa pakaing ginagamit. Pag inihain ang bangos, mauna kana dahil baka buntot ang matira. Okey lang kung may alaga kang pusa o may kaibigang suwi, dahil pag ikaw ay matinik, pakamot mo na lamang.

Ang isang pangkaraniwang laki ng bangos, ay mapu-pusta natin sa lima. Ngunit kung dalawa lamang kayo sa bahay, maa-ari na ang dalawa. Kawawa lamang kung kanino mapupunta ang buntot, dahil nagpapanghimagas kana, hindi pa siya natatapos. 

Ang Asado ay lutong Pilipino na ang sabi ay minana natin sa mga Espanyol, at ang ibig sabihin o kahulugan nito ay steak. Masuwerte pa rin tayo at sa mga Spanish natin ito minana, kahit toyo may sabaw pa rin tayo. Kung sa Amerikano, siguradong asin at paminta lamang ang sahog ng steak . Madali lamang ang proseso sa pag-gawa ng putahing ito, halos magkahalintulad ng bistek tagalog. Ang nakapagtataka ay kung bakit tinawag itong asado, gayong matamis ang lasa ng asado. Dapat ang itawag dito ay bistek bangos at kung hindi babaguhin ang pangalan lagyan na lamang ng asukal na pula, ano kaya ang lasa nito ? Minatamisang bangos?

Ito ang pinakamahirap sa pagluluto ng asadong bangos, ay ang pagpi-prito. Pag hindi ka natilamsikan ng mantika masuwerte ka. Tulad ng kasabihan na, kapag mainit ang iyong mata magtitilamsik ang mantika. huwag kang lalapit sa mga taong alam ang pamanhiing ito, dahil pag nagtilamsik, siguradong mahahataw ka ng sandok. May mga paraan para hindi ka matilamsikan ; Pakuluin muna ang mantika at hinaan ang apoy bago ihulog ang bangos, at para maiwasan din ang paninikit sa kawali. Pagulungin sa arina at kung ayaw ng may bilot na arina, lagyan ng asin ang mantika bago ihulog ang bangos. Takpan, at kung mahina na ang sagitsit saka baligtarin.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan .

ASADONG BANGOS







Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:14

Wednesday, 1 May 2013

GINATAANG MAIS

Hindi pa panahon ng mais, ngunit may namataan kaming mais sa walmart. maa-aring imported ito o itinanim sa bukid na binubungan, dahil katatapos lamang ng taglamig. Bumili kami ng isang plastik na may tatlong piraso, kumuha na rin kami ng gata, dahil naisipan naming gumawa ng ginataang mais. Ang pagluluto ng ginataang mais ay kahalintulad din ng pag-gawa ng ginataang totong o munggo. Isang simple at masarap na meryenda at kung kakayanin ng tiyan ay maa-ari ding almusal. marami ang pamamaraan ng pagluluto ng ginataang mais, nariyan na ang pagda-dagdag ng langka, makapuno at pirurutong. Sa mga lugar na mahirap makakita ng sariwang mais, maa-aring gumagamit ng mais sa lata. 


Mais ay isa sa mga paboritong sangkap sa mga kakanin o panghimagas na ating kinawilihan. Katulad ng maja con mais, ukoy na mais, binaki, binatog, sopas na mais at ang paboritong pampalipas ng init, ang mais con yelo. Maa-ari at masarap na ilaga lamang at lagyan ng mantikilya at kaunting asin. Alisin sa busal at isilbi kasama ang minasang patatas sa inihaw na baka. Maa-ari ding ihalo ang talbos na gulay at inihaw na bangos. Sa pagsapit ng hapon, ito mabibiling inihaw sa kanto, tanungin lamang ang tindera kung may libreng tutpik.

Bukod sa malagkit na bigas, naglagay tayo ng pirurutong (itim na malagkit na bigas). mas malinamnam at may kaunting kaganitan ang uri ng bigas na ito. Ito ay maraming kagamitan, tulad ng pulbos para sa pag-gawa ng keyk at puto. Ito rin ang ginagamit sa pag-gawa ng puto bumbong at biko. Kinakailangang ibabad lamang ito ng matagal, upang lumambot bago lutuin. sa mga kababayan natin na nasa ibang bayan, mabibili ito sa mga tindahang Asyano. Itim na bigas ng Thai ang tawag dito (Thai Black Rice).


IIlan na lamang siguro sa panahong ito ang marunong sumakay sa kudkuran, kung ikukumpara mo sa panahong hindi pa nauuso ang gata sa lata. Sa ano mang okasyon na darating tulad ng piyesta, noche buena at todos los santos, kung saan nakagawian ng gumawa ng ginataang ube, o ano mang kakaning may gata. Maging ordinaryong araw, na naisipang magluto ng laing. Siguradong tulo ang pawis sa pagkayod ng niyog sa katanghaliang tapat. Maa-ari rin namang  makabili ng kinayod ng sariwang niyog sa palengke. 



At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

GINATAANG MAIS





Nilimbag Ng pinoy hapagkainan09:51