Tuesday, 13 August 2013

SUMAN SA GATA

Inihanay sa:

Suman pangalan : Isang kakanin na gawa sa bigas o bungang ugat na binilot sa dahong saging.
Gata pangalan : Katas mula sa kinayod na niyog.

Ang Suman na yata ang pinakamasarap at pinakamatandang kakanin sa ating bansa, ang mga sangkap ay madaling hanapin kahit saan mang parte ng Pilipinas. Ito na rin ang kinasanayang almusal o meryenda, sa dahilang marami ang naglalako sa bilao man o sa bisekleta. Maging sa araw ng Pasko , Ito pa rin ang nangunguna sa hapag. Mula sa simpleng sumang malagkit na hinaluan lamang ng asim, marami na ang lasa o klase ang matitikman. Nariyan na ang sumang may tsokolate, may kung ano anong prutas na sangkap, iba't ibang lamang ugat na ginagawang suman. Maging ang dalagang pitis na pitis ang suot, Suman na rin kung tawagin.

Pangkaraniwan ng tanawin sa mga simbahan, lalo na kung araw ng piyesta ang suman, nangunguna na ang ibos. Sa mga terminal ng bus sa hilaga, inihaw na suman o tupig naman. Bakit nga ba binabalot pa ito sa dahon ng saging, kahit sa pambahay na pagkain lamang, pagkatapos isaing ay maa-aring bilugin na lamang sa mga palad at kainin. Sabagay mas may sarap kung dahan-dahan mong bubulatlatin ang bilot na dahon, at bubulaga sa yo ang napakasarap, napakalinamnam na suman. Mangga raw ang syang katambal ng suman, paano kung hindi panahon ng mangga, hindi ka na kakain ng suman. At kung wala namang suman, hindi ka na kakain ng mangga. Kahit naman siguro tuyo, ay maa-aring itambal sa suman.

ETO ANG MASARAP, bukayo. Kahit na siguro walang suman masarap kainin ang bukayo. Ito ang pinakamasarap na pang-ibabaw sa suman, kahit sa suman sa lihiya, masarap itong pampatamis. Natatandaan pa ba ninyo ang mga minatamis tulad ng bukayo, panutsa, balikutsa at kepeng, mga sinaunang kendi na kinagisnan natin o ng ating mga magulang. Kung sobrang asukal ang dahilan ng dyabetis, bakit ang mga ninuno na mahilig kumain ng mga matamis na ito ay buhay pa. Pangkaraniwang inuulam nila ang balikutsa sa kanin at panutsa ang panghimagas. Kung susukatin ang kalorohiya nito, mas mataas pa siguro ang antas nito sa coca cola. Mayroon akong kilala, talagang pinagyayabang na magaling syang gumawa ng bukayo . Kung tawagin sya ngayon ay " bouquet yoh, you are so sweet"

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

SUMAN SA GATA


Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:28

Wednesday, 7 August 2013

UBE MACAPUNO PANNA COTTA

Halos tatlong linggo rin tayong nawala, isang biglaan at hindi inaasahang pagbabakasyon sa pilipinas. Labing anim na taon na rin naman nating hindi nasisilip ang bansang sinilangan, malaki na ang ipinagbago nito. Kung sa rangya ng buhay ang pag-uusapan, maging moda o pagkain, hindi pahuhuli ang ating bansa. Sa loob ng mga nagdaang araw na ating itinigil, wala tayong ginawa kundi gumala at kumain sa mga paborito at bagong restoran. Nariyan na ang Mushroom burger sa Tagaytay, ang sikat na Digman halo halo, ibat ibang buko pie, ang makabagong malunggay pandesal, jollibee, Gerry's grill, Seafood island at marami pang iba. Sa ating pagbabalik, laging may isang bagay tayong hindi malilimutan. Ito ang mga ala-ala sa biyaheng pabalik lulan ng pandaigdigang panghimpapawid ng Pilipinas. 

Di ba pinamimili muna tayo kung ano ang nais nating kainin? Pangkaraniwan ng dalawa ang pagpipilian, baka ba o isda at manok ba o baboy. Inilatag sa atin ang isda at sabay sabing, "ito na lang ho ang mayroon tayo". Tinanggap pa rin natin ng may ngiti, ngunit may hinanakit sa loob habang pinanonood ang katabi sa pagkain ng karne. Panay pa ang pasaring ng matandang lalaki na aking katabi, ang sarap ng pagkakaluto ng karne. Lalo yatang lumansa ang pagkakalasa ko sa isda, nawalan na ako ng gana. Hindi naman ako puwedeng magreklamo, dahil baka lalong kawalan ang mangyari, at isang basong malamig na tubig na lamang ang aking hapunan.

Tumambad sa aking pansin ang isang kakanin, ube makapuno panna cotta. Gumagawa ako ng mangga panna cotta, ngunit bago sa akin ang ganitong uri ng panna cotta. Kumutsara ako at ninamnam ko ang lasa, upang malaman ko kung ano ang mga sangkap na ginamit. Masarap at hindi masyadong matamis ang pagkakatimpla, lumulutang ang linamnam ng panlasang ube. Mga ilang minuto, maririnig mo sa mga pasahero at maging sa matandang lalaki na aking katabi  ang mga katagang "Napakasarap ng kakaning ito". Humarap at inagaw pa ang pansin ko ng matanda, na parang pinipilit akong sang-ayunan sya. Nang dahil sa malansang isda, muntik ko na syang tanungin ng "Bakit ba pinipilit mo akong sumang-ayon, ikaw ba ang may luto nyan?" 



Mabait si tatang, kinuha raw sya ng kanyang manugang sa calgary. Maporma sya, tulis na balat na sapatos ang suot nya at may sumbrero, parang sasakay sya ng kabayo. Ilang oras din naman kaming nagkukuwentuhan at nagbibiruan kasama ang may edad na babae. Tinanong ko pa si tatang kung sasali sya sa stampede, Sabi ko " Hindi matutuloy dahil lumubog ang calgary".Kahit sa pagpunta sa kubeta, suot ni tatang ang kanyang sumbalilo. Kaya naman pala hindi ma-alis sa ulo, panot na si tatang. Isang masayang paglalakbay ang aking naranasan, maigsi ngunit sulit at sa pagdating na pagdating ko sa bahay, ang aking unang ginawa ay ang Ube Macapuno Panna Cotta.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

UBE MACAPUNO PANNA COTTA

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:55

Friday, 2 August 2013

KARIOKA

Karioka, Carioca o Cascaron- Pangalan; Mga pangkaraniwang tawag sa kakaning makunat na bilog na mabibili  na nakatuhog, ito ay gawa sa malagkit na bigas, niluto sa mantika at inilubog sa karamel.

Saan at paano nga ba tinawag ito sa mga pangalang malayo sa tunay na anyo at kahulugan ang kakaning ito. Kung madadako ka sa Brasil, huwag na huwag kang magsasabing kumamakain ka nito, Baka katakutan ka at sabihing ikaw ay nababaliw. Ang kahulugan ng Carioca (Kara'ioka) sa Brasil ay "bahay na puti ng lalaki", ito na rin ang itinawag sa mga unang Portuguese sa Rio de Janeiro. Ang Cascaron naman ay isang bagay na gawa sa balat ng itlog na pinalamanan ng mga palamuti o pabango na ginagamit ng mga kastila sa mga okasyon tulad ng sinko de mayo, araw ng mga patay at kasalan. Siguro mas mainam na tawagin na lamang natin itong bitso bitso o pinoy donut, kahit parihabang bilog ang hugis ng ating kinagisnang bitso bitso.

Ito ay pangkaraniwang nabibili sa mga tindahan o lako sa bilao. Bakit kaya walang maglakas loob na gawin itong isang kakanin na ka-antas ang mga sikat na Mister donut, Dunkin donut, Krispy Kreme o J co donuts. Ang hugis bilog nito ay kahalintulad Munchkin ng Dunkin at Timbits ng Tim Horton, Maa-ari din namang sangkapan ng ibat ibang panlasa at pahiran ng tsokolate at kanela. Upang sumikat, bumili na rin ng prankisa sa baskeball at pangalanang karyoka. Pag may laro ang team tawagin lahat ang tindero ng karioka at gawing cheering squad, sabay-sabay sisigaw ng karyoka.....

Tulad ng ibang kakanin ang pag-gawa ng karioka ay kahalintulad ng mga gawa sa malagkit na bigas. Kung ang palitaw ay bibilugin, palalaparin at palulutangin sa kumukulong tubig, ang karioka ay bibilugin at palulutangin naman sa kumukulong mantika. Isa ito sa paboritong kakaning inilalako at kung tatlo ang laman ng isang tuhog, kulang ang tatlong tuhog upang masusustentuhan ang Kasiyahan. Ang problema lamang ay kung dyabetik ka, siguradong hanggang tingin na lamang, at para maibsan ang hanap ng panlasa, fishball na lamang ang bilhin. Nakatuhog din naman at parehong bilog.

Nabibili na rin naman ito sa North America, naghilera ito sa mga foodcourt. Makikita  na rin ito sa mga pamalengkehang Vietnamese, kung saan gumagawa na rin sila ng sapin sapin at puto na puro pandan ang panlasa. Maging ang mga batang puti o itim ay makikitang bumibili na rin ng karioka o bitso bitso, dahil siguro naimpluwensiyahan na ng mga batang pinoy. Matagal din naman sa gutom, kung ito ang kakaining meryenda. Pag may nagtanong ng tawag sa kakaning ito, mag-ingat lamang sa pag-bigkas, dahil baka mapa-away ka. Baka masabi mong bitch you, Tapos uulitin mo pa,,, bitch you bitch you, siguradong masasapak ka.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
KARIOKA




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan22:11

Saturday, 6 July 2013

BINAGOONGANG KANGKONG

Binagoongan : Pangalan - Isang lutuing pilipino na sinangkapan o tinimplahan ng bagoong na alamang.

Kangkong - Kilala bilang isang pananim na gulay kung saan pangkaraniwang makikita at nabubuhay lamang sa tubigan o sapa. Maari din namang maitanim sa lupa tulad ng mga pangkaraniwang halaman, at ito ang tinatawag na kangkong intsik. Una kong nakita ang ganitong pamamaraan sa Marikina, kahilera ang mga halamang unsoy at kintsay. Nung hindi pa uso ang kompyuter, kilala ang kangkong bilang pangmahirap na ulam at pagkain ng mga bilanggo. Naala-ala ko tuloy ang pinagmulan ng pizza, may kahalintulad ang kanilang ugat. pagkain ng mahirap, ngunit ng matikman ng hari, ito ay ginawang pagkaing national. Balik uli tayo sa kangkong ; Noong unang panahon, ito ay makukuha ng libre sa mga sapa, ang kinakailangan lamang ay sibuyas, kamatis, bawang, suka at toyo mayroon ka ng adobong kangkong. Inihaw na hito at adobong kangkong ay mara-rausan na tanghalian o hapunan. Ngunit may mga kilala o prominenteng tao sa lipunan na nagpatotoo sa  buhay nila, na sila ay nabuhay sa pagkaka-kangkong. Sa katunayan may isang mall na makikita ang rebulto ng may-ari na sukbong sa ulo ng bungkos na kangkong. Tulad ng pizza, sino kaya ang nagpasikat ng kangkong? Iyon bang nang-galing sa Munti, o yung mga konyo na malimit makita sa Kape Adriatiko gamit ang tinidor sa pagtusok ng kangkong con bagoong.  


Ang bagoong ay nabililang sa katergorya ng panimpla sa pagkain. Karne, gulay o maging isda ay masarap na sangkap sa binagoongan. o pag walang- wala na, bagoong at pinasingawang talong o ampalaya ay katalo na. Masarap din ito sa manibalang na mangga o singkamas. May puno kami ng mansanas sa likod bakuran, kada Septyembre ay hitik ito sa bunga, halos yumuko na ang puno sa dami ng ibinubunga. Wala namang magkaintres dahil may kaasiman. ang bunga, mainam lamang ito sa paggawa ng suka o apple pie. Minsan nagdala ako sa trabaho at nilagyan ko ng bagoong ang hiniwang mansanas, pinanonood ako ng mga puti kong katrabaho sa pagkain. Nag-alok ako, kumuha ng isang hiwa na may bagoong ang puti kong kaibigan. Kung anong bilis ang pagkuha mas mabilis ang pagbabalik, "wat da pak" so istink ! 


Mas malinamnam ang lutuing may sangkap na baboy sa pag-gigisa, kung ito ay pagmamantikain muna sa kaunting tubig at sa mantikang ito igigisa ang bawang, sibuyas at kamatis. Sa mga alergy sa baboy, maa-ari tayong gumamit ng isda o tokwa sa lutuing ito. Ang piniritong adobong tulingan ay isa sa pinakamasarap na sangkap bukod sa baboy, o maaring bagoongan lamang ang kangkong at isilbi na may kasamang piniritung isda. Kung alergy pa rin sa piniritung isda, binagoongang kangkong na lamang. Kung alergy pa rin sa bagoong, adobohin na lamang ito, at kung alergy pa rin sa adobo, huwag kana kayang kumain.


Tulad ng aking nabanggit, ang putahing ito ay nabibilang sa pangunahing ulam sa mga kilalang restaurant. Mas sosyal kse pag kumakain sa sikat restorant o hotel, at may kausap ka sa kabilang linya sa oras ng tanghalian. tinanong ka ng kausap mo, mare,,,, anong lunch mo ? proud na proud na sasabihin mong binagoongan kon karne. Subukan naman natin sa bahay sa oras ng tanghalian, tinanong ka ng amiga mo sa kabilang linya. Mare,,, anong lunch mo ? siguradong matitigilan ka, mag-iisip ka , ayaw mong mapahiya dahil ang ulam niya ay murkon. Buntonghininga sabay sigaw  sa proud na proud na sagot, stewed prawn in water spinach. sa tingin nyo ano ang isasagot sa kabilang linya ? wow, wat a wanderpul meal, sa tingin ninyo alam nya kaya yung pinagsasabi niya sa kabilang linya.

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

BINAGOONGANG KANGKONG




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:08

Tuesday, 18 June 2013

SINAKLOB

Sinaklob : Pangalan - Sinaklaw o pinatungan upang itago o matakpan ang isang bagay.

Nagbalak ang grupo na mangawil o mamingwit sa darating na linggo, nagkasundo naman at napagusapan na kung saang lugar mangangawil. Sa paglalakwatsa kailangan ding planuhin ang mga dadalhin tulad ng pagkain, pero sa mga taong makakati ang paa at sanay sa galaan, hindi ito balakid, ang katwiran ay may Mc Donald sa dadaanan. Dito sa aming lugar, hindi kadalian ang mangawil, may mga alintutunin na sinusunod. May limitasyon ang dami at dapat nasa tamang sukat. Kinakailangang may kasamang pagmamahal ang paghuli ng isda, hindi pinupuwersa. Pag may kumagat sa pamingwit, kailangang itabi mo ito sa pampang ng walang puwersa, hindi puwedeng paluin ng matigas na bagay upang makasiguro.Kaya ang ibig sabihin, maghapon na sa ilog para makapag-uwi ng kahit isang isda. Siguro si-reyna ang may-akda ng batas na ito.

Hindi na siguro dapat itanong, kung ano ang nataan sa akin, obyus diba ? Kaya, kaya, mag-isip kung ano ang magandang baunin. May kalayuan din ang lugar, siguro isa hanggang dalawang oras ang biyahe sa Hope. Mula sa highway, may kalayuan din ang lakarin papuntang pampang. Doon kasi sa ilog Fraser sumusugba ang mga salmon. Para matagal sa gutom, karne, kanin at prutas ang dapat baunin. Maraming bitbitin kung mabubukod pa sa kanin ang ulam, doon pumasok sa isipan ko ang sinaklob. Ano ang masarap na ipalaman, adobo, kaldereta, menudo, o,  mitsado na lang. Mahirap namang ganahan, dahil baka sa kabusugan matulog na lang at hindi na mamingwit. 

Biyernes pa lamang ay binabad ko na ang malagkit, kaya ang palaman na lamang ang aking gagawin. Ano nga ba itong sinaklob? Sa tagalog, ito ay ang pinagpatong na panutsa. nakatikim na rin ako nito sa mga kainang intsik, yung tinatawag nilang dimsum. Ang pagkaka-iba lamang ay uri ng palaman, tunay na pinoy ang dating. Kahit mag-itsurang nilaga ang adobo o kaldereta, ito ay mas mainam, dahil sabaw ang ipanlalasa mo sa malagkit. Maari din ang gulay, tulad ng pinakbet at bulanglang. Ang isda tulad ng adobong galunggong o ginataang tulingan. Huwag lamang isasama ang tinik, alam nyo na kung bakit? Kaya karne ang pinili kong palaman, dahil huhulihin pa yung isda. 

Mga natatanging tanong sa pamingwitan ;

* Hey man wat du yu gat?          Ano ba ang nahuhuli sa bingwit..
* Is dis place taken?                  Nakita mong nariyan pa yan...
* Is der any salmon running?    Ngayon ka lang makaririnig ng isdang tumatakbo...

At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.

SINAKLOB

Nilimbag Ng pinoy hapagkainan12:49

Wednesday, 12 June 2013

SUMAN MORON

Pangalan : 
(moron)  Isang tao na may pagku-kulang sa kaisipan o sa mabuting paghatol.
(Suman)  Isang uri ng kakanin na pangkaraniwang nakabilot sa dahong saging.

Nagsimula ang lahat, sa trabaho. Hawak ko ang dalawang hiwang kasaba keyk, siguro mga dalawang linggo na ito sa pridyider. Mayroon akong kasama at matalik na kaibigan, oras ng meryenda sya ay lumapit sa akin at nag-alok. "Pre, gusto mo ng Moron ?" " ano bang tanong yan? Sa iyo pa lang, hindi ko na alam kung matatagalan pa kita, magdadag ka pa"ang sagot ko. Kung tatanungin nyo ako, kulang din sa pula itong si dodong ngunit mabait sya, hindi nakakalimot mag-alok. Likas siguro talagang  maa-alalahanin ang mga Bisaya. Kahit isusubo na lang, aalukin ka pa. At kung hindi mo kaya ang lasa, pikit mata na lang. Huwag mong sasabihin sa kanya kung nagka- dayariya ka, para hindi mawala ang grasya. "Suman ito, tsokolateng suman at napakasarap " ang sabi niya. " dyus ko po, Tsokolateng suman?". 

Suman Isang uri ng kakanin na pangkaraniwang nakabilot sa dahong saging. Pangkaraniwang arina gata asukal o lamang ugat, tulad ng gabi, ubi at kamoteng kahoy ang  gamit sa pag-gawa nito. Maaring hipon karne o ano mang uri ng ulam ang ipinalalaman sa kaning malagkit, tulad ng tamales at sinaklob. Isang mainam na meryenda o baunin saan mang lakaran, o ipagmalaki sa mga nag-imbita na ayaw maghanda." Punta ka sa amin sa linggo, magkainan tayo, pero pot luck "! Uso dito yan sa amin. Sa isang banda okey yan, Dahil para kang pumunta sa isang food festival o fusion. lahat ng klase ng lutong adobo matitikman mo, adobong tiyo, adobong may gata, adobado, kalderobo, o ano mang lutong nababoy na pinangalanan para hindi mapahiya, dahil sa malayo sa orihinal na lutong adobo. Teka bakit tayo napunta sa adobo, gayong suman ang ating tinatalakay. 


Tsokolateng suman, may pagka- international recipe ang dating. Kawili-wili diba ? Dahil sa keyk at sorbetes pangkaraniwan ang panlasang tsokolate. Pero sa isang banda, maa-aring nagmula itong moron sa isang aksidenteng pagluluto. Nagluluto siguro ng tsampurado at nakatulog, natuyo ang sabaw, kaya binilot na lang ng dahong saging. Di ba sosyal, sumang  tsamporado. Nang hinanap ng naglilihing si kumander, eto ang nakita niya, humiyaw na ng "moron ka talaga, pesteng nyawa." 

Maraming style ang maaring gawin sa pagsasama-sama ng dalawang panlasa. maa-aring pilipitin o pagtabihin na lamang. Ang panlasang gatas ay maa-ari ding haluan ng keso, at ang tsokolate ay lagyan ng pekan o almendras. Mayroong nga akong nakita na prutas ang inilahok sa suman, tulad ng mangga o ube. Maari din siguro ang ube makapuno, langka con keso, tropical fruit delights at rocky road. Ang Pinoy ay kilala sa pag-gawa ng suman, dahil mainam itong pampatawid ng gutom sa malayong biyahe. Tulad ng sa Antipolo, isang kilometro pa ang layo mo sa simbahan, marami na ang naglalako ng suman sa ibos. Sa simbang gabi, ang sumang lihiya ang pangkaraniwang nakikita. Kaya, mabuhay ka suman.

 Bago tayo mapunta sa kung saan, balik tayo sa moron. Isang napakasap na kakanin at napakadaling gawin. Maa-aring maipagmalaki natin sa larangan ng pagluluto, dahil sa kaiba-iba niyang uri. Ang hindi lang natin alam, bukas makalawa ay nasa tindahan na ito ng mga Vietnam at Lao. Sila ang magpapasikat at papangalanan nila nang Bhở Hoàng.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan
SUMAN MORON




Nilimbag Ng pinoy hapagkainan11:26

Wednesday, 5 June 2013

KALANDRAKAS

Pang-uri : Binubuo ng iba't ibang uri na may parehong bagay.
Isang pangunahing lutuing sopas sa timog katagalugang bahagi ng Pilipinas.

Naalala nyo pa ba sa mga nagdaang sulatin, kung saan natin inilathala ang pag-gawa ng Almondigas. Narito na ang naudlot na pagna-nais makatikim ng Kalandrakas. Ano nga ba ang mayroon sa kalandrakas ? Sa paglalayag namin sa web, upang mahalungkat ang mga bagay na may kaalaman sa kalandrakas ; Ito ay mayroong banyagang pangalan na Calandracas, na nagmula sa Europa, isang uri ng sopas na kung saan karne ang ginagamit. Sa bayan kung saan ako lumaki at kilala ito sa Chabakanong tawag na kalandrakas, Manok ang pangkaraniwang sangkap at espageti pasta na pinagputol-putol ng isang pulgada and haba.

Bakit ba kalandrakas ang itinawag sa lutuing ito, na kahit sa ang ibig sabihin nito sa librong kahulugan ay ; Binubuo ng iba't ibang uri na may parehong bagay. Malimit ko lang itong marinig sa mga matatanda , tuwing daraan sa harap ng pondahan si peles na karpintero. Peles, saan ba ang lakad at bitbit mo na naman ang mga kalandrakas mo, gayong wala namang dalang sopas si ka peles. Ito ay sinasabing pang-linguhang ulam ng mga Pilipino, isang panghapunang ulam na pinagsasaluhan ng isang pamilya. Maa-aring tama sa isang banda, dahil ang aming kapitbahay ay laging sopas ang ulam sa hapon ng linggo, lalo na kung laging talo sa sabong o tupada. Talo sa bulsa, panalo sa bituka.


Dahil sa medyo kahirapan ng buhay ngayon, maa-aring bumili na lamang tayo ng tandang o paitlugang manok. May katandaan, ngunit mura lamang ang halaga. Pakukuluan lamang ito na may tinimplahang asin, pamintang buo, sibuyas at kintsay. Kung nais ng mas malinamnam na lasa ng sabaw, maglagay ng bulyon. Kung ikukumpara ito sa talunang manok; Parehas na matigas ang laman, mas mahal lamang ang pang-sabong. Dahil sa laki ng pusta, lalo na kung lyamado pa.

Masarap mag-sopas lalo na kung malamig ang panahon, maging sa tag-init masarap ding humigop ng mainit na sopas. tatak-takan mo ng maraming paminta, sabay higop habang tumatagaktak ang pawis. Sabi ng mga henyo, ang sopas ay pagkaing mahirap kung ito ay iuulam, ang sopas ay isang pasimula lamang sa isang marangal na piging. Kahit pa anong sabihin, mas masarap kung ito ay uulamin na may kasamang piniritong dalagang bukid, o almusal sa umaga na may mainit na pandesal. Ito ay isang mainam na karadagan sa pang araw-araw na lutuin. Kung mag-luluto ng adobo, ibukod lamang ang mabutong bahagi ng manok at ito ang isangkap sa sopas. May adobo kana, may instant sopas pa. Big-taym,  rich pipol na ang dating.


At para sa tamang timpla, itutok lamang ang daliri sa larawan.
KALANDRAKAS



Nilimbag Ng pinoy hapagkainan10:15